“Otso Oras”

1381334_1388686541365537_557410630_n

 

Nakaupo ako sa isang swivel chair habang naghihintay ng tawag mula sa Arabo kong boss na pinagsisilbihan ko gabi-gabi nang masipat ko ang kabuuan ng makipot na Pantry na iyon.

Ginala ko ang buo kong paningin; waring may hinahanap ang aking mga mata. Gayong kabisado ko na ang laman sa loob, kakaiba ang gabing iyon. At dahil napakatahimik ng paligid, kung saan-saan na naman napadpad ang isip ko.

Otso oras ang duty sa loob ng anim na araw.  Isang araw na off at kung sinisipag, at dahil sayang din ang dagdag sa suweldo na kakarampot, pumapasok ako pitong beses sa isang linggo.

Biglang sumagi sa isip ko na hindi man ako pumapasok sa isang magarang opisina, na may kaharap na touchscreen na computer, o nakasuot ng magarang uniporme at tinatawag na Sir o Boss,  mapalad pa rin ako na nagkaroon ako ng ganitong uri ng trabaho na kung ikukumpara sa Pinas ay pihadong hindi lang pagod ang daranasin mo sa mahigit OTSO ORAS na pagpasok sa trabaho roon. Kundi pati mga pagmumura at mala-tigreng ugali ng mga superior mo.

Naranasan ko nang masigawan, murahin, maliitin at ipahiya sa harap ng maraming tao nung nagtatrabaho pa ako sa isang Mall noon. Kasama ‘yan sa trabahong pinasukan mo na kahit ikaw ang tama, wala kang karapatang magmatigas sa nakatataas sa ‘yo. Pero ngayon, masasabi kong sulit ang OTSO ORAS na duty ko.  Sasagot ka ng tawag, ipagtitimpla mo ng inumin ang mga boss mo, kaunting linis at ligpit sa loob ng pantry, presto. Wala mang tip, ok na sa ‘yo na marinig mo ang salitang ‘SHUKRAN’ o ‘THANK-YOU’ na pakunsuwelo sa ‘yo.

Oo nga’t maliit lang ang sahod. Pero kung ikukumpara sa Pinas, wala kang makikitang ganitong trabaho roon. Lahat naman tayo ay naghahangad ng malaking sahod. Pero naniniwala ako na lahat ng bagay ay step by step. Kaya sa ngayon, just go with the flow muna ako, ‘ika nga. Ang importante, hindi ka pabigat sa mga magulang mo at kaya mo nang tumayo sa sarili mong mga paa na hindi dumedepende o umaasa sa iba!

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!