Nasa Pagbasa ang Pag-asa

si Rep. Bolet Banal kasama si DepEd head Armin Luistro


Nasa Pagbasa ang Pag-asa
ni George M. Hizon

Minsan pa’y dumating na ang panahon sa buhay ng isang tao na dapat nang makahanap ng kakaibang hakbang bilang solusyon sa problema. Napakaraming suliranin ang humarap kay Rep. Jorge “Bolet” Banal noong una siyang mahalal bilang konsehal ng 3rd District ng Quezon City taong 2004. Bagama’t kabilang ang Quezon City sa mga mayamang siyudad sa Pilipinas, talamak rin naman ang dami ng mga mahihirap na nangangailangan ng hanapbuhay, pagkain, tirahan at edukasyon. Sa totoo lang, ang opisina ni Rep. Banal ang isa na sa mga maluwag at mabilis magbigay ng medical, funeral at educational assistance sa mga nanagngailangan. Nguni’t alam naman natin na limitado lamang ang maitutulong ng ating pamahalaan.

Noong taong 2008, inilunsad ni Rep. Bolet Banal ang isang proyekto “Araw ng Pag(b)asa” bilang tugon sa problema ng edukasyon. Ang layunin ng proyektong ito ay mapagpatuloy ang pag-aaral (sa munting pagbasa) ng lahat ng kapos-palad nating mag-aaral. Second term Councilor pa lang si Bolet noong inilunsad niya ang proyektong ito. Ngayon na isa na siyang Congressman, balak niyang ikalat ang proyektong ito hindi lamang sa 3rd District ng Quezon City nguni’t sa mga mas malawak pang lugar sa Pilipinas.

Si Rep. Bolet Banal

Unang namasukan si Bolet bilang empleado ng isang bangko sa bansang USA. Bago rito, nag-aral siya ng kolehiyo sa University of Santo Tomas kung saan siya nagtapos ng Business Management. Mas maaga, nag-aral siya ng dalawang taon sa isang seminaryo, Our Lady of Guadalupe Seminary sa Makati. “Kaya naman pala, napakalambot ng puso ni Bolet sa kapos-palad nating mamayanan” sabi ng isa niyang kaibigan mula sa high school na ayaw magpakilala. Kalaunan, lumipat si Bolet sa Claret School, sa may Quezon City kung saan siya nagtapos ng high school taong 1977.

Noong 2002, nakumpleto naman niya ang isang Master’s degree sa Public Administration sa University of the Philippines bago siya napasabak sa mundo ng politika.

Noong 2004, nanalo si Bolet bilang Konsehal ng 3rd District ng Quezon City. Noong 2007, nanalo siya ng pangalawang termino bilang Konsehal muli ng Quezon City. Ginawaran rin siya bilang isa sa mga Top Ten Most Outstanding Councilors in the Philippines.
Pagkatapos lamang ng dalawang termino bilang Konsehal, nanalo si Bolet bilang Congressman ng 3rd District ng Quezon City. Si Rep. Bolet ay miyembro ng Liberal Party noon pang 2002. Sa kasalukuyan, Vice-Chairman siya ng Committee on Basic Education at Deputy Majority Leader ng 15th Congress.

Noong konsehal pa siya, kilala si Rep. Bolet sa kanyang mga proyekto na nagtataguyod ng edukasyon tulad ng ilove2read, Feed the Mind, Summer English Reinforcement Class, Camp Pag-ibig, School Bag Para Sa Lahat at Araw Ng Pagbasa.

Araw ng Pag(b)asa

Mulat na mulat na ang mga mata ni Bolet sa kahirapan na kanyang mga kababayan simula pa noong manungkulan bilang Konsehal taong 2004. Kaya naman noong 2008, inilunsad niya ang Araw ng Pag(b)asa. Ang pakay ng programang ito ay mapataas ang literacy rate ng mga batang Pilipino. Ayon sa isang pag-aaral, maraming bata ang nagda-drop-out sa paaralan dahil sa kawalan ng interes. At, ayon din sa United Nations Development Programme, kakaibang diskarte (non-conventional approaches) ang kailangan ng mga bata para makapag-access sa pangunahing edukasyon. Kaya naman noong taong 2008, mariing pinaglaban ni Konsehal Bolet Banal ang pagiging district-wide activity ng Araw ng Pag(b)asa. Noong 2009, naging city-wide activity ito sa pamamagitan ng Quezon City Resolution No. 332-2009 at noong 2011, naging nation-wide activity ito sa pamamagitan ng Department of Education Memorandum No. 244 .

