Nganga!

ang lufetNGANGA!

PASADO alas singko na pero mahaba pa rin ang pasensya ko sa kahihintay sa ka-date ko na si Venus. Ang usapan kasi namin, alas-tres kami magkikita sa Mall at umabot na sa singkuwenta ang miscall ko rito, pero ring lang nang ring ang cellphone nito. At ni anino nito ay wala. Anak ng sampung baka!

Si Venus ay nakilala ko through Facebook. Matagal na kaming fb friends at kalimitan, nagcha-chat kami sa isa’t isa. Kung anu-ano na nga ang napag-uusapan namin na humantong pati sa kanya-kanya naming personal na buhay. Hanggang sa naisipan kong yayain itong makipagkita sa akin. At ito na sana ang una naming pagkikita, pero mukhang mabubulilyaso pa.

Nag-vibrate ang cellphone ko. May nag-message. Dali-dali kong tinignan kung sino ang nagmessage at laking-tuwa ko nang mag-appear ang pangalan ni Venus. Mabilis pa sa alas-kuwatrong binasa ko agad ang mensahe nito.

“SORRY, NICK. HINDI NA AKO MAKAKARATING. NAGKAROON KASI NG PROBLEMA DITO SA BAHAY. NEXT TIME NA LANG ULIT TAYO MAGKITA. PROMISE. BABAWI AKO!”

Napamura ako pagkatapos kong basahin ang mensahe ni Venus. Nag-effort pa man din ako nang todo todo para sa una naming pagkikitang dalawa. Bumili ako ng bagong polo, bagong pants, bagong sapatos at bagong gupit rin ako. Sa madaling sabi, gusto kong ma-impress sa akin si Venus kapag nakita niya ako. At oo, may feelings na ako kay Venus kahit sa facebook pa lang kami magkakilala. Kaya nga naisip ko ang date na ito para sana sabihin sa kanya sa personal na gusto ko siyang ligawan. Ayaw ko kasing sa facebook ko lang ito sasabihin. Mas sincere kung sa personal. Isa pa, gusto ko na rin siyang makita at makilala sa personal gaya nang madalas kong pinapangarap. Si Venus ang bagong babaeng nagpapatibok ngayon ng puso ko. Pagkatapos ng apat na failed relationships, na inakala kong hindi na ako muli pang magmamahal, ay dumating sa buhay ko si Venus. At kahit hindi ko plinano, mukhang tinamaan na naman ako ni Kupido. At sapul na sapul ako!

Pero nakakadismaya dahil hindi ko pa pala siya makikita. Excited pa man din ako. Hindi nga ba’t matagal ko rin itong hinintay?

Wala akong choice kundi umuwi na lang na laylay ang balikat. May next time pa naman. Pakunsuwelo ko na lang sa sarili ko.

NANG sumunod na araw, napag-pasyahan ulit namin ni Venus na magkikita sa Mall. As usual, todo porma na naman ako. Gusto kong i-push ang pagpapa-impress kay Venus para makuha ang loob nito. Kaya naman lahat ng alam kong diskarteng malupet para hulihin ang loob ng babae, ay baon-baon ko sa pagkikita namin ni Venus ng araw na ito.

Minessage ko siya: “NANDITO NA AKO SA MALL. SA MAY FOOD-COURT SA 4TH FLOOR. NASA’N KA NA?”

“WAIT LANG. MAY GINAGAWA PA AKO.” sagot nito.

“OK. TAKE YOUR TIME. I’LL WAIT,” reply ko.

Habang nakaupo sa isang bakanteng silya sa foodcourt na iyon, muli kong sinariwa ang ilan sa hindi na mabilang na mga naging convo namin ni Venus noon sa chat.

AKO: “Wala kang boyfriend? Sa ganda mong ‘yan imposibleng wala?”

SIYA: “Wala talaga. Saka, ayoko munang mag-boyfriend. Sakit lang sa ulo ‘yan.”

AKO: “Bakit mo naman nasabi ‘yan? Lagi ka bang sinasaktan ng mga naging boyfriend mo?”

SIYA: “Ganu’n na nga. Pare-parehong manloloko ang mga lalake. Kaya sa panahon ngayon, mahirap nang magtiwala. Kaya I’d rather be single na lang.”

AKO: “H’wag mo namang lahatin. Mayroon pa ring mga lalakeng hindi kayang manloko sa inyong mga babae. At malay mo, nasa tabi tabi mo lang pala siya.”

SIYA: “Naku, ‘di siguro. Saka, mahirap nang magtiwala sa mga lalake ngayon. Kasi karamihan sa inyo, pampalipas-oras lang ang tingin sa aming mga babae.”

