Paano Malalaman Kung Scam o Legit ang Isang Networking?

Scam or Legitimate Networking

Paano mo nga ba malalaman kung ang isang networking scheme ay lehitimo o isang scam lamang?

Usong-uso na kasi yun ngayon. Pag-open ko pa lang ng Facebook ko siguro 75% ng nasa feeds ko eh tungkol sa kung anu-anong mga networking groups.

Minsan nga may nag-alok sa akin na sumali. Nung andami ko ng tanong, sabihan ba naman akong may negative vibes. At kung negative daw ako mag-isip malamang hindi daw ako aasenso.

Weh? Di nga?

Matagal tagal na din un. Likas lang kasi akong nagdududa sa mga “get-rich-scheme” na yan. Yung mga tipong nagsasabing “madali lang kumita dito!” Yung tipong uupo-upo ka lang daw eh may cheke nang darating sa iyo.

Pero nakakaengganyo talaga ang networking. Kaya nga naman andaming pumapasok dito. Yung iba ngang mga batikang networkers eh hindi lang iisa ang network group nila. Sila yung mga professional networkers at sila yung kadalasang pinagsasalita sa mga networking meetings kasi  naman bihasang-bihasa na sila.

Pero paano nga ba malalaman kung legal ang isang networking o hindi? Ano ba ang kaibahan ng isang legit na networking sa pyramiding? Kasi hindi naman lahat ng networking eh illegal. Meron din namang mga lehitimo. Pero, sa totoo lang, medyo mahirap makita ang kaibahan ng isang pyramid scam at ng isang lehitimong networking (multi-level marketing).

Ngunit sa artikulong ito, susubukan kong ilahad ang ilang mga dapat tignan o ilang mga senyales na pwedeng magsabi kung scam nga ba ang isang networking o legal.

Una po eh, may opisina ba ang networking na iyan. Kung may nagrerecruit sa inyo, mas maganda kung bago kayo sumali eh, tanungin niyo kung saan ang business address nila. Kung gaano sila katagal as a networking group. Tignan niyo rin kung rehistrado sila sa Securitites and Exchange Commission (SEC). Meron naman pong website ang SEC kung saan pwede makita kung rehistrado sila o hindi, o di kaya’y magsadya na lang sa local na SEC office.

Mas maganda din kung sa opisina ng networking group kayo mag-transact. At least kampante ka bago ka maglabas ng pambayad ng membership fee. At huwag din kalimutang humingi ng resibo. At hindi lang basta-bastang resibo. Tignan niyo din kung lehitimo yung resibo at hindi lang kapirasong papel na gawagawa lang nila.

At saka mas maganda kung alam mo kung sino ang mga corporate officers nila, mga address nila, para kung sakaling magkaaberya eh alam mo kung saan sila hahabulin.

Pangalawa , tignan niyo yung business model nila.  Kasi yung iba, kahit na rehistrado nga sila sa SEC, hindi din po automatically legal na sila. Pwede pa rin silang maging illegal kahit na rehistrado. Kaya titignan din dapat kung ano ba ang focus ng business nila? Yung mga produkto ba nila? O ang pagrerecruit? Kasi dito mo malalaman kung illegal o hindi ang networking na iyan, rehistrado man o hindi.

Kung ang focus nila eh pagrerecruit lamang, illegal na yan. Kung wala naman silang produktong ibinebenta, o kung meron man pero hindi naman yun ang pinagtutuunan nila ng pansin, eh malamang sa malamang, illegal yan. Bakit ‘ka niyo?

Kasi ibig sabihin noon, pera lang niyo ang kinukuha ng kumpanya nang walang konkretong kapalit. Kumbaga eh: “bigyan mo ako ng pera at promise kikita ka” – ganun ang usapan niyo. Parang nagbebenta siya ng “promise” sa iyo.    At iyan ay isang uri ng swindling o estafa na pinaparusahan ng batas natin.

Kabaliktaran naman ito ng isang lehitimong networking kung saan produkto ang basehan nila. May ilang model na ganito tulad ng isang sikat na linya ng mga cosmetics  (hindi ko na po babanggitin para di mapagkamalang nag-aadvertise ako), kung saan ang sistema nila eh, kung sumali ka, for a fee, meron kang discount sa mga products nila at yun pwede mo ibenta ulit ung mga pinamili mo na may patong na. Doon pa lang kumikita ka na. Pero kung magrerefer ka ng ibang “resellers”, eh may “referral bonus” ka. Kumbaga ang pagrerecruit nila ay sideline lang sa totoong business nila.

Balik tayo sa pyramiding. Pero bakit nga ba ito illegal kung yung member naman eh willing na bumili ng “promise” – kumbaga eh, willing siya na mag-risk ng pera para kumita?

Ganito kasi yan: pino-protektahan lamang tayo ng batas. Alam niyo naman po ang model ng pyramiding kung saan may uplines at downlines. Kung nauna ka sa networkiung group na yan, malamang  marami kang makukuhang downlines. Pero isipin niyo na lang kung ang pyramiding yan eh lumaki na sa puntong halos wala nang marecruit? Paano naman yung mga bagong recruit? Paano nila makukuha yung tinatawag na “return of investments”? Iyon po ang iniiwasan ng batas (Article 53, RA 7394: The Consumer Act of the Philippines). Imagine niyo na lang ang galit ng mga bagong narecruit kung malaman na walang napuntahan yung pera nila tapos di pa nila mababawi. Katulad nang nagyari sa Aman Futures. Kaya para maiwasan ang ganyang scenario eh di mas maganda na bawal na lang.

