Panalo Sa Lottong Hatid Ng Panaginip (Karugtong ng ‘May Bulong sa Aking Panaginip’)

(Photo Credit : Pnoytv)
(Photo Credit : Pnoytv)

Ang lahat ng tao ay dumaraan sa matitinding pagsubok; minsan, nakabuburyong na at tila himala na lang ang tanging solusyon.

Tulad niya na may pasan-pasang alalahanin tungkol sa pag-aaral ng kanyang mga anak; tulad ng kanyang anak-anakan na nastroke at naparalyze ang kalahating katawan ng ama nito at humihingi ng saklolo.

Nanganganib nang mapatigil sa pag-aaral ang kanyang mga anak.  Wala na siyang mahihiraman dahil may mga dati pa siyang hinuhulugan.  Edukasyon ng mga anak ang pinakapriority niya.

“Ma, kailangang bayaran yung tig-dadalawang buwan naming kulang bago mag-exam.  Ayaw na po ng promissory note ng accounting office.  Hindi kami makapagfa-final exams” ang nag-aalalang sinabi ng graduating na panganay sa kanilang ina.

Paano ba naman makatutulog ang pobreng ina?  Bumaling siya sa pagdarasal na sana’y pagkalooban siya ng sagot sa kanilang kinakaharap na problema ng kanyang mga anak, pati na ang liham-saklolo ng ama ng kanyang kasambahay na anak-anakan na rin niya.

Sa kabila ng kanilang matinding pagtitipid sa pagkain, masaya pa rin silang nagsasalu-salo sa kung ano ang nakakayang ihain sa hapag-kainan.  Ngunit ang inaasam-asam na kaperahan ay mula saan kaya nila makakamit?

“Mahal na Ama, sa ngalan ng iyong anak na si Hesus, nananawagan po kami ng saklolo sa inyo sa pinagdaraanan namin ngayon.  Amen.”  Panalanging paulit-ulit, sama-samang pagdarasal, kasunod ay pagbabasa ng Our Daily Bread at pagbabahagi ng mensahe sa araw na iyon.

Nang gabing iyon, nanaginip siya na kasama niya ang kanyang mapagkalingang biyenang lalaki (na sumakabilang-buhay na dahil sa plane crash) kung saan ay iyak siya nang iyak sa balikat nito.

“Daddy!  Hirap na hirap po kami ng mga apo n’yo.  Tulungan mo ulit kami, Dad,” ang sabi niya rito habang patuloy ang kanyang pag-iyak.

Noon kasing nabubuhay pa ito, lagi itong nakaalalay sa mga pangangailangan ng apat niyang apo.  Napakalaki ng kanyang pagmamahal sa pamilya.

“Huwag ka nang mag-alala, may darating na solusyon sa iyo.  Huwag kang susuko, ‘nak….” Habang hinahaplos-haplos nito ang buhok niya.

Nagising siyang basa ng luha ang kanyang unan at napakalinaw sa kanyang isip ang dumaang panaginip.  Dali-dali siyang kumuha ng papel at lapis at pinuntahan si Dang, ang kanyang anak-anakan na itinuring na panganay ng kanyang mga anak.

“Dang, halika, dali.  Tulungan mo akong mag-isip kung ano ang mga numerong katumbas ng panaginip ko.  Parang may nagbubulong sa aking tumaya sa Lotto mamyaa.  Baka totoo ang sabi ni Daddy sa panaginip ko na may darating na solusyon.  Tama sana ang makuha nating interpretation!”

At pinagtulungan na nga nilang bumuo ng mga numero:  36 (luha-tubig),  16 (petsa ng pagkamatay ng Daddy),  39 (taon nang siya ay ipanganak), 10 (araw ng kapanganakan niya), 27 (numero ng pera), 3 (birthday ni Nanay), 38 (matandang lalaki), 9 at 19 (numero ng patay)

“Hay naku, ang dami na..alin kaya rito, Ate?  Anim lang ang kailangan natin,” ang sabi ni Dang.

“Pumili ka ng anim, at pipili din ako ng anim sa siyam na ito.  Alinman sa kombinasyon natin ang tumama, basta, hahatian kita para sa tatay mo!”

“Naku, parang tiyak na tiyak kang mananalo tayo, Ate!”

