Pamilya (Ito Ang Aking Kuwento)

Photo Credit: tx.english-ch.com
Photo Credit: tx.english-ch.com
Photo Credit: tx.english-ch.com

Sa pamilya natin unang madarama ang pag-ibig. Ito ang kauna-unahang paaralan na napagdaanan ng sinumang tao na nabuhay sa mundo. Pamilya ang karamay sa bawat sakit at pighati. Pamilya rin ang kasalo sa kahit kaunting ligaya. Ako po si Clair at ito ang aking kwento.

Masaya ang aming pamilya, si Tatay ay responsable at mapagmahal na Ama at si Nanay naman ay maunawain at masipag na ilaw ng sambahayan. Apat kaming magkakapatid at ako ang pangalawa. Maligaya kaming namumuhay sa Surigao. Minana ni Tatay sa kaniyang mga yumaong magulang ang medyo malaki-laking bahay at dalawang ektaryang lupain. Napakasipag ni Tatay at gamay na gamay ang pagtatanim. Nagawa niyang palaguin ang lupa at sa loob ng sampung taon ay trumiple ang aming lupa. Kapag kasi maganda ang ani ay bumibiling muli ng lupa si Tatay.

Sa pribadong paaralan kami nagsisipag-aral na magkakapatid at nabibili namin ang lahat ng kailangan namin pati na rin mga gusto namin. Ngunit dumating ang isang hagupit sa aming buhay na sumubok sa katatagan ng aming pamilya.

Nakursunadahan ng isang mayamang negosyante ang aming mga lupain. Pagtatayuan daw niya ng isang malaking mall. Ipinagbili na kasing unti-unti ng mga kapit-bahay namin ang kanilang lupa at ang kay Tatay na lamang ang hindi. Pilit nila kaming ginigipit, tinatakot para lamang ipagbili ang lupa. Hanggang sa nagulat na lamang si Tatay nang maglabas sila ng dokumento na pag-aari na pala nila ang lupa. Sang-ayon sa kasulatan ay hindi daw si Tatay ang tunay na nagmamay-ari ng lupa kundi ang isang kong Tiyuhin na ganid. Ang lupa kasing pamana ay walang titulo subalit pag-aari na ito ng ninuno ni Tatay bago pa raw dumating ang mga kastlila. Ang sinasabing Tiyuhin namin na nagbenta ay pinsang makaapat ni tatay.

Lumaban si Tatay ng batas sa batas. Ipinagbili niya ang ibang lupa para gastusin sa husgado. Subalit paanong mananalo ang isang kagaya ni tatay laban sa dambuhalang kumpanya. Dumating ang panahon an natutuliro na si tatay. Gusto na niyang sugurin ang Tiyuhin naming ganid. Dumadalas na rin ang mga death threat at pananakot sa amin.

Minsan ay kinausap namin si Tatay

“ Tay, hindi naman po mahalaga ang lupa. Ang mahalaga po ay ang buhay natin at ang pamilya natin. Lisanin na po natin ang lugar na ito” Tinig iyon ni Ate

“ Lupa natin ang mga ito. Ito ang ipamamana ko sa inyo kapag nawala kami ng Nanay n’yo. Hindi natin ito iiwan” mariing pahayag ni Tatay

“ Pero Itay, lagi na po kaming natatakot at hindi na makatulog sa gabi. Naapektuhan na po ang pag-aaral namin. Ayaw po namin na may masamang mangyari sa inyo” patuloy na pakiusap ni Ate.

Nalamuyot ang loob ni Tatay. Nagpasya kaming magpunta sa Maynila, sa bahay ng isa niyang pinsan.

Maykaya ang aming kaanak sa Maynila, may ari daw sila ng isang mini-mart. Inaasahan namin na tatanggapin nila kami ng maayos dahil kapag bumibisita sila sa Surigao ay para silang mga hari at reyna kung istimahin namin.

Ngunit, bakit nagkaganoon? Sa una lamang sila mabuti sa amin. Nang magtatlong buwan na kami ay nagpakita na ng pagkairita ang aming mga kaanak. Nagdadabog sila kapag kami ay kaharap. Nagsisigawan sila na para bang sa amin galit at hindi lamang masabi na magsilayas na kami. Hindi naman kami manhid, kaya kahit hindi namin alam ang pupuntahan ay nagpunta kami sa iskwater.

Namulot kami ng mga plywood, yero at karton. Pinagtagni-tagni na rin namin ang aming mga kumot. Mababait naman ang iba naming mga kapit-bahay. Ang iba kasi ay taga Surigao din kaya tinulungan nila kami sa pagtatayo ng aming Barong-Barong.

