Ngayon Lang Ako Nagandahan Sa Iyo

Screenshot from YouTube

Kanina ko pa minamadali ang mga trabaho ko rito sa opisina. Hindi ako puwedeng abutin ng rush hour mamaya. Aba, mahirap nang maipit sa trapiko. Madalas na biro nga sa akin ng kapatid ko, “Baka kaya hindi mo matagpuan ang forever mo kasi araw-araw kang may forever sa trapiko.”

Minsan, natatawa ako sa kanya; madalas naiirita ako. Iugnay ba naman sa trapiko ang buhay-pag-ibig kong ilang taon nang natutulog — nahimlay na nga yata, e, yumao.

Inayos ko kaagad ang mga gamit ko pagkatapos magawa ang mga trabaho ko. Pagdating ng ikalima ng hapon, uuwi na kaagad ako. Ganito palagi. Limang minuto bago mag-ikalima ng hapon, nagpapaalam na ako sa mga kaopisina ko. Tatlong minuto bago ang oras na iyon ay pababa na ako mula sa ikalimang palapag ng gusaling pinagtatrabahuhan ko; at sa tapat ng bundy clock ko na hinihintay ang oras ng uwian ko. Masyado na kasing malala ang trapiko. Ang dalawang oras dapat na biyahe ko ay nagiging tatlo hanggang anim na oras!

Ngunit bago pa ako makababa mula sa ikalimang palapag, nakita kita. Bahagyang nakabukas ang pinto ng inyong silid, waring nanghihikayat na ako ay pumasok at lumapit.

Ngunit hindi, alam kong hindi mo magugustuhan kung ako man ay lalapit.

Walang anu-ano’y bigla mong napansin ang bahagyang pagkakabukas ng pintuan. Agad kang tumayo.

“Talaga iyong mga ‘yon, iniwan na namang bukas ang pinto. Ganiyan sila palagi kapag magmemeryeda, nagiging makakalimutin,” sabi mo sa akin.

Hindi ko alam ang sasabihin. Ngayon lamang tayo nagkausap at nagkaharap nang malapitan.

“A, e, sasabihin ko nga sana kaso nakakahiyang istorbohin ka,” wika ko.

Ngumiti ka.

Napakaganda mo pala talaga. Mahirap ipaliwanag, matagal ko nang batid na maganda ka pero ngayon lang ako nagandahan sa iyo.

“Naku, ayos lang,” tugon mo.

Hindi ko alam ang isasagot.

“Gusto mo bang magkape?” tanong mo.

Sino ba naman ako para tumanggi?

Habang umiinom ng kape, ilang beses kong nakita ang iyong mga ngiti; ilang beses ko rin narinig ang mga nakahahawa mong hagikgik. Sana, araw-araw nilang maiwang nakabukas ang pinto ng inyong silid.

Bahagya akong ginabi. Nauna pa sa aking umuwi ang mga kasama mong nagmeryenda lamang nang ako ay napadaan. Pero kahit na ang uwian ko na sa oras ng meryenda ninyo, handa akong samahan ka kahit araw-araw pa.

Naipit ako sa trapiko. Pero walang kaso.

***

Gumising ako nang masaya. Pauli-ulit na lamang ang nangyayari sa akin sa araw-araw ngunit ngayon ay mayroon nang iba. Dala mo, marahil, ang mga kulay.

Lumipas ang ilang taon, nakaugalian na nating magkape at magmeryenda nang sabay. Sa mga saglit na iyon, ilang ulit ko na rin sinubukang magtapat ngunit ang tamang panahon ay aking pang hinihintay.

Pero ngayon, may iba, parang may iba. Kanina ko pa gusto sabihin ang lahat.

“May problema ba? Kanina ka pa tahimik,” pagbasag mo sa katahimikan.

“M-may sasabihin kasi sana ako,” tugon ko.

“Sasabihin? Ano naman ang sasabihin mo at para bang pinag-isipan mo nang maghapon,” biro mo.

“Ilang taon nga, e, kung alam mo lang,” bulong ko.

Biglang tumunog ang telepono mo.

“Vivian? Ano? Nariyan ka na?” sabi mo sa iyong kausap. “O, sige, lalabas na ako.”

