“Netizens”

(Photo credit: filamtrophy)

Lagi kang nanonood ng TV, pero wala kang masabi?

Lagi kang nagbabasa ng diyaryo, pero wala kang komento.

Sa FB, lagi kang maraming sini-share, pero wala kang keber.

Alam mo ang mga usaping-trending: 6.4B worth of shabu na naipasok sa ating bansa; 1.3M bail ng isang Senador para sa kanyang pansamantalang kalayaan, ‘yung 1K budget na inaprubahan ng Kamara para sa CHR para sa taong 2018 at ang muling pagsasauli ng orihinal na 678M budget nito; ang malawakang kampanya laban sa droga sanhi ng pagkakapatay ng mga kabataang sina Kian Loyd de Los Santos; Carl Arnaiz, Kulot; ang hazing victm na si Horacio “Atio” Castillo III, ang pag deklara ng Martial Law sa Mindanao noong Mayo, ang giyera sa Marawi na hindi pa rin matapos-tapos hanggang ngayon, ang laganap na krimen at kahirapan sa ating bansa — iilan lamang ito sa hindi mo mapagtutuunan ng pansin , unless ikaw ay isang Netizen.

Sino-sino nga ba ang mga Netizens?

Sila ang mga laging online o tinatawag na ‘citizens of the internet’, dahil hindi lahat ay ‘rayilista’ o silang nakikita natin na nakikibaka sa kalye. Mas maraming nakikibaka sa social media gamit ang PC, laptop o celfon.

Isang ‘enter’ lang at naipahiwatig  na ang ibig sabihin ng isang Netizen, nang walang takot at pag-aalinlangan. Opinyon. Komento. Blog. Mahaba man o maiksi, iisa lang ang boses ng malaya. At masasabi kong lahat ng Netizens ay malaya.

Malayang magsulat dahil doon tayo namulat. Malayang maging bahagi ng mundong ginagalawan, hindi dahil ikaw ay nasa panig ng pula, puti o dilawan kundi dahil iisa lang ang kulay n’yo, kayumanggi. Malayang ipaglaban ang mga bagay na sa tingin mo ay tama, dahil ang tama ay may dangal, ang mali ay isang hangal.

Alam ko dalawa ang mukha ng  Netizens: Ang positibo at ang negatibo. Pero pare-parehong makapal (dyok hehe) dahil hindi biro maging isa sa kanila. Hindi biro maging isang Pilipino sa ating lupang sinilangan, na may prinsipyo at pinaglalaban.

Hindi  biro ang maghangad ng kasaganaan at katiwasayan lalot na’t magpahanggang ngayon ay uso pa rin si Juan Tamad at marami pa rin akong nakikitang mga kababayan natin na mahirap, walang makain at natutulog lang sa malamig na semento sa isang eskinita, walang unan, walang kumot – ‘ayun  sa isang sulok, nakabaluktot.

Hindi biro ang magkaroon ng simpatiya lalo na’t  ramdam mong iilan lamang kayo, at mas marami pa rin ang bumabalewala.

Hindi biro ang dumamay lalo na’t napapaligiran ka ng mga kaaway.

Hindi biro ang sumabay sa agos ng buhay lalo na’t pa ekis-ekis o sirko-sirko ang takbo nito, at laging walang kasiguraduhan kung ano ang nasa dulo?

Hindi gaya nitong isinusulat ko, siguradong malapit na sa dulo.

Pero doon sa dulo, doon lagi ang simula.

Kaya ngumiti at simulan maging malaya.

Isa kang Netizen.

Alam kong alam mo ang ibig kong sabihin.

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!