NO PRIVATE READING PLEASE

IMG_2916
My beloved JANE AUSTENS /md.14

Book lover ka ba? Madalas ka bang tumambay sa mga libraries at bookstores? Ano’ng hilig mo, fiction or non-fiction o pareho?

Oo, isa rin akong bibliophile o yung isang nilalang na mahilig magbasa at mangolekta ng libro.

Sinusubukan kong magbasa ng iba’t ibang klase ng literary genres pero meron lang akong mga ilang paboritong writers.

Ang mga klasikong authors na sina Jane Austen at Ayn Rand ang nasa top 2 ng listahan ko. Para sa akin, pareho silang simbulo o matatawag na women of strength ng kani-kanilang sariling panahon.

Gusto ko rin ang iba’t ibang istilo ng mga classic English writers tulad ng Bronte sisters, Virginia Woolf at American novelist/poet na si Sylvia Plath at Harper Lee. Di na baleng sabihing makaluma o old school ang trip ko pero iba pa rin ang dating ng mga original na nobelista noong araw syempre. Gusto ko ang pagiging feisty at individualist ng mga karakter ni Ayn Rand. Ang pagiging smart, witty at madaldal ng mga romantic heroines ni Jane Austen. Ang mga dark drama sa mga nobela ng Bronte sisters. Ang pagiging misteryosa ni Woolf at ang masalimuot na mundo na sumasalamin sa mga tula ni Plath.

Dekada 80. Noong ako ay nasa kolehiyo pa lang dahil sa mahal ang matrikula, pamasahe, baon sa eskuwela at mga pambili ng librong kailangan sa eskuwela, wala na akong natitirang extra budget para sa mga librong gusto kong bilhin. Kaya naman naging paboritong pastime ko na ang mag-private reading sa loob ng National Bookstore – the country’s National Bookstore. Yan ang sikat na tagline nila. O diba, saan ka nakakita ng bansang me sariling pambansang tindahan ng libro? Wala. Only in the Philippines.

TheFountainhead
photo credit: The Fountainhead Cover/ fhbs

Oo, meron naman kaming library sa kolehiyo pero kulang ang mga librong mababasa mo doon o siguro sadyang wala lang doon ang mga type kong libro na basahin. Mahilig din akong dumiskubre  ng mga booksale diyan sa tabi-tabi at sa Recto pero umiiwas na ako sa Recto dahil madalas ang holdapan ng estudyante sa lugar na yan dahil baka yung pambili ko ng murang libro eh maholdap pa at umuwi pa akong luhaan.

Pero sa maniwala man kayo o hindi natatapos ko ang isang nobela o ano mang libro na gustong-gusto kong basahin pero hindi ko naman binibili ang libro. Maaga kong nalaman na diskarte lang pala ang kailangan. Pagkatapos ng klase ginawa ko nang bisyo ang mag-private reading araw-araw. Minsan madalas akong nakakalusot. Minsan madalas din akong tinitignan ng masama ng guard dahil ang laki nga naman ng karatula sa itaas ng istante pero parang hindi ko nababasa.

“NO PRIVATE READING PLEASE.”.

Pero dinededma ko lang to dahil mas masidhi ang aking pagnanasang matapos ang binabasa kong libro. Mapipigil ko  ba ang sarili ko lalo na kung nandun ka na sa isang eksenang kapana-panabik? Yung feeling na hindi magiging kumpleto ang araw kapag hindi ko man lang nabasa ang parteng pinakahihintay.

Bakit naman kasi bawal pa ang magbasa sa bookstore noon samantalang sa ibang bansa naman ay okay lang ang magbasa sa loob pa mismo. Iniisip ko nga dati, ano ba ang pinaka-worst na mangyayari sa akin kapag nahuli ako ng guwardiya na nagbabasa ng libro? Aber, isa-isahin nga natin.

