Nang Dahil sa Hazing, Nandito ako sa Loob ng Kulungan

Photo credit:  3.bp.blogspot

Brotherhood! Isa sa mga dahilan kung bakit nauso ang fraternity. Walang iwanan, ikaw nga. Kapatiran ang pangunahing dahilan ko kung bakit ako sumali sa aking grupo. Masaya ang

tropa. Astig yata ang dating kapag marami kang kaibigan. “In” ako sa lipunan. Pero nang dahil sa brotherhood na iyan, nandito ako ngayon sa loob ng piitan.

Ako si Nelson (di tunay na pangalan) at anim na taon na nakakulong dito sa Muntinlupa.Nagconduct ng initiation ang gang namin. Inayos ko ang mga baguhan upang ihanda sila sa mga dapat gawin sa kanila upang makapasok sila sa aming grupo. Maayos na ang lahat hanggang dumating ang aking mga mayayamang katropa. Sila ang nagpatuloy ng initiation. Ako naman, uminom ng alak at nalasing. Lupaypay ako kinabukasan at hindi ko na alam ang mga nangyari.

Namatay pala ang isang baguhan at mga mayayaman kong ka-gang ang nakapatay.Nagkahulihan at nadala kami sa presinto. Nakiusap ang mga magulang ng mayayaman kong “kaibigan” na aminin ko na lamang ang kasalanan dahil tutulungan din naman nila akong makalabas. Ako naman itong si tanga, inamin din. Pagkatapos noon, hindi ko na sila nakita pa. Nagulat na lamang ako nang dumating sila sa korte upang magtestigo. Hindi para tulungan ako kundi idiin pa ako lalo. Hindi ko akalaing magagawa nila iyon sa akin kaya ako ngayon ang nagdurusa sa kasalanang hindi ko nagawa.

Noong ginawa ng mga katropa ko iyon, tumulo na lamang ang mga luha ko. Kinamumuhian ko sila sa kanilang ginawa. Nagagalit ako sa mga magulang nila dahil sa mga pangakong kanilang binitawan sa akin. Gusto ko sana ipadama rin sa kanila ang hirap na naranasan ko rito kapag nagkita kami balang araw. Kahit kailan, hinding hindi ko sila mapapatawad sa kanilang ginawa.

Nang dahil sa kaibigan, nasira ang kinabukasan ko. Dito sa kulungan, para akong patay. Wala akong karapatan para sa sarili ko. Muntik pa ako sentensiyahan sa silya elektrika kung hindi napatunayang wala akong kasalanan. Bumaba ang sentensiya ko mula kamatayan hanggang walong taong pagkabilanggo.

Gayunpaman, sa nangyari sa akin dito, marami akong natutunan.

Hindi lahat ng nakakulong ay may kasalanan. Marami diyan sa labas na pagala-gala, ngunit mas halang ang kaluluwa kaysa sa ilan na nandito sa loob.

Hindi lahat ng kaibigan mo ay maaasahan mo sa oras na kailangan mo sila dahil sila mismo ang magpapahamak sa iyo upang mailigtas ang kanilang sarili.

Iba ang nagagawa ng salapi sa tao. Kayang bulagin ng mga mayayaman ang mga mahihirap. Kayang gawing pipi ng mga taong mapera ang mga dukhang tulad ko.

Hindi na natin kailangan pang sumapi sa gang upang maging “in” sa lipunan at dumami ang kaibigan. Ipakita mo lamang ang tunay mong pagkatao at may mga taong tunay na tatanggap sa iyo.

Lahat ng pangyayari ay may dahilan. Nakakalungkot lamang na kailangan ko pang pagdaanan ang ganito upang matuto. Magsisi man ako sa pagsama sa mga maling kaibigan, wala na akong magagawa. Makasalanan man ako sa mata ng ilan ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi ako magpapatuloy ng aking buhay.

Noong napasok na ako dito sa deathrow, nakita ko ang iba’t ibang ugali ng tao. Pinag-aralan ko kung paano makisalamuha sa mga kakosa ko. Nakita ko na ang mga kriminal na sinasabi ng karamihan ay marunong din pala magsisi sa kanilang mga ginawa. Naisip ko, ako na walang kasalanan ay dapat hindi nagpapatalo sa pagsubok na binigay ng Diyos sa akin.

Dito ko natutunan ang maging matatag sa tulong at awa ng maykapal. Lahat ng hirap ay kaya pala nating lampasan basta huwag lang natin kalimutan na may isang kaibigan na kahit kailan ay hindi ka Niya iiwan. Sya si Kristo na dapat nating maging kaibigan sa araw-araw. Gagabayan Niya tayo sa tamang daan at kaligtasan.

Husgahan man ako ng mga tao dito sa lupa, ang ating Diyos lamang ang Siyang tunay na nakakakilala ng aking pagkatao.

Note: based on a true story of a friend

About Racz Kelly

29years old OFW based in Canada. An award winning author of 2 books about OFW, An owner of the award winning OFW blogsite, a former teacher, a caregiver, an inspirational speaker, a community volunteer, a sister and a daughter. Books: Tiis, Sipag at Tiyaga (OFW Stories) Sindi ng Lampara Blogs: www.ofwstories.com FB: Racz Kelly email address: [email protected] http://www.amazon.com/Sipag-Tiyaga-Racquel-Delfin-Padilla/dp/1475207484/ref=lh_ni_t I was featured by GMA News here: http://www.gmanetwork.com/news/story/270315/pinoyabroad/pinoyachievers/pinay-caregiver-in-canada-writes-book-about-lives-of-ofws
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!