Ibinaba mo ang telepono.

“Aalis ka?” tanong ko.

“Oo,” nakangiting wika mo. “Ano nga ulit ang sasabihin mo?”

“H-ha?” Bigla kong naisip na hindi pa ito marahil ang tamang panahon. “Nakalimutan ko, e.”

Tumawa ka nang malakas. “Diyan ka na nga!”

“Maaga akong aalis ngayon para sunduin ang kapatid ko galing sa ibang bansa. Pumunta lang ako rito kahit paalis na ako para makita ka…. Ibig kong sabihin, naisip kong baka wala kang kasama. Kawawa ka naman,” wika mo.

Hindi ako nakasagot kaagad dahil naguguluhan ako. Nagtatalo ang isip at puso ko. Naghihintay pa ng tamang pagkakataon ang isip ko; habang gustung-gusto nang umamin ng puso ko.

“Hoy!” sabi mo sabay hampas sa balikat ko. “Aalis na ako.”

“A, oo, ingat ka,” tugon ko.

“Hindi mo ba ako sasamahan palabas?” tanong mo.

“Samahan mo na. Sabihin mo na sa kanya,” parang may bumulong sa akin.

Pero hindi, hindi ito ang tamang pagkakataon.

Tinanong mo ako muli kung may problema ba ako. Bakas na bakas noon sa iyong mukha ang pag-aalala.

“W-wala. Bakit mo naman naisip iyan?” pagtanggi ko.

“Kakaiba kasi ang kinikilos mo simula kanina. Nag-aalala ako,” seryosong sabi mo.

“Gela! Ano ka ba? Kanina pa ako sa labas! Mabuti na lang pinapasok ako ng guard! Alam mo naman na–” Natigilan siya nang mamataan ako. Ano ang problema nito?

“Vivian,” ito lamang ang nasambit mo.

Ngumiti ang babae. “Siya ba iyong nagugustu–“

“Si Vivian, matalik na kaibigan ko. Aalis na kami,” sabi mo.

Hinaplos mo ang likod ko. “Tawagan mo ako kung may problema.”

Kinagabihan, limang beses akong tumawag ngunit walang sumasagot. Naisip kong baka dahil nagkaroon kayo ng salu-salo. Ilang taon din nag-aral sa ibang bansa ang kapatid mo.

Hindi na bale. Bukas, na lang ako magtatapat sa iyo.

***

“Tumatawag ako kagabi, ha. Mukhang abala ka. Kumusta ang kapatid mo?” usisa ko.

Ngumiti ka. “Maayos naman siya. Bakit ka tumatawag?”

Bigla akong kinabahan. Nag-ensayo na ako sa harapan ng salamin ngunit bakit hindi ko alam kung ano ang aking gagawin; kung ano ang aking sasabihin.

“May sasabihin sana ako,” sabay nating wika.

Natawa ka.

Tumawa rin ako.

“Mauna ka na,” sabi ko.

Ngumiti ka. “M-may nakilala ako kagabi. Kaibigan ng kapatid ko. Kasabay niyang umuwi ng Pilipinas. Sa amin muna nagpalipas ng gabi. Magaan ang loob ko sa kanya.”

Hindi ko yata magugustuhan ang mga maririnig ko.

“‘Wag mo sabihing gusto mo siya! Kaibigan lang ng kapatid mo iyon, ang bata pa!” sabi ko sabay tawa.

“Hindi, hindi gano’n. Siya iyong tumayong kuya ni Noel doon. Sabi niya, sa larawan pa lang niya ako nakikita noon pero parang umibig na siya kaagad sa akin,” kuwento mo.

Hindi ako nagsalita.

“At aaminin ko, natutuwa ako sa kanya,” wika mo.

Natawa na lang ako sa pagkadismaya. Napurnada yata ang “tamang panahon” ko!

“Mabuti iyan. Tumatanda ka na, wala ka pa rin nagiging kasintahan.”

“Ha?” waring nagulat ka.

“Bakit?” tanong ko.

“Ayos lang ba sa iyo na may nagkakagusto sa akin?”

“Bakit naman ako tututol? Sabi mo naman e masaya ka.”

