Pag-asa sa Pirata

 03944d_a8dc47e46fdf4f218e446407bb587e47PIRATED, ano ang unang salitang naiisip mo kapag narinig o nakita mo ang salitang ito? Ito ba ay CD? DVD? Masama? Bawal? Quiapo? Divisoria? Nagtatago? Hinuhuli? Fake? Krimen o Illegal? E ang PAG-ASA, maaari ba nating idikit sa salitang PIRATA?

Ang mundo ay bilog, ang nakikita mo ngayon, ay maaaring hindi nakikita ng iba. Iba ang perspektibo ng mga taga Hilaga sa mga taga Timog, o ng mga taga Silangan sa mga taga Kanluran. Ang mga alam mo na ay maaaring patuloy pa lang na tinutuklas ng iba. Magkakaiba ang side ng isang istorya. Magkakaiba rin ang pananaw, ang pinaniniwalaan at ang dahilan.

Ngayon, subukan nating baliin ang ating sarili, lumingon gamit ang mulat na mga mata, makiramdam gamit ang bukas na puso, at intindihin ang mga bagay ng may malawak na pag iisip.

Bakit masama ang pamimirata ng mga CD at DVD?

Wala ba talaga itong kwenta?

Ayon sa pag aaral, taong 1999 ay tahimik ngunit napakabilis na kumalat ang epidemya ng pamimirita sa Pilipinas. At ayon sa imbestigasyon, tumatakbo ang krimeng ito gamit ang underground pirate plants na pinamumunuan ng mga bigating sindikato mula sa iba’t ibang bansa sa Asya.

Tunay na negatibo ang epekto ng mga pirata sa Pilipinas dahil bumababa ang tinatawag na ‘CD/DVD sales level. Hindi dahil hindi sikat ang mga pelikula o ang mga recorded music kung hindi dahil nasasayang o nalulugi ang ini-invest ng mga producers. Maging ang mga naipundar na kakayahan at talento ng mga Artists ay tila nanakaw na din. Tinanggalan ng halaga, ng respeto, at  ng pagkatao ang mga produkto ng sining.

Mali ang pamimirata.

Ngayon, bakit may Pag-asa?

Nasubukan mo na ba na habang kumakain ka sa isang restaurant ay may palakad-lakad na tao sa labas na may dala-dalang mga pirated CDs at DVDs at inaalok kang bumili? O kaya ay pagpunta mo sa Quiapo o Divisoria ay may mga nagmamadaling magtago ng kanilang mga binebentang CDs at DVDs? Sino kaya sila? Bakit ganoon ang hanapbuhay nila? Ano ba ang estado nila sa lipunan?

Ayon ulit sa isang pag aaral, ang kahirapan ay may napakalaking ambag sa sitwasyong ito sa ating bansa. Kung iisipin mo, may punto naman. Bakit ka nga naman pupunta pa sa sinehan para mapanood ang pelikula kung sa may kabilang kanto naman mula sa bahay niyo ay may mabibili kang CD/DVD sa halagang singkuwenta pesos? Malaki pa ang matitipid mo.

At kung iisipin mo rin, laking tulong ‘to sa mga kapos sa buhay dahil nabibigyan sila ng pagkakataong kumita. Nagkakaroon sila ng hanapbuhay, mapapakain nila ang pamilya nila, makaka-survive sila.

Minsan isang gabi mga 11:30, nagulat ako sa isang batang lalake na nagtitinda ng pirata sa isang kainan. Pinagmasdan ko siya. Sa bawat taong daraan ay tahimik niyang pinapakita ang kanyang mga paninda, hinihintay na mapansin siya at ang mukha niya’y tila nagmamakaawa na sinasabing ‘bumili na po kayo’.

Bakit siya naroon?

Kung ilalagay mo ang sarili mo sa sitwasyon ng batang ‘yon, ang mga pirata na hawak niya ay napakahalaga para sa kanya. Dahil sa bawat P50 bilang kabayaran sa isang piraso ng kanyang benta ay maaaring katumbas na ng baon niya kinabukasan. O panggawa ng proyekto niya. O pambili ng librong kailangan sa eskuwela. Akalain mo, dahil sa pirata, may nakakapag-aral. PAG-ASA.

Sa mga, hindi nakapagtapos at hirap sa pagkuha ng trabaho dahil hindi natatanggap, marahil ang mga CD at DVD ang nagbibigay sa kanila ng silbi, na kaya rin nilang tulungan ang mga mahal nila sa buhay. Na pwede rin silang kumita, kahit walang silang pinag aralan. Akalain mo dahil sa pirata, nasasabi ng mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral na kaya rin nila. PAG-ASA.

Ang mga PIRATED CDs at DVDs ay may malaking tulong din para sa mga magulang na walang kakayahang bumili ng ticket at madala sa sinehan ang kanilang mga anak. O makabili ng mga educational songs at videos. Marahil ay maliit na bagay para sa ilan, ngunit napakalaking ligaya ang dulot sa kanila. Dahil doon, napupunan nila at nagagawa ang tungkulin bilang magulang. Nabibigay nila ang kailangan at kasiyahan ng kanilang mga mahal sa buhay. Akalain mo, ang isang pirata ay naging daan para mas mapalapit ang mga magulang sa anak. PAG-ASA.

At alam mo rin ba na isa sa dahilan ng pagtaas ng turismo sa Pilipinas ay ang pirated CDs at DVDs natin? Nagkaroon na kasi ng imahe ang ating bansa bilang isang top source of high-quality pirated DVDs sa South-East Asia. Na siyang nagdulot ng pagtaas ng bilang ng mga foreigners na bumibili ng fake DVDs sa Manila. Ang dahilan nila, marami raw silang gustong pelikula na hindi nila nakikita sa bansa nila. At dito sa bansa natin, napakalaki raw ng kanilang natitipid. Akalain mo dahil sa pirata, dinadayo tayo. PAG-ASA.

Ilan lamang iyan sa mga positibong dulot ng pamimirata. At ang artikulong ito ay hindi kayo kinukumbinsi na tangkilikin ang maling gawaing ito. Dahil ang mali ay mali at ang tama ay tama. Nais lamang nito na makita mo at masilip ang kabilang mundo. Na maisip mo na palaging may mabuti sa masama. Na hindi nawawala ang kabutihan kahit sa pinakapangit pa na pangyayari ng iyong buhay. Akalain mo dahil sa PIRATA may PAG-ASA.

visit me at http://alagadngsining.wix.com/alagadngsining/apps/blog

About Alexa Santos

To read more of my articles, please go to http://magingalagadngsining.wordpress.com I am a blogger, a model and a student.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!