Pait at Tamis ng Bagyong Yolanda

Delon and Pangs. Yolanda survivors. Gawad Kalinga Youth volunteers.

Muli kong sinindihan ang kandilang itinirik ko sa mass grave sa harapan  ng simbahan ng  San Joaquin Palo Leyte, kung saan nakahimlay ang labi ng aking ama, matapos masawi sa bagyong Yolanda nang tumama ito sa Kabisayaan.

Tinakpan ko ang apat na kandila gamit ang aking dalang pamaypay. ”Grabe naman ang hangin na ito o, pati ba naman kandila, kakantiin pa?” sa loob loob ko.

Tumingala ako sa malawak na kalangitan, maaliwalas ito, tila wala namang nagbabadya na masamang panahon hindi gaya noong araw na tumama ang super typhoon Yolanda sa aming lugar sa Leyte.

Biyernes ng umaga Nobyembe 8, taong 2013, noong tutok kami ni Nanay at ng kapatid kong si Jane sa panonood ng telebisyon, minamasdan ang bawat impormasyon, sa aming maliit na tahanan sa Brgy San Joaquin sa Palo.

“Day Weng, kurukusahay gud man an bagyo ginbalita man ha t.v. sundua  em tatay ha baol.kay diri paman makusugay an hangin.” Agad naman akong tumalima sa utos ni Nanay, ipinasusundo niya si Tatay sa aming bukirin habang mahina pa ang hangin.

Si Tatay naman kasi, sinabihan na ngang huwag na lang pumunta sa bukid at hindi maganda ang panahon, matigas ang ulo, ayaw pa ring paawat, sa loob-  loob ko, habang kinukuha ko ang payong para hindi ako mabasa ng ulan.

Dahil nga pagsasaka ang ikinabubuhay ng aming pamilya kaya asahan na talaga na araw-araw mong makikita si Tatay sa kanyang taniman na may kalayuan sa aming bahay. Kung sabagay halos lahat naman ng tao sa Palo pagsasaka ang kabuhayan. May ilang pangingisda ang ikinabubuhay pero mas angat pa rin ang pagbubungkal sa lupa upang taniman ng gulay, palay at iba pang maaaring maibenta sa bayan o kaya naman, kung marami, sa downtown mismo ng Tacloban City. Mga isang oras mula sa amin ay centro na ng Tacloban, malapit na kung tutuusin pero bihira lang kami  pumunta doon lalo na sa amin na sapat lang ang pera.

“Aray”, huminto  ako saglit  at kinapa ang aking paa, parang may tumusok na matulis na bagay, tiningnan ko ang aking lumang tsinelas.

Kaya naman pala, nakaapak ako ng maliit na pako.” Saglit ko munang tinanggal ang pako sa aking tsinelas, palibhasa kasi manipis na ang tsinelas ko, ito lang kasi ang gamit ko sa pang-araw-araw na paglalakad patungo sa aming paaralan, may mga masasakyan namang “habal-habal” patungo sa Palo National Highschool,  ‘yung motorsiklo na ginawan ng extension para mas marami ang makasakay, kumpara sa normal na motorsiklo na hanggang tatlo lang ang maiangkas, sa habal habal 5 hanggang 6 katao, siyempre depende na ‘yon sa laki ng sasakay. Kung mga payat ang sasakay marami ang kakasya sa habal-habal., kaya lang mas pipiliin pa rin naming magkapatid na maglakad dahil mahal ang pamasahe, 25 pesos pag estudyante at 30  naman kapag hindi.

Sa tigsasampung piso nga lang na baon namin ni Jane, hirap na sina Nanay at Tatay.

Sumasayaw na ang mga puno sa tabi ng dinaraanan ko, palakas ito nang palakas habang palapit ako sa bukirin namin, sumasayaw na rin ang mga puno ng niyog, palakas nang palakas ang pagbayo ng hangin at sinasabayan pa ito ng nakabibinging kulog at kidlat.

“Diyos ko po! Tulungan ninyo po ako, ilayo niyo po ako sa kapahamakan lalo na ang aking pamilya, maging ang lahat ng aking mga kababayan,” dasal ko habang patuloy na nilalakad ang maputik na daan.

“Day, nganong kumanhi  ka pa?” sinalubong agad ako ni Tatay  ng tanong  kung bakit daw pumunta pa ako, noong matanaw niya ako mula sa kanyang kinatatayuan, bakas sa mga mukha nito ang labis na pag-aalala.

“Ginpapasundo  ka ni nanay ha-ak kay may ada bagyo,” sagot ko kay tatay.