Ikamamatay ko ba to? Makukulong ba ako? Magmamakaawa kaya ako? Magmumulta ba ako? Aawayin ko ba ang guwardiya at sapilitan niya akong hihilahin sa buhok palabas ng bookstore habang nagsisisigaw ng ” Nasaan ang hustisya!!!???” Uusigin ba ako ng aking konsensiya sa isang pangyayaring hindi ko mapigilang gawin?

Maraming bagay ang gumugulo sa isip ko pero hindi ko iniisip ang mga maaring mangyari dahil mas excited ako sa istorya ng librong binabasa ko. I would rather take a risk. Kasi naman nakakalimutan ko ang mga nakakawindang na problema ng buhay kapag nandun ka lang sa loob ng iyong sariling mundo at nakikipag-jamming sa mga karakter ng  nobelang iyong binabasa.

Minsan nga nai-imagine ko pa na kung sakaling mahuli ako eh, baka biglang makita ko na lang sa front page section ng isang tabloid kinabukasan ang mukha ko na may headline na ganito . . .

Breaking News:

          ISANG BABAENG ESTUDYANTE SA KOLEHIYO INIHABLA NG LIMANG TAONG PAGKAKABILANGGO DAHIL SA PAGBABASA NANG WALANG PAHINTULOT

 

Okay, alam ko OA masyado ang hatol na limang taon pero ine-exaggerate ko lang naman ito dahil ganun ako ka seryoso sa gagawin kong krimen. Pero sa kabila nang yan, umiiral pa rin ang pagiging makulit at tigas ng ulo ko at sasabihin ko na lang sa sarili na kung sakaling mangyari yan, ” Bahala na si Batman.”

book collections
Some of my English book collections/ md.14

 

Kapag napapansin ng guwardiya na medyo matagal na ang aking pagkakatayo sa literature section ng bookstore na yun at wala naman sa mukha ko ang bibili ng isang libro, magpaparamdam na yan ng dahan-dahan sa aking likuran upang hindi ko siya mapansin agad. Pero mas madalas na nahuhuli ko rin siya  at nakikita ko ang mga kilos niya sa aking peripheral vision habang nagbabasa.  Kaya malayo pa lang siya eh, nagkukuwari na rin akong tumitingin na iba pang libro sabay lakad na papalayo sa mga libro na para bang nagpapaalam sa isang syota – habang bumubulong ng may hinanakit . . . ” Babalikan din kita, aking librong sinta.”

Kapag maaga pa para umuwi at hindi naman ako hahanapin sa bahay, pumupunta muna ako sa ibang section ng bookstore, nag-iikot at tumitingin ng kung ano-ano upang umalis muna ang guwardiya at babalikan ko na lang ulit kapag wala na siya sa paningin ko. Minsan nga para kaming magsing-irog na nagiikutan at naghahanapan sa isa’t isa.

Merong pagkakataong na kapag naiinis na ako pinagbibigyan ko na lang ang guwardiya sa trip niya at uuwi na lang muna ako. Pero babalik ako kinabukasan kapag nakita kong ibang guwardiya na ang naka-duty doon. At kung mainit talaga ang mga mata ng mga parak sa kakulitan ko, sinusubukan ko ding mag-disguise dahil halata na agad kapag suot ko lagi ang puting uniporme ko.  Minsan, magpapalipas muna ako ng mga ilang araw o kaya ay pupunta ako ng ibang branch ng bookstore at doon ko tatapusin ang kuwento.

Sa loob loob ko, ” Lintik lang ang walang ganti.” Sa akin pa rin ang huling halakhak. Har! Har! Har!

stupid is forever
Yes, parte na rin si Tita M ng koleksyon ko. Yippeee! /md.14

Pero syempre kahit anong galing ko pa sa pagtatago at pag-iwas sa guwardiya, kapag nauubusan na rin ako ng gimik sa pabalik-balik ko doon at walang nangyayari sa aking mga effort, dumarating din yung point na mahuhuli ka rin. At ito yung moment na matagal ko na ring pinaghahandaan.

