Paano mo malalaman kung ang mister mo ay may other woman?

Image by Gizmodo

Misis, matagal ka na bang nakaramdam ng malakas na kaba diyan sa dibdib mo tuwing hindi umuuwi ang mister mo? O baka naman pudpod na ang kamay mo sa kate-text pero hindi ka pa rin nirereplayan ng iyong mahal na asawa?

Hala! Misis, magduda ka na! Huwag ipagwawalang-bahala ang mga bagay na iyan! dahil ang lahat ng ‘yan ay senyales na si mister may other woman! Oo nga, tama ang nabasa mo! Pag ganyan kasi magduda ka na. Alam mo kung bakit? Ganyan na ganyan kasi ang ginawa ni tatay sa nanay ko noon.

Ganito kasi yon, mga misis, nagtatrabaho kasi noon si tatay sa isang pabrika sa Caloocan. Tatlong taon na siya doong nagtatrabaho sa pagawaan ng plastik, hanggang sa kalaunan napapadalas ang hindi niya pag-uwi ng bahay kasi may overtime daw.

Noong una wala naman kay nanay ‘yon kasi mas maraming overtime, mas malaki ang sasahurin ni tatay para sa amin. Kaya lang madalas nga nga ang overtime, mas lumiit naman ang pera na ibinibigay niya kay nanay. Kung dati ay nagbibigay siya ng 5,000 kada linggo, naging 3,000 hanggang ‘di nagtagal isang libo na lang kada linggo ang ibinibigay ni tatay kay nanay?

O ‘di ba ang saya! Di lang ‘yan, mga misis. Sa tuwing umuuwi si tatay galing sa kanyang trabaho, naging bugnutin na ito, kaunting kibot, nagagalit siya. Dati naman pag umuuwi siya, niyayakap niya kaming dalawa ni nanay at lagi pa may pasalubong sa amin.

Nagtataka si nanay. Biglang nagkaroon ng password ang cellphone ni tatay, at galit ito pag hinihiram ni nanay ang cellphone niya. At huwag ka, naliligo na si tatay araw-araw, dati naman minsan lang kasi masama daw maligo pag pagod galing sa trabaho! At biglang nahilig si tatay sa mga pabango!

Sabi ko kay nanay, “Nay, hindi ka ba nagtataka sa mga ginagawa ni tatay”

“Hayaan mo, anak, 40-anyos na kasi ang tatay mo, baka tama nga na “life begin’s at 40”.

Patay malisya talaga kay nanay ang lahat ng pagbabago ni tatay, kasi nga, mga misis, buong-buo ang tiwala ni nanay kay tatay. Ni minsan hindi nagkaroon si nanay ng tamang hinala! Kaya lang ako naman itong nagtataka. Kahit 13 taon lang ako noon may alam na ako sa mga bagay, para ano pa at lagi akong nanonood ng mga teleserye kung saan may mga kabit ang mga asawa at ganoong eksena ang ginagawa.

So ako itong gumawa ng moves.

Noong minsan habang tulog si tatay, kinuha ko ang cellphone niya at dahil magaling akong manghack, nabuksan ko ang cellphone ni tatay at agad na tumambad sa mga mata ko ang mga text messages. at lahat galing kay “Tonio.”

“Hon, kumain ka na ba”

“Hon, mamaya ha,sunduin mo ako sa work”

Bakla si tatay? Naku naman! Ang sweet ng mga mensahe ni Tonio para kay tatay.

Hinalungkat ko ang gallery sa cellphone ni tatay. May chakang babae na kaselfie si tatay! Babae pala si Tonio. Agad kong binigay kay Nanay ang cellphone ni Tatay, Pinakita ko sa kanya lahat ng nakita ko, at naging bakulaw si Nanay lalo na noong makita niya ang picture ni Tonio sa cellphone ni Tatay.

Ginising niya ng tadyak at sipa si Tatay, at si Tatay mukhang hindi handa sa galit ni Nanay. Pero huwag ka, huling-huli na nga, todo deny pa rin ang drama ni Tatay! Pero very good si Nanay, hindi na nagpaloko pa kay Tatay! Pinalayas niya si Tatay at very good din si Tatay kasi umalis din naman siya agad sa amin noong araw na iyon mismo.

Nang makaalis si tatay, umiyak nang bonggang-bongga si Nanay, at doon niya napagtanto na kaya pala ang daming pagbabago ni Tatay, una, nandiyan ang laging overtime, hindi umuuwi minsan, lumiliit ang bigay na pera, laging galit at laging naliligo, nagpapabango at tinatago na ang cp sa kanya.

“Kaya pala! Hayop sila!” wika ni nanay habang isa-isang tinapon ang nga damit ni tatay sa labas ng aming bahay.

O kayo, mga misis, may ganoong mga pagbabago ba ang mister ninyo? Kung oo, naku, magduda ka na! Pero oops! huwag kang magtanong, hindi aamin yan! Manman din pag may time! At kung tumpak ang iyong hinala, huwag naman agad palayasin at baka naman puwede pa ang second chance. At ikaw, ayusin mo ang sarili mo, ilabas ang itinatagong ganda, matutong mag-ayos sa sarili, huwag lang puro laba at linis ang atupagin. Magpaganda rin pag may time at huwag kalimutang patuloy na ipakita kay mister ang iyong pagmamahal, puriin si mister sa mga magandang bagay na ginawa; maliit man ‘yan o malaki.

Basta yon hah! Pag nahuli na may kabit si mister, kung maaari ayusin muna, huwag gumaya kay Nanay na nagsara agad ng pinto. Tingnan mo ako ngayon, uhaw sa pagmamahal ng ama! Sana lang hindi ko na pinakialaman cellphone ni Tatay noon! Ayon tuloy! Wasak ang pamilya namin!

Deutsch: Römische Brücke in Misis-Mopsuestia, ...
Deutsch: Römische Brücke in Misis-Mopsuestia, Türkei (Photo credit: Wikipedia)