Sa gitna ng aming pag-uusap ay biglang tumumba ang isang malaking punongkahoy sa aming harapan, tumalsik ako agad papalayo  nang mabilis akong itinulak ni Tatay, papalayo sa bumabagsak na punongkahoy. Laking gulat ko, nabigla ako sa bilis ng mga pangyayari, lalo na noong si Tatay ang nadaganan ng puno.

“Tay, !Tatay! sumigaw ako nang makitang nadaganan si Tatay na malaking punongkahoy; agad ko siyang binalikan.

Palakas nang palakas ang pagbayo ng hangin, para itong leon na anumang oras ay kaya akong lamunin.

Gamit ang aking payong, isa- isa kong kinabig ang mga sanga sa kahoy na dumagan kay tatay, Napansin kong tila nawalan siya ng malay, naipit kasi ang buong katawan niya sa puno.

”Tay uy, tingog ka dida pagyakan gad”, pokrata em mata,” pilit kong ginigising si Tatay  nang makita kong hindi na siya gumagalaw, sabay sabay na nagsilandasan ang mga luha sa aking mga mata.

”Bulig, bulig”, humihingi ako ng saklolo ngunit sa kalagitnaan ng bukirin at sa malakas na bagyo, sinong didinig sa akin? Buong lakas kong sinubukang buhatin ang puno na dumagan kay tatay, pero sa laki nito, kahit anong gawin ko, ni maigalaw nang kaunti ay hindi ko magawa.

Nanlulumo na ako pero ayaw kong sumuko, nakita ko ang itak ni tatay sa gilid ng aming kubo, dahan-dahan ko itong nilapitan at noong narating ko  na ay agad ko itong kinuha,

Sa pamamagitan ng itak ni tatay, buong lakas kong tinibag ang punong dumagan sa kanya.

“Ah,  ah, ah,” sa sobrang kapal ng puno hindi pa rin ito kinaya ng itak. Halos isang oras na ako sa gitna ng bukirin, ramdam ko na ang sobrang pagod, pero hindi ako nawalan ng pag-asa.

Maya-maya pa  ay naramdaman ko ang paghina ng hangin na umiihip sa akin.

“Tay, dinhi sa kala anay kay maaru ako hin bulig,” naisipan kong iwan muna saglit si tatay para humingi ng tulong sa aming mga kapitbahay para maialis siya sa ilalim ng puno.

Nagdadalawang-isip man ako na iwan si  Tatay sa ganoong kalagayan, ay ginawa ko pa rin para humingi ng tulong sa amin, kasi batid kong hindi ko kakayanin ‘yon nang mag-is. Kung hindi sana ako itinulak ni tatay, tiyak kong ako ang natamaan noon.  “Sana ako na nga lang,” bulong ko sa aking sarili.

Isa-isa kong iniwasan ang mga harang sa aking dinaraanan pabalik sa aming tahanan, hindi ko alintana kung gaano  na kahapdi ng aking mga paa, wala akong hindi kakayanin para kay tatay.

“Diyos ko huwag ninyo pon’g pabayaan si Tatay, parang awa n’yo na po,” taimtim na panalangin sa aking utak habang tumatakbo ako pabalik sa aming tahanan, hindi rin mawaglit sa isip ko kung ano na ang kalagayan ni Nanay at Jane sa amin.

Noong makalabas na ako sa aming bukirin, nagimbal ako sa aking nadatnan.

Nagmistula nang dagat ang aming lugar, at maraming mga katawan ang nakalutang, nasapo ko ang aking noo, at pansamantala  nawala ako sa aking sarili, nangangatog ang aking tuhod, nanginginig ang aking mga kalamnan.

“Nay, Jane” Nay, Jane!” paulit- ulit kong tinawag si Nanay at si Jane, buong lakas kong ginamit ang aking boses.

“Nay, Jane!” muli kong sigaw, ngunit walang sumasagot sa akin, wasak ang halos lahat ng kabahayan sa amin sa san  Joaquin, ang maliit na tahanan ay ‘di ko mahagilap, nagsitumbahan lahat ng poste sa aming lugar, wasak na wasak na ito.

Nilusong ko ang maladagat na tubig sa aming lugar hanggang tuhod ko ito, isa-isa kong tiningnan ang mga lumulutang na katawan doon, mukha iyon ng aming malalapit na kapithbahay, halos madurog na ang aking puso noon. Inisa-isa ko lahat ang mga nagkalat na katawan, ngunit wala si Nanay at Jane.