AKO: “Ouch! Sakit naman nu’n. Hindi lahat ng lalake gaya ng iniisip mo. Kaya sana, ‘wag mo naman kaming lahatin. Oo nga’t mahirap na sa inyong mga babae ang magtiwala ngayon sa aming mga lalake. Pero bakit hindi ninyo bigyan ng chance ang iba na i-prove na hindi lahat ng lalake ay manloloko?”

Naputol ang pagmumuni-muni ko nang mag-vibrate ang cellphone ko. May nagmessage at nang makita kong galing kay Venus ang mensahe, excited ko itong binasa.

Anang text: “SORRY NICK. HINDI NA NAMAN KITA MASISIPOT NGAYON. NAGKAPROBLEMA NA NAMAN DITO SA BAHAY, E. SORRY TALAGA.”

Hindi lang mura ang ginawa ko kundi napasuntok ako sa mesa pagkatapos kong basahin ang mensahe ni Venus. Inindiyan na naman ako. At mukhang wala na yatang pag-asa na magkikita pa kami. Tumayo na ako at nilisan ko ang lugar na iyon na laylay ulit ang balikat. Kailan ba kami magkakaroon ng chance na magkita sa personal ni Venus? Habang tumatagal kasi ay mas lalong nahuhulog ang loob ko sa kanya kahit sa facebook pa lamang kami magkakilala. Ewan ko ba? Kahit hindi ko pa siya nakikita ay nagkaroon na agad ako ng pagtingin rito. Posible pala talaga na puwede ka pa ring ma-inlove kahit sa fb lang kayo magkakilala at may kumunikasyon. O dahil nadala lang ako sa pinapakitang importansiya sa akin ni Venus sa tuwing ka-chat ko siya? Sabagay, marami na ring kaso ngayon na through fb ay nagkakatuluyan at nagiging mag-asawa pa nga. Kaya hindi na ako magtataka kung bakit nahulog ang loob ko kay Venus.

SABADO. Birthday iyon ng barkada ko na si Wilson. At siyempre may handaan at inuman. Kaya napasugod ako sa bahay nila Wilson pagkatapos akong imbitahan. Alas-kuwatro pa lang ng hapon ay bumaha na ng alak. At pagdating ko kina Wilson, naabutan kong nag-iinuman na ang mga bisita nito. Ang ilan sa kanila ay common friends ko rin. Pero marami sa kanila ang ngayon ko lang nakita. At bago pa man ako makisalo sa mga nag-iinuman, may nahagip na ng paningin ko na pamilyar na mukha ng babae. Matagal kong pinakatitigan at bawat anggulo ng mukha nito ay talagang sinipat ko. At hindi ako puwedeng magkamali. Si Venus ang babaeng iyon! What a small world? Sinong mag-aakala na dito pa pala kami magkikitang dalawa? Pero mas nagulat ako sa sumunod na eksena na nakita ng dalawa kong mata. May katabi itong lalake at nakapatong ang isang kamay ni Venus sa hita ng lalake. Habang nakaakbay naman ang isang kamay ng lalake kay Venus. Sa hitsura ng dalawa, halatang magkasintahan ang mga ito. Sobrang sweet kasi nila at kulang na lang ay langgamin ang mga kasama ng mga ito na nag-iinuman.

Putik! Napamura ako. Naloko kasi ako ni Venus at napaniwala niya akong wala itong boyfriend. Kung nagkataon pala ay baka nabiktima na niya ako. Bakit kailangan nitong sabihin sa akin na wala itong boyfriend gayong mayroon naman pala? Ano ba ang dahilan nito para ilihim sa akin ang bagay na ito? At kung makapag-judge ito sa aming mga lalake ay akala mo perpekto itong babae. Buti na lang nalaman ko agad bago pa man ako makapanligaw dito.

Sa kabilang banda, wala naman akong karapatang magalit dahil wala naman kaming relasyon ni Venus in the first place. In fact, sa Facebook lang naman kami magkakilala. Kaya lang hindi ko lang matanggap na nagsinungaling ito sa akin. At ang masaklap, nahulog na ang loob ko rito. Kaya pala hindi niya ako masipot-sipot sa usapan namin na magkikita kami kasi ang totoo, taken na ito. At malamang ay pinasasakay lang niya ako. Ang lupet, ‘di ba? Pero sa kabilang banda, may aral akong natutunan sa karanasan kong ito. Huwag basta basta maniniwala sa mga taong sa FACEBOOK mo lang nakilala at tanging pangalan lang nito ang alam mo. Dahil sa social media, iilan lang ang totoo at kadalasan, naglipana ang mga taong MAPAGKUNWARI!

Nganga tuloy ako habang pinagmamasdan na lang si Venus at ang nobyo nito na patuloy pa rin ang sweetness sa isa’t isa!

W A K A S

By: Orlie Ferrer Jacob of DFBI Family

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!