Isang araw ng weekend dahil wala na kaming pasok tuwing sabado ng hapon, naisip ko agad na dumeretso sa SM City North Edsa dahil ito ang mas malapit sa aming eskuwelahan, walking distance lang. May limang oras pa ako para maglakwatsa. Kaya tuwang tuwa ako at naiisip ko na agad ang mga eksena sa mga susunod na pangyayari sa istoryang aking sinusubaybayan.

Dahil ito kasi yung moment na pinakamainit sa lahat, isang eksena ng konprontasyon sa isang korte kasama ang mga bida na sangkot sa isang malagim na krimen sa istorya. At dahil exciting nga, masyado akong naka-focus sa isang cross-examination scene na nagaganap kaya hindi ko namalayan na nasa likod ko na pala ang guwardiya sabay sabing. . .

” Miss, hindi mo ba nakikita ang karatula sa harapan mo, No Private Reading?O baka naman hindi ka talaga marunong magbasa?” Ang masungit na tanong ng guwardiya.

Nagulat akong bigla dahil me nagsasalita pala sa likod ko ng hindi ko namalayan. Nagpanting ang tenga ko sa sinabi niyang baka di ako marunong magbasa kaya sumagot ako ng…

“Sir, marunong po akong bumasa kaya nga po ako nandito at alam ko rin hong bawal ang private reading.” Sagot ko sa guwardiya.

” Alam mo pala eh, bakit mo pa ginagawa?” Ang sarkastikong sabat niya.

“Syempe binabasa ko ho muna ang nasa loob ng librong ito. Paano ko ho malalaman kung maganda ang istorya o hindi kung hindi ko muna babasahin? ” paliwanag ko sa guwardiya.

“Kapag nabili ko na ho ba tong libro at napangitan ako sa istorya papalitan nyo ba at ibabalik ang bayad ko?” Ang pilosopong tanong ko naman sa kanya.

” Eh di syempre hindi na dahil wala nang bibili niyang kung nagamit mo na.” resbak ng guwardiya.

“Kaya nga po binabasa ko muna dahil bibilhin ko naman to kasi maganda.”

“Naku, kilala ko na mukha mo lagi mo nang ginagawa yan dito, pero hindi ka naman bumibili.” Mabibili pa ba yang parang luma na ang hitsura?” ang galit na sabi niya.

“Bibilhin ko naman po ito kaya lang hindi pa ngayon kasi nag-iipon pa ako.” ang sabat ko.

” Iha, payo ko lang sayo, mas mabuti pa bumalik ka na lang kung kumpleto na ang pera mo.” “Okay?” Sabay kuha ng libro at ibinalik sa lagayan.

Well to make the story short, nabili ko naman ang mga librong gusto ko pagkatapos ng mahabang panahon ng pag-iipon ng baon at pagtitipid sa lunchtime. Dahil hindi ko naman matitipid ang bayad sa pamasahe dahil fixed na talaga ang presyo niyan.  Masisigawan ka pa ng driver ng jeep kapag kulang ang bayad mo. Kaya ang ginawa ko para makatipid sa halip na kumain ako ng complete meal na kanin, ulam at sopas sa canteen na nagkakahalaga ng 15 pesos noong araw eh, lugaw at lumpia na lang muna sa halagang 6 na piso. Pero kung merong bagong libro na gusto kong bilhin agad at medyo mahal ang presyo nito, kadalasan isang lumpia for lunch na lang sa halagang 3 piso sa loob ng buong semester. O, kaya nyo yun?

