Nokia 3310

Imahe mula sa nokia.com

Noong sinabi mo na babalik ka na, sobra akong natuwa. Sa tono ng pananalita mo, para bang wala na sa iyo ang ginawa ko noon.

Nakalimutan mo na ba kung paano kita iniwan? Kung paano kita pinabayaang manatiling tuyo at patay, kahit batid kong kayang-kaya kitang bigyan ng buhay? Kung paano kita ipinagpalit sa kanya kahit na hindi naman ikaw iyong tipo na pinapalitan? Kung paano ko piniling mag-ipon ng mga larawan kasama siya habang unti-unti kong nalilimuntan na sa akin pa nga pala? Kung paanong habang nakikinig ako sa pagkanta niya ay unti-unti ko nang nakalimutan kung saan ba kita iniwan at dapat nga pala kitang balikan? Nakalimutan mo na ba kung paano kinalawang ang iyong baterya habang naghihintay sa muli kong pagkalinga? Nakalimutan mo na ba kung paano kita ikinahiya noon kapag panay ang kantiyaw ng aking mga kaibigan na nagsasabing wala kang sinabi sa kung anong mayroon sila?

Noong sabihin mong babalik ka, natuwa ako; sobrang galak. Hindi lahat ng bagay na iniwan natin sa nakaraan ay nahahanap ang daan pabalik sa atin sa hinaharap. Ngunit sabi mo, “Maghintay ka lang, pabalik na ako.” Kaya naman naghintay ako.

Aaminin ko, bago ka muling magparamdam, hindi ka na sumasagi sa isip ko at libang na libang pa rin ako sa kanya – sa kanya na moderno, sa kanya na nasasakyan lahat ng gusto ko, sa kanya na totoo namang higit kaysa sa iyo.

Pero naghintay ako. Noong sabihin mong babalik ka, nakadama ako ng pangungulila. Ikaw ang nagturo sa akin ng lahat. Ikaw ang unang nagbigay sa akin ng tuwa. Napakarami natin pinagsamahang, letra at kataga. Tayo ang magkasama sa mga unang larong aking naipanalo; sa mga “top score” na una kong naabot. Ikaw ang kasama ko noong unang beses kong sinabi kay Ama na hindi ko na kailangan ng sundo; na kaya ko na ang sarili ko kaya hindi sila dapat matakot kahit gabihin pa ako. Ikaw ang kasama ko noong sabihin ko kay Ina na may karangalan akong iuuwi sa Araw ng Pagtatapos. Hindi ba’t hindi ko na nahintay noon ang uwian para sabihin sa kanya na bumili na sila ng mga bagong baro para samahan akong tanggapin ang karangalang nakatakdang makuha ko? Ikaw din ang dahilan ng unang pagtibok ng puso ko para sa iba; at ikaw din ang nagpaunawa sa akin na minsan ay marurupok masyado ang mga salita upang magtagal. Noong sabihin mong babalik ka, bigla akong nangulila sa lahat – bigla akong nanabik na muli kang makasama, kahit may kapiling na akong iba.

At ngayon, narito ka na. Tinupad mo ang sinabi mo, bumalik ka nga. Ibang-iba ka na ngayon. Iba na ang itsura mo; mas maganda ka na, mas marami ka nang maipagmamalaki, marami na rin ang humahanga sa iyo at nais kang makasama.

Ibang-iba ka na. Kaya pala parang nakalimutan mo na ang aking mga nagawa. Kaya pala parang hindi ka galit; kaya pala hindi ka puno ng pait. Ibang-iba ka na, parang hindi na kita kilala.

Gayunman, gusto pa rin kitang muling makasama. Siguro, dahil nangungulila pa rin ako sa dating ikaw; sa ikaw na hindi ako iniwan hanggang sa dulo kahit na pinabayaan na kita noon, sa ikaw na kasama ko sa pagsisimula –sa tunay na simula– ng buhay at pangarap ko.

Kaya maghihintay pa rin ako. Tutal, kasalanan ko rin naman ito. Hindi ko naisip na maaari pa rin naman kitang isama kahit pa yakapin ko rin ang pagbabagong dala ng panahong moderno na.

Ngayong narito ka na ulit, maghihintay ako sa tamang panahon para yakapin kang muli. Batid kong nagbago ka na, alam kong ibang-iba ka na, ngunit handa akong yakapin kang muli – umaasang binago ka man ng panahon, sa kaloob-looban ng kabuuan mo, ay ikaw pa rin ang minsang inibig ko nang husto.

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a journalist by profession and a literary writer by passion. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!