Sa halos isang oras lang, nagawang patayin ng bagyo ang halos lahat ng mga taga sa amin.” Kay lupit ng Diyos,” kay lupit niya,” gustong isigaw ng aking bibig, pero wala nang boses na lumalabas dito.

Sa gitna ng aking pag-iyak, at pagdadalamhati, sumagi sa isip ko si Tatay. ”Ano na kayang nangyari sa kanya?”, pilit kong hinakbang ang aking paa sa pag-asa na may mahingian ako ng tulong para mabalikan si Tatay.

Sa aking paglalakad-lakad, may nakasalubong ako na mga kapithbahay namin, pero parang hindi na nila ako nakita. Gaya ko, lahat sila ay tuliro. Maya-maya pa, may nakita akong mga rescuer at buong lakas akong tumakbo papunta sa kanila; humihingal.

”Sir,tulungan n’yo po ang tatay ko, ” wika ko sa kanila  na pilit pinapasigla ang aking tinig.

“Asan ‘yong tatay mo, miss, at pupuntahan natin?” tanong ng mga rescuer.

“Nandoon po sa aming bukirin, nadaganan siya ng puno,” at agad namang tumalima ang limang rescuer, dala-dala ang ilang mga gamit pamputol ng kahoy, sinundan nila ako sa lugar na kinaroronan ni Tatay.

Pagod man ako, pinilit ko pa rin na bilisan ang aking paglalakad para agad naming matunton si Tatay.

Mabilis namin itong narating, agad na nilapitan ng mga rescuer ang malaking puno na itinuro ko kung saan naroon si Tatay Tonyo.

Pinulsuhan agad ito ng isa sa mga rescuer, malalim na buntonghininga ang pinakawalan nito, umiling-iling pa bago siya magsalita.

“Miss, patay na itong tatay mo, tumigas na nga ang kanyang katawan,” mas lalo pa akong nanlumo noong marinig ko ang tinuran ng rescuer.

Sa kahuli-hulihang sandali ng buhay ni Tatay, kapakanan ko pa rin ang kanyang iniisip at hindi ko akalain na sa bukirin – kung saan siya kumukuha ng aming ikabubuhay –  ay doon rin pala siya mawawalan ng buhay.

Tunay na bayani si Tatay dahil itinaya niya ang kanyang sariling buhay para sa aking kaligtasan.

Sa pamamagitan ng chainsaw na dala ng mga rescuer ay natabas ang kriminal na punongkahoy at naialis si Tatay doon. Agad kong niyakap si Tatay nang napakahigpit.

Sa edad kong ‘yon na 20-anyos, ni minsan ay hindi ko naranasan na mapalo ni Tatay, kung may pagkakamali akong nagawa noong maliit ako, kinakandong niya lang ako at pinagsasabihan na huwag nang ulitin at hindi raw iyon tama; lalo na noong minsang kinagat ko si Jane, ang nag-iisa kong kapatid dahil sa pag-aagawan namin ng bayabas. Nasa elementary kami noon, tatlong taon kasi ang agwat ko kay Jane, kaya daw dapat ako ang umunawa sa kapatid ko.

Ngayon … wala na si Tatay, wala na ang mabait kong tatay,

Inawat na ako ng mga rescuer upang bumitiw ako sa bangkay ni Tatay, dadalhin na raw  si Tatay sa Palo Cathedral.

Habang taimtim akong nagdarasal sa himlayan ni Tatay, naramdaman ko ang paghawak ni Jack sa aking balikat, mahigpit niya itong pinisil sabay pahid sa aking mga luha, na kanina pa nagpapaligsahan sa pagbagsak mula sa aking mata.

Tatlong taon na  ang  nagdaan, tanggap ko na, na kasama si Tatay sa hindi bababa sa sampung libong nasawi sa pinakamalakas na bagyo na tumama sa Pilipinas.

Sa sobrang sakit ng naramdaman ko, hindi ko na alam kung saan-saan na ako dinala ng sarili kong mga paa, para itong may sariling isip, kung saan saan ko hinanap sina Nanay at Jane pero hindi ko sila matagpuan.

Lumipas ang ilang araw ng rescue operation, wala pa rin, hindi pa rin sila kasama sa mga nahukay na bangkay, ni wala sila sa mga bangkay na lumulutang sa ilog at dagat sa aming lugar.

Mag-isa na lang ako, ano pang silbi ng buhay ko, wala na, wala nang dahilan upang ipagpatuloy ko ang pagsusumikap mag-aral. Kung sabagay sira na naman din halos lahat ng paaralan sa aming lugar, wala talagang pinalampas ang delubyo; maging ang mga naglalakihang gusali sa siyudad ng Tacloban ay hindi rin pinalampas.