Ang katwiran ko kasi, ang gutom naman natitiis ko pa. Busog sarap pa rin ang resulta niyan basta inuman ko lang ng dalawang basong tubig yan ayos na. Tapos himasin ko ang tiyan ko para makita ng mga classmates ko na parang sobrang nabusog ako sa tanghalian. Tapos bili lang ako ng kendi na Stork pampatanggal ng umay kuno. At saka pag-uwi ko naman ng bahay ay pwedeng kumain ulit, libre pa. Ang hindi ko kaya ay yung araw-araw akong dadaan  sa harapan ng bookstore na malapit sa sakayan ng jeep namin pauwi ng Bulacan pero hindi ko naman mabili ang librong gustong-gusto ko.

Ang sakit kaya sa dibdib nun. Daig mo pa ang na-broken hearted ka sa iyong first love.

In fairness naman nung nagkatrabaho na ako nabili ko rin naman yun mga librong pinagnanasaan ko lang noon.

Ngayon sa paglipas ng panahon napansin kong nagkaroon na ng pagbabago sa mga bookstore dahil nakabalot na ang mga libro ng plastik. Siguro ito ang resulta ng kakulitan ko at ng mga iba pang katulad ko na gumagawa  rin ng ganitong karumal-dumal na krimen. Pero kahit nakabalot na yan naenganyo pa din ako minsan na buksan ang isang piraso ng libro na nakaplastic dahil walang masyadong description sa likod ng libro at kailangan kong makita kung merong iba pang nakasulat doon sa loob. In fairness, ibinalik ko naman sa dating pagkakabalot na parang wala lang.

IMG_2923
Ilan sa mga librong napag-tripan ko dito sa Middle East /md.14

 

Pero isang magandang halimbawa na nakita ko kung gusto nilang nakabalot sa plastic ang libro ay maglagay ng isang kopya na maaring tignan ng isang customer. Kung baga sa pabango, merong tester na pwedeng gamitin para malaman kung okay ang amoy o hindi. Natural lang naman kasing maging curious ka sa laman ng libro bago mo to bilhin, diba?

Dito nga sa Middle East naglagay na sila ngayon ng mga coffee table books at mga silya para sa mga gustong magbasa at magpalipas ng oras doon. Good idea din ito para mga batang makukulit na kailangang malibang habang namimili ang mga magulang sa loob ng bookstores.

childrens books
Pumapatol din ako sa mga children’s book alang-alang sa aking long lost inner child at para ma-update sa mga kalokohan ng mga luma at bagong henerasyon /md.14

Sa pagbabago ng panahon at pagkakaroon ng modernong teknolohiya, nauso na ang mga e-book apps tulad ng Wattpad sa mga phone, Goodreads o kaya Kindle. Wala namang masama sa mga ito pero mas gusto ko pa rin ang mga original hardbound books at mga paperback novels kahit na sobrang tagal na at naninilaw na ang mga pahina nito. Para sa akin iba pa rin ang aliw na dala ng mga librong ito kumpara sa mga virtual books sa panahon ngayon. At isa , meron akong sariling dahilan kung bakit mas gusto ko ang mga librong yan.

Biniro ko nga minsan ang mga anak ko habang kami ay nagba-bonding.

“Mga anak, kapag namatay ako wala akong ibang ipapamana sa inyo kundi ang koleksyon ng mga libro ko dahil yan lang ang kayamanan ko.  Kaya ngayon pa lang huwag na kayong umasa sa ari-arian o pera .”

Tumawa naman sila sa sinabi ko sabay sabi ng bunso ko,

” Ang hard mo naman, Mamu.”  Mag-iwan ka naman kahit konti.”

“Sige ita-try ko,” sagot ko naman sa kanila.

At sabay-sabay kaming nagtawanan nang malakas.

Wakasan.

About miradelle14

She;s a midlife woman who works somewhere in the Gulf and on the path of discovering her life's calling. She aims to share the lessons of life and to inspire others through art and creative writing. She enjoys the day in silence with nature, zen writing, a hot cup of coffee and a book in hand. Get up close and personal thru her personal blog: https://pinayinrosecoloredglasses.wordpress.com/ Please visit and like this page: https://www.facebook.com/theblogjourney/
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!