Nang Tumalon Sa Bintana Si Kerida

Photo Credit: bolegaindia.com

“Hindi ako manlalaki, dito ka lang lagi sa puso ko! Pero, ang muling makasama ka ay salamat na lang!”

Busy ako sa mga balita sa hiwalayan ng mga artista habang nasa palaruan.  Labis akong nalibang sa kuwento ni Angie tungkol kay Ai-Ai. Habang panay ang tawanan naming magkaibigan, biglang may isang bahagi ng aking buhay na kusang bumalik sa aking isipan.

Dahil sa kahirapan ng buhay, naisipan kong mangibang-bansa. Masakit man na iwan ko ang aking pamilya, pero pilit kong kinaya. Sa huling paalam sa labas ng paliparan, mahigpit akong niyakap ng aking mister. Dama ko ang init ng mga butil ng luha sa aking damit at ang mahinang bigkas niya: “Maghihintay ako sa pagbalik mo, Love!” Ito ang mga huling salita na binitiwan niya sabay sa pag-usad ng aking paa, at sabay sa huling pagkaway! At ang tuluyang pagkawala ng aking anino sa paningin niya.

Sa bansang Singapore ang unang bansang napuntahan ko. Isa ako sa pinalad na nagkaroon ng mga amo na may busilak ang puso. Ngunit, ang magandang kapalaran na dumating sa dayuhang tahanan na pinaglingkuran ko ay taliwas sa pangyayari sa pamilyang iniwan ko. Dahil sa isang balita na aking natanggap mula sa aking pamilya at kaibigan na hirap paniwalaan ang salitang: “Nagloko ang mister mo!”

Tila bomba sa aking tainga ang mga linyang aking narinig! Sa kabila ng aking pagsasakrapisyo dito sa ibang bansa, “Bakit? Bakit?” ang tanging salitang naiusal ko. Walang araw na hindi ako umiiyak, walang araw na hindi tuliro ang utak ko! Walang araw na umasa na makauwi sa lalong madaling panahon.

Isang araw ay inabangan ko ang mabuting timpla ang aking amo. Humugot ako ng malalim na buntong-hininga at kinausap ko nang masinsinan ang aking amo.

“Madam, I want to go home,” ang may iyak kong sinabi.

“Why? Your contract not finished!” sagot ng aking amo.

“Family problem, madam! Please!” pagmamakaawa ko. At pagkatapos ng mahabang diskusyon ay pumayag na rin ito sa pagmamakaawa ko’t pakikiusap.

Agad akong nag-impake ng aking mga gamit. Magkahalong kaba ang aking naramdaman sa sandaling ‘yun, pilit kong kinalma ang aking sarili at pinaniwala na sana, hindi totoo ang mga nabalitaan ko!

Sa pagtapak ng aking mga paa sa NAIA, ang muling pagbabalik bansa ko at ang pagharap sa isang katotohanan sa tahanan na iniwan ko na puno ng tiwala. Isang sorpresa ang aking pagbabalik, ni isa ay walang nakaaalam na dumating ako. Maghapon akong naghintay, na sana’y gabi na, at nang mag takip-silim na ay agad kong tinawagan ang pinsan ko para samahan ako sa pagpunta sa amin. At tulad ng inaaasahan ko, labis na nabigla at nasurpresa si pinsan sa bigla kong pagdating. Saktong hatinggabi,  sabay sa pagkatok sa pinto:

“Sino ‘yan? Ma? Umalis na po kayo!  Nandito na ako sa bahay!” sagot ni Mister mula sa loob ng kuwarto namin. Patuloy pa rin ang pagkatok ko!

“Sino ba ‘yan?” tanong niya ulit.

“Kuya! Emergency lang po! Buksan po ninyo ang pinto!” boses at utos ng aking pinsan.

“Saglit lang! Iinom lang ako ng tubig!” sagot ulit ni Mister sa loob ng kuwarto namin.

Mahigit sampung minuto kaming naghintay sa labas ng kuwarto namin. Dito na nagsimulang kumabog ang dibdib ko! Alam ko na may milagrong nangyayari sa loob. At ilang minuto pa’y biglang bumukas ang pinto.

“Love?  Ikaw?  Teeekaaa! Sannndaalii, Love!” tarantang sabi ni Mister na hindi alam kung saan pupunta, pasulong at paatras na ang mukha ay namutla!

Agad akong pumasok sa loob.  Nakita ng mga mata ko ang ayos ng higaan namin, at sa ilalim ng higaan ay ang babae niya na nagtago.

“Papatayin kitaaaa!” sabay takbo sa cr para kumuha ng dos pordos! Saktong hahampasin ko na sana siya nang bigla itong tumalon sa bintana! Dahil siguro sa takot ay hindi na niya alintana na dalawang palapag ang bahay namin. Agad akong pumanaog para sundan si babae at nang maabutan ko ay agad kong kinaladkad sabay hila sa kanyang buhok! Puno ng putik ang kanyang katawan dahil sa putikan siya bumagsak! Para akong gutom na aso na walang tigil sa pagsabunot sa kanya!

“Misis, tama na!” huling sigaw niya nang awatin ako ng pinsan at mister ko. Sinaktan ko man siya nang pisikal, pero mas matindi ang sakit ng kalooban na naramdaman ko sa sandaling ‘yun!

Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa pati ng purgatoryo sa nangyari sa pamilya ko. Nagtagumpay na sana ako sa aking pakikipagsapalaran, pero kamalasan ang aking nadatnan. Humingi ng kapatawaran ang aking mister, ngunit ang sugat ng nakaraan ang mahirap maghilom at hindi pa kayang gamutin ng salitang patawad.

Muli akong lumipad sa ibang bansa, umasa na makalilimutan ang mapait na karanasan. At sa huling usap namin ni Mister sa cellphone ay;

“Sana ay mapatawad mo na ako, love! Patawarin mo na ako! Sana bago ako ilibing ay makita mo ako sa huling sandali!” huling salita niya sa akin.

“Matagal na kitang pinatawad! Tulad ng sabi ko, hindi ako maghahanap ng papalit sa iyo! Dito ka lang lagi sa puso ko, dito ka lang! Mahal kita at habang buhay kitang mamahalin! Pero, hanggang doon na lang dahil hindi na talaga ako babalik pa sa tahanan natin!”  ang puno ng damdaming binitawan ko sa kanya.

Kinaumagahan, isang tawag mula sa aking biyenan; “Jev! Huwag kang mabibigla, si Roland, namatay kanina! Inatake ng high blood!” boses iyun ng aking biyenan.

Tinapik ko ang aking sarili at baka panaginip lang! Pero, totoo pala! Oo, namatay si mister ko! Dama ko ang sakit! Hinayaan ko ang aking mga luha na dumaloy para gamutin ang masakit na kototohanan na wala na ang minahal kong lalaki.

At sa huling habilin niya, tinupad ko ang saksihan ang tuluyang paghatid sa kanyang huling hantungan at habambuhay na pamamaalam. Sabay sa pagpatak ng aking mga luha ay huling sulyap sa kanyang kabaong.

About jovelyn

Im not a good writer but i love to 🙂 Masaya din, Malungkot din (Karanasan ng OFW) this is my first book under my name as a writer and Sindi Ng Lampara OFW stories book with Raquel D. Padilla and DFBI writers, columnist in Pilipino Star Ngayon Middle East Edition...[email protected] Super kulit at kalog..proud bisdak at tamad na masipag na yaya:)