“Sige ka, mawawalan ka na ng kasabay magmeryenda,” biro mo.

“Sa totoo lang, mawawala ang lahat sa akin,” bulong ko.

“Bakit wala ka pang kasintahan?” tanong mo.

“Ha?” Nagulat ako pero nakasagot din kaagad. “Wala naman dumarating, e.”

“Baka nasa paligid mo lang,” sabi mo sabay tawa.

Natigilan ako. “A-anong ibig mong sabihin?”

“Kuya!” Isa sa mga kaopisina ko iyon.

“Bakit?” tanong ko.

“Puwede ka raw ba mag-OT [overtime]? Kahit dalawang oras lang daw.”

“Sabay na lang tayo umuwi mamaya,” sabi ko sa iyo.

***

Habang naglalakad ka papasok ng simbahan kanina, hindi ko mapigilan ang maluha. Hindi ko alam kung iyong nahalata iyon. Nakangiti ka kanina; iyong klase ng ngiti na hindi ko pa nakita sa iyo kailanman, sa kabila ng pagiging masayahin mo.

“Nakita ko iyon,” wika ni Vivian.

“Ha? Ang alin?” tanong ko.

“Iyong kanina,” tugon niya. “Ikaw naman kasi, may nararamdaman ka rin naman pala sa kanya.”

“Ha? Masaya lang ako para sa kanya kaya ako naluha.”

“Hindi mo ako maloloko.”

“Hindi na rin importante.”

“Ang tagal niyang hinintay na tanungin mo kung ano ba talaga kayo; o na magtapat ka na gusto mo siya. Hindi niya alam kung saan lulugar. Uwian mo na kapag oras ng meryenda niya pero hindi ka kumakain ng oras ng meryenda mo at ginagabi sa pag-uwi para lamang sabayan siya. Maya’t maya kayong magkausap sa telepono. Hindi ka lumalabas kasama ang ibang babae. At isa pa….”

“At isa pa?”

“Pakiramdam daw niya ay mahal mo siya. Kaya nga naghintay siya kahit noong magkasintahan na sila.”

Limang taon pabalik, sabay dapat tayo uuwi. Gusto kong itanong kung ano ang ibig mo sabihin noong sambitin mo na maaaring nasa paligid ko na ang taong magmamahal sa akin at mamahalin ko rin. Gusto ko na rin magtapat dahil ayaw kong maunahan ako ng iba.

Ngunit sinundo ka ng iyon kapatid noong gabing iyon. Kasama niya ang lalaking ngayon ay asawa mo na.

Sabi ko sa sarili ko, “Bukas ko na lang sasabihin.”

Subalit hindi na dumating ang bukas na iyon sa akin; sa atin. Nagkasakit ako, apat na araw akong nanatili sa bahay. Hindi ka man lang dumalaw.

Pagpasok ko, nabalitaan ko na lamang na araw-araw ka na niyang sinusundo.

Nawalan na ako ng pag-asa noon. Kung alam ko lang sana na hanggang magkasintahan na kayo ay mahal mo pa rin ako!

Naalala ko noong unang beses tayong nagkasama. Noon ko napagtanto na napakaganda mo pala talaga. Mahirap ipaliwanag, matagal ko nang batid na maganda ka pero noon lang ako nagandahan sa iyo.

Napailing ako. Mahirap ipaliwanag, matagal ko nang batid na posibleng mahuli ang lahat para sa atin kapag hindi ako kaagad umamin — pero ngayon ko lang inintindi ang katotohanang ito, ngayong wala nang paraan upang maibalik ko ang mga pagkakataong napalipas ko.

Sana isang araw ay makatagpo muli ako ng katulad mo; iyong mamahalin ko ang bawat bahagi, maging ang bawat hibla ng buhok, maging ang bawat hininga.

Kapag nangyari iyon, pahahalagahan ko na ang panahon; pahahalagahan ko na ang kasalukuyang panahon, pahahalagahan ko na ang “ngayon.”

Inspired by Kodaline’s All I Want:

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a journalist by profession and a literary writer by passion. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page (http://facebook.com/minsanokaylangmatraffic2016) and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!