Pahiram Ng Kahit Isang Araw Mo

Kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan, ay siya ring pag-tulo ng aking luha. Mga luha ng paghihinayang, mga luha na puno ng dalamhati. Kung bakit ang isang ikaw ay hindi ko maAaring mahalin. Kung bakit ang isang ako ay hindi mo pUwedeng ibigin.

Matagal nang may galit ang tadhana sa akin, matagal nang mapait ang panlasa sa akin ng kapalaran.  Kung bakit hinayaan nila akong mahulog sa ‘yo sa maling pagkakataon. Oo, mahal kita. Yan ang totoo, kahit anong sabihin nila, hindi kailan man naging mali ang ibigin kita.  Ang tanging mali lang ay ang panahon na iniibig kita.  Subalit pwede ko bang pagbawalan ang puso ko kung kelan kita mamahalin?

Ito na marahil ang araw na pinakaayaw kong mangyari. Ang magising ang tadhana, at makitang lumalapit tayo sa isa’t isa. Kung kaya’t pilit kang inilalayo sa akin.  Ano ba ang magagawa na isang tulad kong nagmamahal lang sa iyo. Sa isang katulad mong pinanghahawakan ng iba. Ano ba ang makakaya ko laban sa tadhana?  Kung kaya’t bago sana matapos ang lahat. Bago ko, simulang gumising sa isang umagang hindi ikaw ang pinapangarap, maaari bang PAHIRAM NG KAHIT ISANG ARAW MO?

Ipagkakait pa ba sa akin ito ng tadhana? Ang makapiling ka man lang kahit isang araw. Gusto lang kitang makasama, gusto lang kitang makausap. Gusto ko lang maramdaman ang init ng iyong mga yakap ang tamis ng dati nating mga pag-uusap.  Kung puwede lang kahit isang araw, magkunwari lang tayo na tayong dalawa.

Sisimulan natin ang araw kasabay ng pag-unat  ng ating mga katawan  mula pagkakayakap natin sa isa’t isa. Magdadampian ng labi at muling magpupulupot ng mahigpit.  Sa pagbangon ng ulo mo mula sa pagkakahimlay sa aking dibdib ay siyang pagbangon ko upang ika’y pagsilbihan at paglutuan ng agahan.  Pritong itlong, ginisang kanin at longganisa ang siyang iaalay ko sa iyo, susubuan na tila batang alagang alaga. Ituturing kitang prinsesa  sa nag-iisang umagang ito na tayo ang magkasama. 

Pagkatapos kumaIn ay kapwa tayo maggagayak, sabay nating bubuhusan ng malamig na tubig ang ating mga katawan, tulad ng ginagawa ng mga magsing-irog na taon nang magkasama sa iisang bahay.  Lilinisin natin ang isa’t-isa at pagkatapos ay magbibihis ng damit, pinakamaayos na damit para sa nag-iisang date na magkasama tayong dalawa.

Maglalakad tayong magkahawak kamay, animo’y naka glue ang mga palad natin sa isa’t isa at hindi magkabitaw.  Ipapasyal kita sa lahat ng lugar na gusto mong mapuntahan, maeexperience natin ang lahat ng bagay na di pa natin nararanasan. Sabay nating panunuodin ang mga ulap sa himpapawid habang tayo ay nakahiga sa damuhan. Mangangarap para sa kinabukasan, at magkekwentuhan ng kahit ano man lang. Magsasama tayo ngayong isang araw na malayo sa mundo. Yung tipong tayo lang ang may buhay, ang may halaga, yung tayo lang ang istorya.

Sabay nating tatanawin ang paglubog ng araw habang ang aking braso at kamay ay nakapulupot sa iyong katawan at ang ulo mo’y nakasandal sa aking balikat, at ang magkabilang kamay natin ay may hawak hawak na sorbetes at nagpapabilisan tayo sa pagdila nito at pag-ubos. Pangarap ko ang ganitong para tayong mga bata. MALAYA.

