“Nakaukit Sa Hangin”

Sabi nila masakit daw maghintay sa wala. Pero para sa akin mas masakit yung naghihintay ka na nga sa wala, “mahal na mahal mo pa rin.”

Image credit to woner

 

Matagal na panahon ko na ring dinadalangin para sa ating dalawa na sana ay dumating na ‘yung pagkakataon na tayo’y magkitang muli, para masabi ko sa ‘yo ang nilalaman ng puso ko. Pero hindi ko alam kung paano uumpisahan?

Naiisip ko pa lang, nakikita ko na ang alpabeto, lumulutang sa hangin, ‘di mahagilap. Mailap. Parang tayo. O parang isip ko? Blanko. Pero naglalakbay lagi patungo sa’yo. Pero gaano ka man kalapit o kalayo, ganun pa rin, damdami’y nangangapa sa dilim.  Parang kuweba – kuwebang naghihintay pasukin ng liwanag dahil ang puso singlamig na ng yelo, hindi na halos humihinga, dahil wala ka.

Alam mo ba kung gaano kasakit sa pakiramdam ang mabuhay nang wala ni anino mo sa tabi ko? Hindi mo alam dahil binago ka na ng panahon. Lahat nagbago na sa’yo, sa mundo mo, sa mundo ko,  maliban sa pagmamahal ko sa’yo. Hindi pa handa ang puso kong magbago. Ayaw – kung hindi rin lang ikaw.

Naalala ko tuloy. Isang beses ko lang sinabi sa’yo ang totoo, dinaan ko pa sa biro. Bakit nga ba hindi basta basta nasasabi ang totoo? Nang seryoso? Ganito ba talaga ang nagmamahal? Hindi mo kayang bigkasin ni isang letra o salita? Ni katinig o patinig, mula sa’yo ay walang silang maririnig? Hindi dahil ikaw ay napipipi o atubili. Mas pinipili mo na lang manahimik. Dahil pag tahimik – malalim. Ganun ka kung magmahal.

Totoo. Mula noon. Hanggang sa mga oras na ‘to, hanggang sa kung saan  man ako ipadpad ng aking mga paa, sa lupa man o sa ulap, ako’y hine-hele, kasabay ng alpabetong ‘di ko mabuo-buo sa isip ko. Parang kailan lang ang maraming taon na lumipas, pero pagmamahal ko sa ‘yo ay wala pa ring kupas.

Parang mga luntiang dahon, buhay na buhay. O parang mga hampas ng alon na bumabalik sa dalampasigan dahil sila ay iisa. Parang ikaw at ako. Kaya habang ikaw ay nandiyan at ako’y nandito, ibinabato ko sa hangin lahat ng ibig kong sabihin – lahat ng pagmamahal, pananabik at paglalambing. Lahat ng sakit, hinagpis at pagkamuhi – sa sarili. Sa mundo. Lahat ng lungkot dahil wala ka, hindi kita kasama. Lahat ng nasa kaibuturan ng aking puso – sana’y dalhin ng hangin kung nasaan ka man. Dahil lahat ng aking panalangin, nakaukit sa hangin. Hindi kayang burahin sa isip, sa puso, sa alaala.

At sa bawat paghinga dalawang salita lang ang madadama –  “Mahal kita…”

Higit pa sa kaya kong bigkasin.

Higit pa sa kaya kong awitin.

Higit pa sa buhay na dala ng hangin.

 

Naghihintay ka nga ba sa wala?

Hangga’t may hanging humahalik  sa iyong pisngi…

palagay ko’y hindi.

 

(photo credit: Goodwp and Pinterest)

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!