Paano pumatay ng bulate

Masaya na ako noon kapag nakakakita ako ng earthworms. ‘Yung itim na itsurang nabubulok na taba ng bulalo. Dali-dali akong tatakbo sa kusina para kumuha ng asin, at ibubudbod ito sa katawan ng nilalang na para bang may pinapalayas na evil spirit. “The power of Christ compels you!” sigaw ko; feeling ko ako si Max von Sydow habang pinapalayas ang demonyo na sumapi kay Linda Blair sa The Exorcist. “The power of Christ compels you!”

Kapag naaaktuhan ako ng nanay ko na ganoon ang ginagawa, sasawayin niya ako as if kamag-anak namin ang bulate. Pero “Ma,” sasabihin ko, sabay budbod pa ng isang dakot na asin sa kampon ng kadiliman, “espiya ang bulate.” Makikita ng nanay ko na uusok ito at matutunaw, gaya ng bampira na aksidenteng nasilayan ang liwanag, o ng kababata kong si Junvie nang ma-possess siya noon at ipitin ng albularyo ng plais ang mga daliri niya sa paa. “Aray!” sabi nito. Epektib.

Walang lungs ang mga bulate; humihinga ito sa pamamagitan ng balat. Kapag nadampian ito ng asin, matutuyo ang katawan nito, saka mamamatay. Siyempre, hindi ko pa ito naiintindihan noon. Ang alam ko lang ay ang mga bulate ay alaga ng mga aswang, at ang asin ay mabisang armas laban sa kanila. At saka bawang. Atbp. sangkap sa pagluluto. Sa isip-isip ko, kung sakaling magkaroon ng aswang apocalypse sa barangay namin, sa kusina ako unang magtatago, kung saan may asin, may bawang, kutsilyo at malalaking kaldero.

May kababata ako noon na nagkuwento na sa lugar nila sa Leyte, kinakain daw ang mga bulate. Kinikilaw, minsan isinasawsaw sa asin na pinigaan ng sili at hinaluan ng tinadtad na bawang, bago ngatain ng pinong-pino habang nagtatawanan. Pinupulutan daw iyon sa kanila, at inilalako pa sa mga tomador ng mga kapwa nila sa bukid. “Sasing” ang tawag nila sa pulutang iyon. Pero para sa akin, ang tawag doon ay “Ganti-ganti lang ‘yan”.

About Vernon Velasco

The reason I carry a handkerchief is that I am meant to save a lady's day.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!