Pampasigla sa gitna ng kawalan ng pag-asa

(Photo Credit: 8tracks.com)
(Photo Credit:  8tracks.com)
(Photo Credit: 8tracks.com)

“May kasabihan po tayo: Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan. Kaya marapat lang po siguro tayong magbalik-tanaw.”

Sa kasabihang ito sinimulan ni Pangulong Benigno S. Aquino III (PNoy) ang kanyang ikalimang State of the Nation Address  (SONA) na ginanap sa Session Hall of the House of Representatives, Batasang Pambansa Complex, Quezon City, noong ika-28, 2014 sa ganap na ika-3 ng hapon. Simpleng mga pananalita at karaniwan na natig naririnig sa pangaraw-araw nating buhay. Subalit may mensahe na nais siyang ipasariwa sa gunita ng bawat Pilipino.

Isang mahalagang bahagi ng pag-aanalisa upang makita natin ang ating kinalalagyan sa kasalukuyan ay ang muling sulyapan ang dati nating sitwasyon. Ayon sa kanya “noon, sa sitwasyon natin: Para bang kahibangan ang mangarap. May burukrasyang walang saysay, patong-patong ang tongpats, at bumubukol ang korupsyon sa sistema. Naturingan tayong “Sick Man of Asia.”

Ang ekonomiya natin, matamlay; ang industriya, manipis. Walang kumpiyansang mamuhunan sa atin pong bansa. Ang resulta: kakarampot ang trabahong nalilikha. Dinatnan nating tigang sa pag-asa ang mamamayang Pilipino. Marami sa atin ang sumuko at napilitang makipagsapalaran sa ibang bansa. Nakayuko na lamang nating tinanggap: Talagang wala tayong maaasahan sa ating pamahalaan at lipunan.” Ito ang senaryo ng nakaraan/likuran na nais niyang muli ay makita ng marami nating mga kababayan.

Mula sa paglalahad niyang ito ay ikinondisyon niya ang kaisipan ng maraming nakikinig at nanonood sa kanya upang patatagin ang kanyang posisyon. Posisyon bilang ama ng bayan. Ayon sa kanya “nakaatang sa aking balikat, hindi lang ang mga suliraning ating dinatnan at mga lumilitaw sa kasalukuyan—obligasyon ko ring paghandaan ang kinabukasan.” Nagpatuloy siya sa pagpapakita kung gaano kahirap ang tungkulin na nasa kanyang balikat. Ipinakita niya ang bigat ng responsibilidad na ito sa pagsasabing “sa bawat sandali, kailangan kong isaalang-alang ang interes at punto-de-bista ng lahat. Isipin na lang po ninyo: Para kang nanonood ng 200 channel sa telebisyon nang sabay-sabay. Kailangan, alam mo, hindi lang ang kasalukuyang nagaganap, kundi ang pinanggalingan at paroroonan ng nilalaman ng bawat channel.”

Matapos niyang isalaysay ang tungkol sa kanyang responsibilidad bilang ama ng bansa ay sinimulan naman niyang iulat sa tinatawag niyang mga “Boss” kung ano ang kanyang nagawa sa tulong ng kanyang mga kasama. Unang halimbawa na kanyang sinabi ay ang mga nakapagtapos sa Training-for-Work Scholarship Program ng TESDA. Ayon sa kanya mayroong “nakapagpatapos po ito ng 223,615 benepisyaryo.” Ang 66% nito ay nagtatrabaho na sa kasalukuyan. Isinunod niya ang Expanded Conditional Cash Transfer Program. Ito ay bahagi ng pinalawig na Pantawid Pamilyang Pilipino Program na mas kilala sa katagang 4P’s. Bunga ng programang ito ay nasa 2.5 milyon na mga Pilipino na ang nakalampas sa poverty line. Ayon din sa kanya “napapalawak natin ang saklaw ng mga serbisyo nang hindi nagtataas ng buwis, maliban sa Sin Tax Reform na layuning ibsan ang bisyo sa lipunan.” Gayundin ang pagtaas ng koleksyon sa buwis, maayos na pamamahala sa mga utang na nagresulta naman sa pagbaba ng ating utang sa GDP ratio. Kasama na rin ang mga obligasyong karamihan ay minana lang ng kanyang administrasyon ang natugunan na. Halimbawa nito: Ayon sa kanya “1993 pa po o panahon pa ni Pangulong Ramos nang itinakda ang obligasyong i-recapitalize ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa halagang 50 bilyong piso para magawa niya ang kanyang tungkulin. Ang napondohan ni Presidente Ramos, 10 bilyong piso, at hindi na nadagdagan pagkatapos noon. 40 bilyon ang kakulangang iniwan sa atin; nabayaran na po natin ito.”

