Open letter to President Duterte / PNP Chief Ronald Dela Rosa

Tourist made gesture by Philippines flag colored hands showing symbol of heart and love during sunrise

Dear Mr. President Duterte/PNP Chief Dela Rosa,

Nagtataka po siguro kayo kung bakit naka-address itong sulat ko sa inyong dalawa. Ipapauna ko na po, hindi po ito tungkol sa laban ninyo sa droga. Ngunit ito ay tungkol sa pagpasok sa PNP ng aking kasintahan.

Tama po ang inyong nabasa.

Siya ay nangangarap po mula pagkabata na maging isang pulis. Ngunit siya ay hindi isang criminology graduate. Siya po ay nagtapos ng kursong Psychology. Ngunit dahil po sa kagustuhan niyang makapasok sa PNP, siya po ay sumubok mag-take ng NAPOLCOM exam. Tutol po ako sa kagustuhan niyang iyon. Dahil ang unang pumapasok sa isip ko kapag ikaw ay isang pulis ay delikado at ang isang paa mo ay nasa hukay, ‘ika nga nila. Kaya nagkaroon kami ng usapan na isang beses lamang siyang mag-e-exam, pumasa o hindi, ay hindi na muli siyang susubok.

Iyon ang aming usapan.

Siya ay nag-umpisang mag-exam noong siya ay 28 taong gulang, ngunit nabigo siyang pumasa. Akala ko doon na natapos ang aming pagtatalo sa kagustuhan niya. Subalit isang araw, siya ay nagtapat sa akin na muli pala siyang nagrehistro sa NAPOLCOM upang muling mag-take ng exam. Siya ay 29 taong gulang na noon. Muli, siya ay nabigo. Sa pangatlong pagkakataon, nakiusap siya sa akin na muli niyang susubukan ang mag-exam at kapag siya ay hindi pumasa, titigil na siya. Ginusto rin niyang magrehistro sa isang review center dito sa amin upang masigurong papasa siya ngunit kay mahal ng registration fee at hindi kinaya ng budget kaya siya ay nagpasyang mag-self review na lamang.

Pumayag ako at ibinigay ko ang buong suporta ko sa kanya sa pagkakataon na iyon. October 2016 ang schedule ng kanyang exam noon, kasagsagan ng bagyong humahagupit dito sa Region 1. Siya ay bumiyahe ng madaling araw papuntang La Union kahit kasagsagan ng masungit na panahon. Pagkalipas ng dalawang buwan ay lumabas na nga ang resulta, at sa pagpapala ng Diyos siya ay nakapasa!

Ngunit hindi pa rin natatapos ang kalbaryo niya roon. Naglabas ng MEMO ang RSD DPRM na online na raw ang mangyayaring PNP recruitment at sa February 1, 2017 ito magsisimula. Subalit naurong ito hanggang umabot ng April 3, 2017. Madaming aberya ang online recruitment system na iyon. Siya ay succesfully registered na sa PNP ORAS ngunit hindi makaabante dahil nire-require ng system na mag-upload siya ng age waiver.

Siya ay kasalukuyang 30 taong gulang na at ngayong May sa taon ding ito ay magiging 31 na. Ang problema niya ngayon ay kung paano makakahabol sa age requirement na 30 taong gulang upon oath taking. Kami ay muling nabahala. At hindi alam kung saan kami magre-request ng age waiver upang siya ay makapasok pa rin. Kaya ako po ay nagdesisyon na magsulat ng open letter para sa inyo Pangulong Duterte at PNP chief Dela Rosa.

Nawa’y matulungan po ninyo po kami na mabigyan ng age waiver ang aking kasintahan. Siya po ay nagpupursige at nagsusumikap. Nakikita ko po sa kanya ang kanyang pagnanais at pangarap na maging isang pulis upang matulungan ang mamamayan at makapaglingkod sa bayan. Ako po ay umaasa na makarating ang sulat na ito sa inyo. Gabayan po kayo ng Maykapal. Maraming salamat po!

PS. Lingid po sa kaalaman ng aking kasintahan ang pagsusulat ko ng open letter na ito. Gusto ko lamang siyang tulungan na maabot ang kanyang pangarap. Maraming salamat.

About Kimberly Fabito

An introvert woman who lives a normal life with my loved ones.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!