Open letter to PAWS (Philippine Animal Welfare Society)

 

Labis kaming natutuwa sa ginawa niyong pagkilos laban sa issue ng asong pinatay sa Pelikulang “ORO”. Mali at labag sa Animal Welfare act ang ganoong gawain – alam kong alam naman ng lahat ‘yon. Kailangang managot sino man ang may sala sa paraang legal at naayon sa batas. Ituloy niyo ang laban para sa katarungan ng asong nagbuwis ng buhay, nasa likod niyo ang taong bayan.

Sa kabilang banda – salamat din sa Pelikulang ORO at nailahad sa atin na mayroon pa pala tayong mga kababayan na kumakain ng aso.

Tanong lang po, mayroon na ba kayong aksiyong ginawa para maturuan natin ang mga taga Gata, Caramoan (o sa ibang lugar na may mataas na krimen laban sa pagkatay ng aso) ng kaalaman ukol sa Animal Welfare Act? Mayroon din ba kayong kahit isang representative man lang na pumunta sa liblib na lugar na ito para sila lecturan at itaas ang antas ng hanapbuhay nila? Alam ko kasi sarado pa ang Ball Mill at walang masyadong huling isda.

Batid din naming hiling niyong ipatigil na ang pagpapalabas ng pelikulang ito ngunit hindi ba’t ito’y boses din ng mga totoong taong humihingi din ng katarungan?

Kung ipapatigil ang pagpapalabas nito, may aksiyon ba kayong gagawin o alternatibong paraan para maihayag din at palakasin ang boses ng mga taong walang awang pinaslang? Sana naman ay mayroon din, kasi matalino na ang mga tao ngayon – alam na natin ang “fishing for publicity”, “selective Justice” at kaipokrituhan lang. Baka naman kasi hanggang facebook post at interview lang po kayo sa Media at gusto niyo lang sumikat -huwag naman sana. Gusto sana naming magsagawa din kayo ng pagkilos para sa mas maigting na pagpapalawak ng kaalaman ukol sa karapatang panghayop sa mga liblib pa nating mga lugar. Wala kasi silang masyadong facebook doon – baka hindi nila nakikita mga shini-share niyong lectures online.

Alam naming karapatang panghayop ang sentro ng inyong grupo pero sana naman ay maging mas mataas ang pagpapahalaga natin sa karapatang pantao. Alam naming kayo’y boses ng mga hayop ngunit sana’y huwag naman itong maging mas malakas pa sa boses ng mga taong biktima din ng kahayupan.

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!