“Nguni’t paano kaya namin ipagdiriwang ang Araw ng Pag(ba)sa?” tanong ng marami. Simple lang ito. Tuwing Nobyembre 27 Araw Ng Pagb(a)sa (na ginawang regular working holiday), babasahan ng isang nakatatanda ang bata o grupo ng mga bata ng isang kwento o tula gamit ang Pilipino, Ingles, Bisaya, Ilocano, Kapangpangan at kung ano mang wika ang gusto nila. Sabay-sabay itong gaganapin sa mga paaralan, daycare centers, komunidad, aklatan, mga tanggapan at mga institusyon. Sa Araw Ng Pagb(a)sa nais maibalik nina Rep. Bolet atbp., ang interes ng mga bata sa kanilang pag-aaral.

Sa Kaarawan ni Ninoy Aquino

Nakatakdang ipagdiwang ang Araw ng Pag(b)asa tuwing Nobyembre 27, kaarawan rin ni dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Nguni’t marami ang nagtanong kung bakit sa kaarawan ni Ninoy Aquino gaganapin ito? Ayon sa mga tagapangasiwa ng Araw ng Pag(b)asa “si Ninoy Aquino ay isang modern-day hero. Isa siyang prolific writer at avid reader. Mahilig siyang magbasa simula pa sa pagkabata habang nag-aaral hanggang sa mga panahon ng pagkapiit sa Fort Laur, Nueva Ecija at, noong pagkakatapon niya sa Estados Unidos (ng pamahalaang Marcos) taong 1980. Sa isang liham kay dating Senador Soc Rodrigo noong 1973, sinabi ni Ninoy na nakakita siya ng pag-asa sa mga liham ng kanyang pamilya at sa mga librong bitbit niya tulad ng Imitaion of Christ (ni Thomas Kempis), El Filibusterismo at yung “maliit” na libro (Bibilia) noong mga madidilim na araw ng pagkapiit sa Fort Laur, Nueva Ecija. Naniniwala si Ninoy na sa pagbasa rin nagmumula ang empowerment, kaalaman, imahinasyon at habag. At dahil dito, naging inspirasyon si Ninoy Aquino noong itinatag ang Araw ng Pagb(a)sa. Hindi lang buhay ang binigay niya kundi pati pag-asa”.

Ang Araw ng Pag(b)asa sa Teodora Alonzo Elementary School

si Rep. Bolet Banal kasama si DepEd head Armin Luistro

Sa kasalukuyan, kasal si Rep. Bolet Banal kay Camille Cruz Banal at mayroon silang apat na anak na sina Katherine Anne, Korinne, Kristine at Jorge Paolo Banal. Ang mga magulang niya ay sina dating Q.C. Councilor Jorge Banal at si Ginang Charminia B. Banal. Ang mga matalik niyang kaibigan ay sina Harvey Key, Grace Padaca at Senador Teofisto “TG” Guingona III, mga kapwa convenors ng Kaya Natin! movement.

Noong itinanong namin kung balak niyang sundan ang yapak ng kanyang kaibigan na si Senador TG (dating Kongresista), tikom ang bibig ni Bolet at nakagniti niyang sinabi “pag-usapan na lang natin ang Araw ng Pag(b)asa”. Noong nakaraang Martes, Nobyembre 27. 2012, dumalo ang ating mahal na Pangulo na si Benigno “Noynoy” Aquino III sa Teodora Alonzo Elementary school sa may Project 4, Q.C. para ipagdiwang ang Araw ng Pagb(a)sa na bahagi rin ng paggunita sa kapanganakan ng kanyang ama na si dating Senador Benigno Aquino Jr. Sa isang maikling programa, pinagbasa ng iba’t-ibang mga kwento ang mga estudyante na nagmula pa sa Cotabato City. May isang grade 2 na nagbasa gamit ang wikang Maguindanao. Mayroon ring dalawang grade 3- isa nagbasa gamit ang wikang Tagalog at isa gamit naman ang wikang Ingles. Kalaunan, maging si Pangulong Aquino ay naging bahagi na rin ng programa ng basahan niya ng maikling kwento ang mga estudyante gamit ang wikang Tagalog. Kahanga-hanga ito! Mukhang puspusan na talaga ang pagpapaigting ng grupo nina Rep. Bolet Banal sa kampanya ng pagbasa. Siguro, tunay nga, nasa pagbasa nakasalalay ang ating pag-asa!