“Paano Kung May Something?”

Image by Pinterest

Malapit na ang Ber-months. ibig sabihin, malapit na ang Pasko. Panahon na naman ng “Something-something” – something red; something sweet; something round at marami pang iba, para kay Manito/Manita, tapos kakanta kayo nang sabay-sabay – “I love my Manito, Yes, I do…”

Malayo pa ang Pasko, pero heto, may something na ako sa ’yo – something-unexplained-feeling. ‘Yung malayo ka pa lang, ramdam ko na kaagad presence mo; paanong hindi kung yung puso mo parang maiihi na hindi mapakali? Ang hirap nang ganitong klaseng “something” – hindi mabibili, o mababalot. Yung pag naibigay mo na sa kanya, siya na ang bahala – pag siya, dedma, ikaw ang kawawa; pero pag siya napangiti mo, abot tenga din yung sa’yo. Ganoon talaga pag may something; hindi obvious na papansin? Tinginan dito. Tinginan doon. Pero pag mga mata’y nagtagpo, walang may gustong sumalo sa nahuhulog na puso?

Alam kong masaya at espesyal na may “something-unexplained-feeling” ka sa kanya, pero ang tanong, “Ganoon din kaya siya?” Paano kong sadyang sweet lang siya. Maalalahanin. Malambing. At ikaw masyado lang assuming? Eh hindi na yan pang- “Maalaala mo kaya?” – Pang “Malala na yata? ‘yan ‘te ah”. Haha. Kaloka.

Pero, paano kung may something talaga? Yung wala lang siyang lakas ng loob para sabihin ‘to sa’yo? Yung pag magkasama kayo, masaya. Parang dalawang dots – konek. Pero di ba sabi ni Ms. Melanie Marquez – “Connect me if I’m wrong…” So, ibig sabihin, hindi lahat ng “konek”, tama. Pero, tinamaan ka. Wala ka sa Marawi pero, tinamaan ka…, hindi ng bala kundi ng alab – “AlabYU“, ‘yun lagi ang sigaw ng puso mo. Pero hindi mo masabi.

Ganoon talaga pag nagmamahal tayo. Minsan hindi na kailangang sabihin. Bigkasin. Matulala ka na lang. Yung bigla na lang may tatapik sa mukha mo para magising. Dahil nakakalasing ang siya’y mahalin? Kahit walang Red Horse na sumipa sa’yo, grabe pa ring yung “hangover”, dahil hindi ka parin naka- “get over?”

Getting over something-unexplained-feeling mo? Kaya ‘eto sa harapan ng estante ng National Bookstore naghahanap ka na ng regalo, kahit malayo pa ang Pasko, para sa kanya. Bookworm kse siya kaya isang makabuluhang aklat ang naisip mong e-regalo.

Napadako ang iyong tingin sa “Stupid is Forever” and “Stupid is Forevermore” ng idol mong si Senator Miriam Defensor Santiago. Naalala mo noong pumanaw siya, halos buong Linggo kang nag-post ng Miriam Quotes sa FB wall mo. Ano kaya kung gumawa ka na lang ng 3rd sequel? “Stupid is Forever…Yours!” P’wede. Bakit hindi?

Pero ang mas bakit hindi ay ‘yung – “Bakit hindi mo na lang siya tuluyang kalimutan?” K’se wala pang mabibiling gamot sa botika para sa lifetime amnesia? Yung wala kang maaalala ni katiting tungkol sa kanya.

Pero hindi basta-basta kinakalimutan ang mga taong nagpapasaya sa atin.

At habang sinusulat ko ‘to, tiyempong pinapatugtog ang “Sa’yo” ng Silent Sanctuary sa playlist ko.

“Ano ba mayroon sa’yo na wala sa iba? Bakit sa’yo lang ang puso ko? May halaga ba ako sa’yo?

Kahit konti, ga-mutang laki…?” Napahugot mode kang bigla sa kanta.

Ang aga aga pa para matulala.

Ang dami pang tao.

Awkward.

Lalo pa’t nakita mong paparating na siya.

Malayo pa ang Pasko, oo.

Pero, nanlalamig ka na?

“Habang ika’y papalapit, mata’y ipipikit.

Bakit sa puso ko at isip , di ka maiwaglit?

‘tong something-unexplained-feeling…,

Do you feel the same…?

(Photo Credit: Pinterest)

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!