Kasunod nito ay inilahad niya ang kalagayan ng ekonomiya ng ating bansa. Ayon sa kanya “nitong 2013, sa unang pagkakataon, nagkamit tayo ng investment grade status mula sa Moody’s, sa Fitch, at Standard and Poor’s—ang tatlong pinakatanyag na credit ratings agency sa mundo. Sa pagsusuri nila ng ating macroenomic fundamentals at governance, nabawasan ang riskong itinatala, kaya tumingkad ang kumpiyansa ng mga namumuhunan.” May pagmamalaki din niyang sinabi na “hindi pa nga po nakuntento ang Standard and Poor’s: Nitong Mayo lang, panibagong upgrade na naman ang ibinigay nila sa atin. Ang hatid po nito: Dahil nga investment grade na tayo, mas murang mahihiram ng gobyerno ang pondo para sa mga programa at proyekto, mas maraming naaakit na mamumuhunan sa ating bansa, at mas mabilis na natatamasa ng Pilipino ang benepisyo.” Gumaganda na nga at sumusulong ang kalagayang pang-ekonomiya ng ating bansa. “Minana natin ang tila grounded na aviation industry: napatawan tayo ng significant safety concerns ng International Civil Aviation Organization, o ICAO, nabigyan ng downgrade ng United States Federal Aviation Administration, at nilagyan ng restriction ng European Union ang ating mga local carriers,” pahayag ni PNoy.

Para patunayan ito, ito ang kanyang sinabi “nitong 2013, inalis na nga po ng ICAO ang significant safety concerns sa Pilipinas. Sa parehong taon, sinundan ito ng pagpayag ng European Union na muling lumipad ang Philippine Airlines patungong Europa, kaya direkta nang makakabiyahe ang Pilipino mula Maynila po hanggang London. Malamang nga po, pasunod na ang Cebu Pacific dahil nabigyan na rin sila ng pahintulot ng EU ngayong 2014. Ngayong taon din, in-upgrade ng United States Federal Aviation Administration ang Pilipinas balik sa Category 1. Dahil dito, maaari nang dumagdag ang mga ruta papunta sa Estados Unidos. Sa larangan ng turismo at pangangalakal, malaki ang itinulong ng pagdami ng flights ng ating airlines tungo sa mga bansa kasapi ng EU at Estados Unidos .” Bunga nito ay marami na diumanong mga negosyante at mga turista ang nagnanais bumisita sa bansa. Upang magpatuloy ang pag-angat ng ating ekonomiya at pagbukas ng pagkakataon sa marami nating mga kababayan, kailangan ng imprastruktura. Ito ang hihikayat at aakit sa mga negosyante.

Dahil sa mahalagang papel ng imprastruktura sa patuloy na paglago ng ating ekonomiya, ilan sa kanyang mga binanggit ay ang ginawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH). “Ang nailatag, napapaayos, napalawak, o naipagawa nilang kalsada mula nang maupo tayo, umabot na sa 12,184 kilometro. Nung nakita ko po itong numerong ‘to, napag-isip rin ako: Paano ko ba maipapaliwanag ‘yung labindalawang libo? Sabi po sa atin: katumbas ito ng apat na kalsadang nag-uugnay sa Laoag hanggang Zamboanga City. National roads lang po ito; wala pa rito ang mga local farm-to-market roads o tourism roads,”