Matagal bago dumating ang tulong mula sa gobyerno, marami sa mga kababayan ko ang halos wala nang makain. ‘Yung iba na nakaligtas nga sa bagyong Yolanda ngunit hindi nila natiis ang ilang araw na hindi makakain, lalo na ang mga maliliit na bata.

Magkahalong pagod, gutom at sakit, kitang-kita ng aking dalawang mata ang karahasan ng mga tao, ang mga saradong tindahan sa Tacloban na hindi nasira ng bagyo; isa-isa nila itong sinira, kinuha lahat ng maaaring pakinabangan.

Ilang araw bago nagsidatingan ang iba’t-ibang tulong sa aming lugar, mga tulong mula ‘di umano’y sa ibang bansa at sa mga taong naawa sa kinasasadlakan ng halos buong Leyte at Samar.

Pumipila sila para makakain, nakikipagsiksikan ang mga survivor na gaya ko sa mga ipinamamahaging tulong ng DSWD, sa mga NGO at sa local ng pamahalaan sa aming lugar. Ngunit ako, wala nang dahilan para makipag-agawan ng pagkain, wala nang dahilan para mabuhay, sinisi ko ang Diyos sa mapait na kapalaran na sinapit ko.

“Miss, bumaba ka sa tulay na ‘yan, baka malaglag ka,” mabilis na tumakbo palapit sa akin ang lalaking nakauniporme ng sundalo, agad niya akong kinuha mula sa pagkapatong ko sa tulay ng San Juanico, ang pinakamahabang tulay sa Pilipinas na nagdudugtong sa isla ng Samar at Leyte. ‘Di nagtagal dinumog na ang lugar na iyon ng media, at isa ang tangka kong pagtalon na naging headline sa mga balita, sa radyo, telebisyon at maging sa mga pahayagan sa loob at labas ng bansa.

Hindi ako nagpaunlak ng panayam sa kanila, ayaw kong magsalita, tanging pag-iyak lang ang isinasagot ko sa lahat ng mga katanungan nila.

Ang lalaking sundalo na tumulong sa akin noong mga sandaling iyon, hindi niya ako iniwan, pinayuhan niya ako at pinapalakas ang aking loob.

“Miss, hindi pa katapusan ng mundo, may magandang dahilan ang Diyos kung bakit niya pinapahintulutang mangyari ito,” mahinahon niyang wika sa akin habang dinala nila ako sa ibang mga survivor sa gym ng Tacloban City.

Dalawang linggo matapos akong makita sa telebisyon, dumating ang kapatid ni Nanay na taga Maynila, pinuntahan niya ako sa gym.

Noong makita ko si Tiya Conching, doon na ako bumigay, iyak ako nang iyak, niyakap ko siya nang buong higpit na tila ba nakahanap ako ng kakampi.

Sa huling pagkakataon bago ko tuluyang nilisan ang Tacloban para sumama kay Tiya Conching sa Maynila, binalikan ko ang mga pangalan na nakapaskil sa munisipyo   sa aming lugar sa Palo, maging sa Tacloban, isa-isa kong tiningnan ang pangalan na Saning Gumunit at Jane Gumunit; ang  pangalan ni Nanay at Jane, ngunit hindi pa rin sila natagpuan. Kabilang sila sa hindi bababa sa tatlong libong missing sa bagyong Yolanda.

Sa Maynila, walang araw na hindi ako umiyak, walang oras, walang minuto na hindi ko naiisip ang aking pamilya, parang bumabalik pa rin sa aking isip ang lahat, lalo na ang pagkamatay ni atay, kamatayan na nasaksihan ko, ngunit wala akong nagawa para tulungan siya.

Galit ako sa Diyos, ayaw ko nang magdasal, ni ayaw kong makakita ng simbahan.

Noon, akala ko sa mga palabas lang sa telebisyon nakikita  ang lahat ng mga kamalasan  ng mga  bida o kaya naman  mamatayan ng mga mahal sa buhay. Naisip ko, kaya pala pinapakita ang mga ganoong eksena, kasi totoo iyon, hindi kathang isip, at totoo rin ang labis na sakit,

Isinailalim sa stress debriefing ng DSWD ang mga survivors sa bagyong Yolanda.

Sa Quezon City malapit sa Bureau of Internal Revenue(B.I.R) doon ako dinala ni tiya Conching isang center kung saan mula rin sa iba’t-ibang lugar sa kabisayaan na lumikas na sa Maynila ang mga kasama ko roon, pare-pareho kaming biktima sa mga mabangis na bagyo.