Napakahirap pala sa iskwater, bukod sa lagi kang kinakabahan dahil baka ipa-demolish ng may-ari ang lugar ay talagang mahirap lalo na at umuulan. Ilang gabi din yata kaming nag-iiyakan dahil hindi kami sanay sa ganoong buhay. Nagpuputik ang lugar kapag umuulan, tumutulo din sa loob ng aming barong-barong. Napakalamok din kapag gabi at umaalingasaw ang amoy ng estero. Wala rin kaming kubeta, nagsisidumi lamang kami sa arenola at aaminin ko na itinatapon namin sa estero. Naliligo na rin kami sa malaking Batya, isang balde lang yata ang tubig na gamit namin sa paliligo. Napakahirap sa iskwater.

Masasabing magulo din ang lugar, may mga maliliit na awayan ang magkakapit-bahay dahil sa mga tsismisan. Pugad na rin ito ng mga adik at mga petty criminal. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay tao pa rin kami na naninirahan dito at lahat ng tao ay may kakayahang magmahal at magbagong-buhay.

Para lamang makasabay kami sa buhay Maynila ay nagtrabaho ang aming mga magulang at si Ate sa mga pabrika. Salamat at may baon kaming pera na ginastos sa pag-aaply gaya ng pagkuha ng NBI clearance at iba pang papeles na kailangan para matanggap sa trabaho.

Dahil ako ang pangalawang pinakamatanda ay ako naman ang naging bahala sa pag-aayos at paglilinis ng Baronbg-Barong. Akon a rin ang nagluluto at naglalaba, tinutulungan naman ako ng mga nakababata ko pang kapatid.

Kahit na nasa ganon kaming sitwasyon ay nakahihinga pa rin kami ng maluwag. Sabi nga ni Nanay ang mahalaga ay sama-sama kami at hindi nagsisipaghiwalay. Nang 18 na si Ate ay nagpaalam itong mag-abroad, nakarating siya sa Singapore.Dahil sa kaniya ay naging maayos-ayos ang aming buhay. Naipabato namin ang aming bahay at nakabili kami ng mga kasangkapan. Kahit kami ay iskwater ay naging kumpleto kami sa mga kagamitan.

Patuloy pa rin kaming nagsikap hanggang sa na-regular si Tatay sa trabaho at si Nanay naman ay nakabili ng makinang panahi at sa bahay na lamang nagtrabaho. Pinag-aral din ako ni Ate sa PUP. Awang-awa nga ako kay Ate, siya sana ang pinakamatalino sa amin.Alam ko na gustong-gusto niyang mag-aral subalit dahil sa pagmamahal sa pamilya ay nagsakripisyo siya para sa amin.

Masasabi kong nagsasakripisyo din ako, pilit kong iniwasan ang mga manliligaw ko dahil hindi ko ipagpapalit ang aking pamilya sa kaligayahang pansarili. Nakita ko na ganoon din ang ginagawa ng aking mga kapatid.

Nag-aaral din ang mga kapatid ko, parehas silang nasa Hayskul. Dumating na naman ang dagok sa aming buhay. Ipinademolish ng mayor ang mg iskwater. Binibigyan naman kami ng relocation pero sa San Jose del Monte, Bulacan daw. Malayo sa aming paaralan at sa trabaho ni Tatay. Kaya sa halip na mag- relocate ay humanap na lamang kami ng ibang mapag-iiskwatan.
Naging ganoon ang buhay namin, puno ng panganib, pagsubok, kalungkutan subalit kami ay maligaya pa rin dahil patuloy kaming nagmamahalan at nagkakaisa bilang pamilya.

Dumating ang pinakamaligayang sandali nang makatapos ako ng kursong accountancy. Huminto ang isa kong kapatid sa pag-aaral para bigyang- daan ang aking pagre-review. Salamat sa Diyos at ako ay nakapasa sa pagsusulit at naging ganap na accountant. Anim na buwan matapos akong nagkaroon ng trabaho ay kumuha na ako ng disenteng Boarding house para sa aming magpapamilya. Masayang-masaya si Ate. Ilang taon na naman ang lumipas at nakatapos na naman ang aking dalawang kapatid. Ang isa ay Food Technologist at ang isa ay Guro sa elementarya.

Ganito pala ang pamilya, kahit anong pagdaanan ay kailangan lamang ang pagtutulungan at pagkakaisa. Salamat sa Diyos at nagtagumpay kami. Ngayon ay may bahay na kaming hinuhulugan sa isang subdibisyon sa Cavite.

Si Ate na sobrang sakripisyo ang ginawa para sa amin? Nasa Amerika na siya ngayon, pinakasalan siya ng isang Sundalong Amerikano. May isa na silang anak at maayos ang kaniyang buhay. Ganoon pala kapag inuna mo ang ibang tao bago ang iyong sarili ay pagpapalain ka ng Maykapal. Nilalakad na rin ni Ate ang mga papeles ng aming mga magulang para makuha niya sila sa Amerika.

Ito ang aming kuwento, pamilyang nagsikap na magkaisa sa kabila ng kalungkutan. Pinatibay kami ng pagmamahaln sa kabila ng kahirapan. Nagtagumpay kami dahil sa pagtutulungan. Patuloy kaming tumatatag dahil sa pamamatnubay ng Diyos.

 

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.