Ito ang pahayag ng pangulo. Ang mga sumusunod ay ang mga nagawa pa para palawakin ang imprastruktura: sa Public-Private Partnership program: mula Disyembre 2011 hanggang nitong Hunyo, nakapag-award at nakalagda na ng pitong PPP projects. Mactan-Cebu International Airport Passenger Terminal Building, NAIA Expressway Project Phase 2, TPLEX. Aluling Bridge, Ang Metro Manila Skyway Stage 3, na bahagi ng Metro Manila Expressway na proyekto pa noong dekada sitenta, inilunsad na natin noong Enero. Osmeña Highway, nakikita naman po ninyo kung gaano kabilis itayo ang mga haligi para dito. Ang Ternate-Nasugbu Road, 100 percent complete na, Basilan Circumferential Road, na taong 2000 pang under construction, malapit ng matapos.

Nagpatuloy pa ang pangulo sa paglalahad “muli, dahil sa mabuting pamamahala, mas may kakayahan na tayong tugunan, maging ang mga problemang paparating pa lang.” Gaya halimbawa: sa tubig. “Ang mga solusyong talagang pinag-aralan ng mga dalubhasa, inaprubahan na po natin—ang Kaliwa Dam Project sa Quezon, at ang pag-aayos ng mga linya ng Angat Dam. Kasabay ng mga dam para sa Metro Manila at mga karatig-bayan ang suporta natin sa mga tagalalawigan. Aprubado na rin ang Water District Development Sector Project, sa ilalim ng LWUA o Local Water Utilities Administration.”

Ayon din kay PNoy “ang pinakamalaki nating PPP project—ang Laguna Lakeshore Expressway Dike—bubuksan na rin ang bidding bago matapos ang 2014.Napakaraming benepisyong maidudulot nito. Una, mababawasan ang pagbaha. Ngayon po, ‘pag pumalo ng 12.5 meters ang taas ng tubig sa lawa, tiyak, babahain na ang mga komunidad sa paligid nito. Ang solusyon: dikeng may taas na higit sa 15 metro. Ikalawa  pong pakinabang: Malilinis ang tubig sa Laguna Lake. Ang ikatlo po: Bawas ang trapiko. Sa ibabaw ng dike, magkakaroon ng expressway, na babagtas sa Los Baños hanggang Taguig. ‘Pag natapos ang C-6 road na kokonekta sa San Jose del Monte, may isa na naman tayong paraan upang makatawid ng Kamaynilaan nang hindi na kakailanganing dumaan sa EDSA.

“Ilang halimbawa lang po iyan ng mga proyektong nakapila na para magdala ng benepisyo sa ating mga Boss. Marami pang iba: Aprubado na rin ng NEDA Board ang Laoag City Bypass Link Road Project; ang Cebu Bus Rapid Transit Project; at ang LRT Line 1 South Extension and Line 2 East Extension. Sa mga taga-Palawan naman: Maliban sa mga proyekto sa Puerto Princesa Airport, abangan na rin ninyo ang Busuanga Airport. Naka-go signal na rin po ang pagpapatayo ng phase one ng modernong Clark Green City sa Capas, Tarlac, pihado pong magsisilbing sentro ng komersyo at industriya, hindi lang sa Gitnang Luzon, kundi sa kalakhang bansa” ito ang paghahayag ng pangulo.

Bahagi lamang ito at hindi ang naging kabuuan ng nilalaman ng naging SONA na ating mahal na pangulo. Subalit sa panahong ito na balot ng samu’t-saring emosyon ang marami nating mga kababayan dala ng mga unos at isyung kinakaharap ng ating bansa marahil kahit paano ay magkakaroon ng kasiglahan sa puso si Juan dela Cruz sa mabigat na pasaning kanyang dinadala. Na sa kabila nito ay magpatuloy sa buhay, patuloy na mangarap kasabay ng pagsusumikap na may magandang bukas sa hinaharap.

Ito ang kanyang gagamiting inspirasyon at paghuhugutan ng lakas sa mga panahong wari ba’y nais na niyang sumuko at tuluyan nang mawalan ng pag-asa. Kung mangyari man na siya’y sumuko na’t mawalan ng pag-asa ay bubulayin niya sa kanyang sarili ang kasabihang “ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan.” Pampasigla sa gitna ng kawalan ng pag-asa.

 

About "Ka Mike"

cultural enthusiast.