At saka kung bumagsak ang isang pyramid, walang capital ang sasagot para irefund ang pera ng mga miyembro, kasi nga walang konkretong produkto ang isang pyramid scam. Puros promise lang yan. Kasi ang pyramiding, yung kita ng kumpanya ay nakadepende lamang sa mga recruitments at hindi sa pera mula sa pagbebenta ng mga products nila. So kung wala nang marecruit eh di wala na ring pera ang kumpanya – kaya babagsak.

Ilang obserbasyon lamang sa mga ilang networking groups ngayon

[Ang mga sumusunod ay pawang mga obserbasyon ko lang ukol sa mga sikat na networking ngayon, papangalanan ko yung iba, yung iba eh hindi – papangalanan ko naman sila in the future once na maresearch ko sila ng todo.]

1. Adszens PTC (adszensptc.com): Actually sarado na itong kumpanyang ito. Hindi na rin gumagana website nila. Scam ito. Ang siste nila eh, magmiyembro ka for Php1,800.00 pagkatapos bibigyan ka nila nang online account sa website nila kung saan babayaran ka ng 10 cents per click sa mga ads nila. Bale ang pinakaprodukto nila eh ad serving (sa mga bloggers malamang familiar sila sa ganito). Pero kikita ka din kung magrerefer ka at ito yung focus nila kasi recruitment naman talaga ang main business nila. Ung ad serving at “paid-to-click” system nila eh bogus lang iyon.

Kasi kung iisipin mong maigi, kung ako advertiser, papayag ba akong mag-advertise sa kumpanyang ito kung alam ko naman na ang clicks na nagegenerate ng mga ads ko eh simulated kasi pinapaclick lang pala ng Adszens? Malamang hindi, kasi kung ganun eh, hindi na genuine ang mga leads na pumupunta sa website ko, di ba? Mga bayarang clickers lang pala ang bumibisita sa website ko kung ganun at hindi talaga mga bibili ng produkto ko.

At saka bawal po ang mga PTC or paid-to-click system na iyan kasi counter-productive yan sa mga advertisers.

At ang pangalang ng Adszens parang hinay-jack lang nila mula sa Google Adsense – para parang may color of authority at legitimacy sila.

2. Meron din itong sikat ngayon kung saan ang sinasabi nila na main product daw nila ay mga ebooks. Pero kung makapag-advertise naman sila eh recruitment ang focus. Pero kung titignan mo naman eh, hindi naman sa kanila yung ebooks. Hindi naman sila online publishers ng ebooks. Kaya malamang, ang main focus nila talaga eh recruitment – which is bawal. Babagsak yan kung wala na sila marecruit at kung babagsak sila, ano ibabayad mo sa mga members? Ebooks? Ebooks na kung tututusin eh andaming libreng sources sa internet.

3. Meron din itong mala-First Quadrant ang dating ngayon. (Kung maalala niyo po, bumagsak po ang First Quadrant noon for being in fact a pyramid scam.) Ang main product nila ay glutathione, yung pampaputi. Naisip ko, ang hirap magbenta ng glutathione pero ang dami nilang members. Hindi naman nagbebenta yung mga members ng glutathione. So malamang pyramiding din yan kasi kung hindi naman nadidispose yung produkto niyo at nakatengga lang at puros recruitment lang pinagkakakitaan, eh di scam na yan.

So iyon po, dadagdadan ko po ang listahan sa taas kung may nakita pa akong malamang eh mga scam. Basahin po natin ang Consumer Act. Madami pong mga ibang illegal businesses ang nakasaad doon. Basahin din po natin ang mga write-ups noon tungkol sa mga pyramid scam tulad ng First Quadrant (pagoogle search na lang po) para malaman natin kung anu-ano pa nga ba ang ibang indikasyon ng isang scam.

Mas mabuti na po ang maging “negatibo” kesa maloko. Kung gusto niyo po ng mga patok na trabaho online, recommend ko po kayo na pumunta sa Odesk.com at mga kapareho niyang websites. Mahirap kumita ng pera – that’s the rule. Kaya kung may mga nagsasabing sila ang exception to the rule, wag po maniwala agad.  Mag-isip muna kahit na tawagin kayong negatibo o pessimistic. Bakit, karamihan naman ng mga bilyonaryo eh, sariling sikap ang ginamit di ba?

ABOUT THE AUTHOR: 

Howard Chan is the owner of UberDigests. When he has free time (cough, cough), he takes that time to learn more about SEO, web design, and other stuff about coding. He finished Political Science, but is no way a political scientist nor is he a politician. He is currently laboring as a law student in one of the law schools in the Cordilleras. Feel free to check his Filipinolosophy blog.

About Howard Chan

Howard Chan is the owner of UberDigests. When he has free time (cough, cough), he takes that time to learn more about SEO, web design, and other stuff about coding. He finished Political Science but is no way a political scientist nor is he a politician. He is currently laboring as a law student in one of the law schools in the Cordilleras. Feel free to check his Filipinolosophy blog.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!