Kasama sa prosesong aming pinagdadaanan, ang pagpapakuwento sa amin kung ano ang nangyari noong araw na tumama ang Yolanda sa aming lugar, ang sakit!, parang ayaw kong balikan ang lahat, pinayuhan kami, tinulungan kami ng mga taga DSWD upang matanggap namin ang lahat.

Hindi madali, mahirap hilumin ang sugat lalo na kina nanay at Jane na hindi ko matiyak kung ano talaga ang kinahinatnan. Ang alam ko lang sa amin sa San Joaquin at halos sa buong Tacloban, ang tinatawag nilang daluyong o storm surge ang naging dahilan upang masawi ang karamihan sa mga tao, bigla daw umanong tumaas ang tubig mula sa dagat, lampas daw sa pinakamatayog na niyog ang taas nito, doon sa bukirin namin kung saan ako naroon, walang tubig doon, malayo kasi ito sa ilog at dagat.

‘Yung hindi nagpunta sa mga evacuation center ay walang nakaligtas, o kung mayroon man, malabo ngang makasama si Nanay, dahil tatlong taon na siyang hindi makalakad dahil naparalyzed ang kanyang kalahating katawan dahil sa highblood.

Paupos na ang kandilang itinirik ko nang tumayo ako mula sa mass grave sa aming dating bayan sa Palo.

Sumakay ako sa sasakyang dala ni Jack, ang aking mapapangasawa. Nakiusap akong puntahan muna namin ang dating kinatitirikan ng aming bahay sa San Joaquin, bago kami tuluyang bumalik sa Maynila.

Wala na ang bakas ng bagyong Yolanda sa amin sa Palo, ang dating kalbong paligid, ngayon ay punong-puno na ng berdeng mga halaman, ang mga niyog na halos kalbo na noon, ngayon makapal na uli ang mga dahon at may bunga na ang mga ito.

Bagaman may bahagi pa rin ng aking puso ang napupuno ng mga katanungan, kaakibat ng  pagkadismaya, dahil sa dami ng tulong na natatanggap ng ating pamahalaan, hindi naman natupad ang kanilang pangako sa aming mga kababayan na maaayos na pabahay. Tunay nga na may mga ginawang mga pabahay ang pamahalaan, pero kung may mapagpipilian lang ang aking mga kababayan, tiyak hindi nila gustong tumira dito.

Halos ‘di kasi magkasya ang kanilang katawan sa pintuan ng mga pabahay, ang liliit, sobrang sikip at nananatili pa rin ito sa mga delikadong lugar.

“Rowena, amo didi han banahon kaswerte han imo, han gwapo,” wika iyon ng kapithbahay kong si Karen, na gaya ko, ay survivor ng bagyong Yolanda.

Guwapo daw ang mapapangasawa ko at masuwerte daw ako; ‘yon ang sabi niya sa akin.

Ngiti lang ang itinugon ko sa kanya.

Mali! Hindi ako masuwerte, but I’m so blessed, kasi mahal ako ng Diyos, nagsara man ang pintuan tunay nga na nagbukas ang bintana para sa akin, dahil sa bagyong Yolanda, nawalan man ako ng pamilya, binigyan naman ako ng Diyos ng isang Jack, na labis na nagmahal sa akin, lalaking hindi ako sinukuan at hinintay ako hanggang sa tuluyan nang maghilom ang mga sugat ng nakaraan.

Love at first sight daw ang nararamdaman niya para sa akin. Corny! pero sabi niya ‘yun daw ang dahilan kung bakit niya ako pinigilan na tumalon sa San Juanico  bridge, buhaghag man daw ang aking buhok  at puno man ng putik ang  buong katawan ko, noong mga  panahong iyon ay litaw na litaw pa rin daw ang taglay kong kagandahan.

“Bolero”… minsan ay nasabi ko sa kanya.

Habang pauwi na kami  pabalik sa Maynila ay napansin ko ang barko katapat ng simbahan ng Iglesia ni Kristo sa Anibong Tacloban City, ang “MV Eva Jocelyn. Sumampa ito doon noong kasagsagan ng bagyo, at ‘di na nila ibinalik sa dagat, nagsilbi na lang itong alaala ng Yolanda.

Natawa na lang ako, ang daming humihinto doon at nagpipicture-taking,” sumiselfie”, tourist spot, na ang barkong  isa sa mga dahilan ng pagkamatay ng maraming tao sa lugar na iyon.

Buhay nga naman!