Paalam, Mommy Glo. Maraming salamat. Dahil sa iyo, mas naunawaan ko ang kalagayan ng aming Ina :(

Hinugot na ni Mommy Gloria ang kanyang huling hininga. Natapos na ang journey niya sa buhay niya sa The Greatest Love, ang teleserye ng ABS CBN na kinagiliwan ng marami lalo na’t ito’y sumasakop sa buhay ng may pamilya…at sa taong nagsimula nang dapuan ng Alzheimer’s disease.

Patapos na ang kuwentong nagpabukal ng luha sa aking mga mata sa loob ng ilang buwan.

Simula noong una itong ipinalabas ay sinubaybayan ko na ito kahit hindi naman ako suki ng mga teleserye. Ito lang ang matiyaga kong sinubaybayan. Bakit?

Dahil nagsimula nang magka-alzheimner’s disease ang aming ina na 76-anyos na ngayon.

Dahil hinila ako ng trailer ng The Greatest Love… kung saan ay narinig ko ang “the unforgettable journey of a mother” na linya… at humaplos ito sa kagaya ko na tulad ni Mommy Glo ay may apat ring anak.

Dahil nakakahawa ang positibong pag-uugali ni Mommy Glo at namana ko ang kanyang “Happy Morning!” sa bawat umaga.

Dahil gaya niya, mayroon din akong mga iskolar noon na kasa-kasama ko sa munti kong shop noon sa Calamba na magpahanggang ngayon, 25 years after, ay nasa buhay ko pa rin.

At higit sa lahat, dahil sa TGL… higit kong naunawaan …unti-unti man… na ang sakit na pinagdaraanan ng aming ina ay hindi talaga madaling maunawaan at tanggapin, ngunit ito’y makakaya kapag inisip mo ang pagmamahal at dito ka kakapit.

Dati-rati, hindi pa namin natutunugan na mayroon nang ganito ang aming ina. Iniisip lang namin noon na nagiging makakalimutin lang siya at kadalasan, naiinis kami sa mga bagay na kanyang sinasabi… lalo na kapag nagbibintang siya na may kumuha ng mga simpleng gamit sa kanyang silid na hindi naman totoo.

Honestly, mabigat intindihin ang sakit na ito. Hindi pala ito simpleng pagkalimot lang sa mga bagay bagay. Bagkus, ito pala’y unti-unting sumisira sa brain processing na kahit ang mga bagay na dating ginagawa ay hindi na rin kaya. Ganoon pala. Nawawala na rin sa pala ang lohika. Hindi na rin nalalaman ang oras, ang araw kaya’t laging sinasabi na kaliligo lang niya kahit mahigit isang buwan na yaong huli.

Bumabalik rin sila sa panahon ng nakaraan at nagkakaroon ng mga halusinasyon. Oo nga… dahil minsan ay naroroon ang aming ina sa panahon ng kanyang kabataan at nakikitira sa kanyang mga tiyahin pagkat isa na siyang ulila. Nakakalimutan na rin niya ang mga tao sa kanyang paligid at paulit-ulit na nagtatanong kung sino ito. Parang sa memory card lang…full na, at hindi na kayang tumanggap pa ng ibang files. Ganoon na rin siya.

Dahil sa journey ni Mommy Glo na sumakto naman sa paglala ng kondisyon ng aming nanay, mas naunawaan ko, mas natanggap ang mga pagbabago na ito sa kanya. Mas natutunan ko kung paanong makipag-usap sa kanya, kung paano siya mapasunod, kung paano siya pasasayahin…lalo na’t naiisip niya na wala na ang aming ama at nag-iisa na lamang siya.  🙁

Susubukan talaga ng sakit na ito ang pasensya at determinasyon ng mga taong nakapalibot sa kanya. Napakahirap…

May mga nagsasabi na wala naman daw kuwenta ang teleseryeng ito. Siguro nga, walang kuwenta kung hindi mo naman ito nasubaybayan mula sa simula at hindi mo rin ito pinanood nang may puso at pang-unawa. Pagkat sa totoo lang, me alzheimer’s man o wala si Mommy Gloria sa kuwentong ito, napakarami naman ng mga eksenang hahagod sa personal mong buhay, sa mga personal mong relasyon —  sa kapatid, sa kaibigan, sa iyong first love at sa buhay mismo ng isang pamilya as a whole.

Napakaraming aral na iniwan. Mga aral na nagpapaalala ng mga bagay na mas mahalaga sa mundo. Mga bagay na basta’t ginawa mo out of love, gaya ng sabi ni MommyLa kay Z,  ay wala kang pagsisisihan.

Maraming pagsubok silang dinaanan at napakahusay ng pagkakaganap nilang lahat. Wala kang itutulak-kabigin sa mga gumanap bilang Amanda, Andrei, Paeng at Liezel.

Gaya ng sabi noon ni Sylvia Sanchez, sana nga may award para sa Best Ensemble dahil lahat ay napahusay ng pagkakaganap; kasama na sina Peter (Noni Buencamino), Bes Lydia, Melva, mga doktor, at lahat ng mga supporting roles. Napakahusay ng pagkakadirihe ng mga directors na sina Dado C. Lumibao, Jeffery Jeturian, Mervyn Brondial at Paco Sta.Maria.  Napakahusay! Never a dull moment sa buong panahon ng pag-ere nito mula September 2016.

Kung may wish man ako, parang gusto kong mas napahaba pa…. kasi nabitin ako sa masasayang eksena.  ^_^  Tuwang-tuwa akong makita ang mga eksenang nagkakasiyahan na sila bilang isang buong mag-anak. Nakigalak ako sa kanila, nakitawa sa kanila. At gayundin, sinamahan ko ang magkakapatid sa kanilang pagluluksa sa pagkawala ni Tatay Peter at kalaunan, sa pagkawala ni Mommy Glo.

Finale na ang susunod…huling araw na ang April 21. Wala akong pinagsisisihan sa ilang buwan ng pagsubaybay. Sa totoo lang, gusto kong ulitin sa isang buong CD ang The Greatest Love, gaya ng pag-ulit ulit ko sa ilang eksena na labis kong nagustuhan.

Maaaring nagtapos na ang buhay ni Mommy Glo, pero eto… paulit-ulit kong pine-play ang mga eksena para sa aming Nanay … habang paulit-ulit kong sinasagot ang kanyang mga tanong kung sino ang nasa eksena at paulit-ulit ibinabahagi ang mga pangyayari.

Hindi pa tapos ang kuwento ng aming Nanay, pero maraming salamat sa inyo, Mommy Glo… mas masaya ngayon ang aming buhay sa piling ni Nanay.

Ang eksenang nag-trending:

 

 

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!
Source :

Kicker Daily