Sa paglubog ng araw, ay unti unti lumalapit ang katotohanan; ang pagtatapos ng isang araw na hiram.  Uuwi tayo ng bahay pagod sa maghapong pag-gagala. Subalit hindi ko tatapusin ang araw ng ganito lamang. Ikaw ay sandaling nagpahinga at naidlip. Sa iyong muling pagmulat ng mata ay dahil sa iyong naramdaman ang aking labi sa iyong pisngi. Dahan dahan kitang piniringgan at hinawakan ang iyong mga kamay, na parang isang eksena sa isang erotikong palabas na minsang kinabaliwan ng mga kababaihan. Subalit, ikaw ay aking inalalayan palabas ng kwarto at pag tanggal ko ng piring mo ay siyang sumambulat ang  mala-romantikong dinner date na inihanda ko sayo.  Dalawang putahe lang, kanin at malamig na beer,  ayos na.  Walang mga rosas pero merong limang kandilang nagbibigay liwanang sa ibabaw ng mesa. Kasabay ng pagpapatugtog ko ng isang romantikong musika.

“Just an ordinary song, to a special girl like you, from a simple guy who so in love with you.” Ang syang palihim na pagtalikod ko at pagpunas ng tumutulong luha sa aking mga mata.  Ayokong matapos ang gabing ito. Isang gabing kailan man ay hindi na pwedeng maulit. Isang gabing, habang buhay ko na lamang sasariwain sa aking isip.

Magkasabay tayong hihiga sa kama. Sa huling mga oras na tayo ay magkasama. Kung pwede lang sa pagyakap kong ito ay hindi ka mawala. Kung pwede lang sa muling pagdampi ng ating mga labi ay syang pag-sang ayon ng tadhana na tayo ay pagsamahin habang buhay. Kung pwede lang ang pagmamahalan natin ngayong gabing ay hindi na matapos. Subalit alam kong ito ay mali at alam kong hindi pwede, dahil alam kong hiniram lang kita at batid ng tadhana na hanggang pagtatagpo lang ang meron tayo.  Mahal kita, iyan ay alam mo. Ang isang araw ng pagpapanggap ay matatapos na, ngunit ang init ng iyong katawan ay di ko malilimutan at ang tamis ng iyong mga labi ay syang aking hahanap-hanapin.  Pagkatapos nito ay tuluyan na ang ating pamamaalam. Tuluyan na kitang kakalimutan. Tulad ng pangako ko nung binigyan ako ng isang araw kapiling mo. 

Unti-unti nang pumipikit ang iyong mga mata. Patuloy ako sa paghawak sa iyong mga buhok at pagtitig habang ikaw ay natutulog  sa aking mga bisig.  Dahan dahang tumutulo ang aking luha, unti unti na ring pumipikit ang talukap ng aking mga mata. Siguro dahil sa ako’y pagod na.. Pagod na sigurong umasa na puwede talagang maging tayo. Kahit anong pigil ang aking gawin, ay sadyang di ko kayang labanan ang pagpikit ng aking mga mata. Tulad ng sa kung paano ko man ipaglaban ang nararamdaman ko sa iyo, subalit hindi ko kayang ako lang mag-isa. Bago tuluyang pumikit ay di napigilan ng aking mga labi ang lumapat sa iyong mga labi. At sabihin sayong Mahal na Mahal kita. Sana sa ibang pagkakataon, mapagbigyan ng tadhana ang ating istorya.

Nagising ako nang dahil sa malakas na pag-ugong ng kulog.  Wala ka na sa aking tabi, yakap-yakap ko na lamang ay ang aking mahabang unan, at batid kong may isang butil ng luha ang tumulo sa aking kanang mata. Napagtanto kong panaginip lang pala ang lahat. Panaginip lang ang isang araw na hiniram kita. Dahil sa realidad, alam kong hindi mo kayang  ipahiram ang sarili mo sa akin. Hindi mo batid na ako’y bigyan ng isang araw sa buhay mo.  Hindi mo magagawang sumama sa akin nang buong isang araw habang ikaw ay mayroong iba. Hindi ka nga naman ganoong klase ng tao. Dahil doon kaya kita minahal.  At dahil doon kaya kita patuloy na mamahalin.

 

About malaya06

a deo et rege; humanus crede.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!