“May kakaiba kasi akong nararamdaman, Dang.  Bente pesos din ito.  Magscramble ka na lang muna ng itlog para sa pananghalian natin.  Ihahabol ko to mamaya sa Lotto!”

Bibihira siyang tumaya sa lotto, pero hindi siya nanghihinayang kahit matalo dahil pasampu-sampu o bente pesos lamang siya kung tumaya at katwiran niya’y sa charity naman napupunta ang malaking bahagi ng taya.  Ok lang matalo kung sadyang talo.

Kinagabihan, nagbasa sila ng Our Daily Bread kung saan pagkatapos ng panalangin, sila ay random na nagbubukas ng pahina dito upang siyang talakayin.  Ang nabuksan nila ay may pamagat na “One Ticket,” isang kuwento ng pamilya na bumili ng isang ticket sa pa-raffle ng simbahan para sa fundraising nito.

“One Ticket.” Kaisa-isang ticket lang na halagang P100 ang nabili nila kumpara sa mga ibang church members na marami ang kayang bilhin.  Iyon lang kasi ang kaya nila.  Basta’t makapag-ambag lang sa fundraising.  Aakalain ba nilang sila ang magiging winner sa Jackpot na bagong van na sponsored ng isang company?   Ibinenta nila ito at nagtayo sila ng isang maliit na negosyo at sininop talaga nila ang biyayang dumating.

God works in mysterious ways talaga.  Sa loob-loob nila,

“Lotto na!” sigaw ng mananahing kasama nila sa bahay na shop din.

Dali-dali nilang binuksan ang TV.  Habang wala pa ang para sa draw nila, patuloy silang nag-uusap tungkol sa kuwento ng One Ticket, kapag para sa iyo ang isang bagay, pararatingin at makararating ito sa iyo.

“10….. 36…..” ang bigkas ng taga-Lotto.

“Ateeeee…mayroon tayo n’yan!”  excited na tili ni Dang.

Hindi pa nakasasagot ang kanyang ate ay ….”39…..  3…..”

Nagsimula siyang pawisan nang malamig, hawak-kamay silang dalawang nag-abang ng kasunod.

“…. 16…..”  Napatalon na sila sa tuwa.  Limang numero na!  Napayakap sila sa isa’t isa.

“and last, but not the least, we have …… 13!”

“Ay sayang!  Kinulang ng isa!” panghihinayang nila  ni Dang.

Ngunit hindi naibsan ang galak sa kanilang puso.  Sige pa rin ang talon nila sa tuwa.  P20,000 !  Saan ka ba naman makapupulot ng bente mil!

“Naku, 13 nga pala ang numero ng malas!  Di ba’t malas yung nagcrash ang eroplano ni Daddy  Lolo?  Yun pala ang nakaligtaan natin, ate!”

“Ok lang, Dang.  Hindi pa siguro handa ang pamilya natin sa pagyaman; ayaw ng ating ama na tayo ay humawak ng 15M plus,  baka may maging palalo.   Ibinigay kung ano lang ang kailangan natin.  Salamat po, Ama.  Salamat din, Daddy Lolo!”

Nakabayad sila sa tuition ng apat na bata.  Ibinigay niya sa kanyang anak-anakan ang pangakong kalahati ng panalo at  agad itong nagpadala sa amang naparalyze sa probinsiya ng Pangasinan.

Coincidence ba?  Nagkataon lang?  Sumabay pa sa kuwentong “One Ticket” na kanilang tinatalakay?  Hmmmm…..

Eh kung sabihin niyang may ilan pang sumunod na panalo????  Maliliit nga lamang, ngunit laging sakto sa panahon ng pangangailangan.

Tara nang matulog!  Magtabi ng lapis at papel, baka kayo naman ang susunod na mananaginip!

(Very very true story na nangyari noong 1998, walang labis, walang kulang!)

(Note:  kapag may very recurrent o napakalinaw na panaginip, at ito’y tila may dalang kakaibang pakiramdam, talas-talasan lang po, dahil baka may mensaheng ibinubulong ang inyong panaginip.)

Part 1:  http://definitelyfilipino.com/blog/2012/08/27/may-bulong-sa-aking-panaginip-paano-napakikinabangan-ang-panaginip-part-1/

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!