Pahati ng Oras at Atensyon

Image by Mommyjoyce via Facebook account

“Mama, sana ikaw naman ang maghahatid sa akin sa paaralan at hindi puro si daddy,” maluha- luhang sambit ng aking anak sa tuwing matutulog siya sa gabi.

Nakadudurog ng damdamin. Nakapagpapalambot ng tuhod. Alam kong simpleng bagay lamang ngunit kay hirap ibigay sa kanya. Pagkagising niya ay ni anino ko ay hindi na niya nakikita dahil sa maagang pagluwas upang makibaka sa mga mag-aaral. Pagdating naman ay takipsilim na at nangungulimlim naman na rin ang kanyang mga mata sa pagod sa kahihintay sa akin.

Sinpleng hiling lamang ang hiling niya ngunit napakahirap ibigay. Simpleng pag-iintindi at kakarampot na oras at atensyon ngunit kay saklap na isipin na hindi ko man lang maibigay.

Oo, napakahirap ibigay. Para bang madudurog ang aking puso sa tuwing sinasambit niya na bahaginan ko man lang siya ng kahit kaunting oras lamang. Sa bawat araw ng kanyang pakikibaka sa paaralan ay kaakibat nito ang lungkot na dulot sa aking nadudurog na damdamin na hanggang kailan kaya ang paghihirap na ito?

Minsan sa isa sa pinakamahalaga niyang araw sa buhay ay nagmakaawa siyang bahaginan ko man  lamang siya ng oras  upang ilagay ang pin dahil sa isang award na kanyang natamo. Kahit sa araw man lang na iyon. Wala akong magawa kundi lunukin ang lungkot at pilit ipagkibit-hikbi na lamang ang lungkot na nadarama ng umiiyak kong puso dahil alam kong hindi ko maibibigay iyon sa isa sa napakahalaga niyang araw dala ng isang mahalagang aktibidad din sa paaralan namin.

Kailan kaya ako makakawala sa ganitong sitwasyon?

Lagi kong tanong sa aking sarili.  Siguro ganito na talaga ang buhay ng isang guro, ang buhay ng anak ng isang guro. Ang makihati sa oras at atensyon ng ina sa atensyon at oras ng kanyang mga mag-aaral.  Nakikihati sa kaunting oras dulot ng maraming oras sa paggawa ng lesson plans, instructional materials, grading sheets, pag-attend sa mga seminars at ilang aktibidad sa paaralan.

“Puro ka na lamang mga mag-aaral mo!” sumbat ng aking anak sa tuwing humihingi siya ng kaunting oras at atensyon.

Dumating sa puntong natanong ko ang aking sarili, “Puro na lamang ba sa aking mga mag-aaral? Kulang ba ang oras at atensyong ibinibigay ko sa aking  anak? Mga tanong alam kong ako lamang ang makasasagot.

Oo, ang hatiin ang oras sa pamilya at mag-aaral ay mahirap lalo na sa katulad kong kailangang lumuwas nang maaga at daanan ang tatlong bayan para lamang marating ang paaralan ay sadyang tatag at lakas ng damdamin ang kailangan. Ibahagi ang mga kaalamang dapat matutuhan ng mga mag-aaral ay ang aking tanging hiling upang mapabuti ang kanilang buhay. Mahirap dahil alam kong hindi lamang ako ang kailang magsakripisyo ngunit pati na rin ang aking pamilya. Wala akong magawa kundi tanggapin ito dahil bahagi ito ng aking sinumpaang trabaho.

‘Ika nga nila, truth hurts. Kailangang hatiin ang oras sa pamilya at mag-aaral na minsan mas marami pa ang naibabahaging oras sa mga mag-aaral kaysa sa pamilya sa layuning mapabuti ang buhay nila. Wala naman akong ibang hiling kundi ang mapabuti ang buhay ng aking pamilya at gayundin ang buhay ng mga musmos na isipan ng aking mga mag-aaral kasama ng mga umaasang magulang nila na maiaahon sila sa kahirapan.

Siguro sa ngayon wala pa akong maisusumbat na sagot sa aking anak mula sa kanyang mga simpleng hiling na bahaginan ko siya ng oras ngunit alam kong sa bawat hiling niya na hatian ko siya ng oras at atensyon ay kaakibat nito ang pagkakataong mabigyan ko ng pag-asa ang aking mga mag-aaral sa matiwasay na buhay balang araw.

About cristina0407

im a public school teacher and a certified fan of writers.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!