“Nak, nasaan ka ba? Uwi ka na” [A Family Story]

Image from Things to Know when you''re in love Facebook page

Tumunog ang kanyang cellphone. Mabilis niya itong kinuha sa kanyang bag na tila may hinihintay na mensahe o tawag mula sa isang espesyal na tao. Bakas na bakas kasi sa mukha nito ang excitement, may kislap pa sa kanyangmga mata.

“Nak, mag-ingat ka ha. Goodluck sa exam! ^_^”

“Si Mama lang pala…” sabay buntunghininga nang mabasa ang mensahe mula sa kanyang ina. Ibinalik niya ito sa kanyang bag at ni hindi tumugon sa text message ng ina.

Tumanaw na ito sa bintana at ilang sandali ring nakatingin sa labas. Nang mainip ay muli nitong inilabas ang kanyang S3 na unit at piniling magkabit ng earphones at makinig sa musika.

Muling tumunog ang kanyang cp; hudyat na mayroon na namang text message.

“Nak, ‘wag kang magpapagutom. Kumain ka agad tapos ng exam nyo.  ^_^”  

Me smiley pa; naisip niya. Mula nang matuto ng icons ang kanyang nanay ay lagi nang me smiley ang mga text messages nito. Minsan naman ay  <3  na ang lumalabas ay puso.

Wala siyang ginawang reply. ‘Kulit ni Mama eh!’ bulong niya sa sarili.

Nag-ring ang kanyang phone. Mabilis niyang sinagot ang tawag nang mabasa ang pangalan ng caller at mahabang sandali rin ang lumipas habang masaya niyang kausap ang isang kaibigan. Minsan ay napapalakas pa siya ng tawa at napapatingin ang pasahero na kanyang katabi sa SUV na pampubliko.

Sa sarap ng kanilang pag-uusap ay medyo lumampas pa ang kanyang sinasakyan sa dapat sana’y kanyang bababaan kaya’t nahuli siya ng pagsabi ng ‘Para po, Kuya.’ Nagkagayun man ay natatawa pa rin siyang bumaba at naglakad na lamang pabalik ng dalawang kanto.

“Nak, nakaabot ka ba sa exam? Hindi ka ba nalate? Baka kasi natraffic ka, sana hindi.” Text muli mula sa kanyang nanay.

Nang hindi siya sumasagot ay tumawag na ang inang hindi na nakatiis sa kawalan ng reply mula sa kanyang anak.

“Po? Nandito na ako, naglalakad na nang matulin at baka ako malate. Sige na po.”

Nagsasalita pa ang kanyang ina pero pinatayan na niya ito ng telepono. Kunong-noong ibinulsa ang kanyang cp at pumasok na sa kanilang room. Tamang-tama; magsisimula pa lang ang exam.

 – o – o – o –

Alas onse na ng gabi ngunit nasa isang convenience store pa sila ng kanyang mga kaklase na kabarkada. Hindi nila alintana ang oras basta’t magkakasama sila. Dinedma na naman niya ang ilang text messages ng kanyang ina, pati ang ga tawag nito.

“Nak, gabi na, nasaan ka na ba? Ok ka ba? Reply ka naman.” Ngunit imbes na replyan ang pinakahuling text ng ina ay in-off na lang niya ang kanyang phone.

Pauwi na siya ng ala-una nang muli niyang buksan ang kanyang cp. Puro text ng kanyang ina, ngunit hindi na niya binasa. Malapit na naman kasi siya sa bahay nila.

Madilim ang bahay. Inisip niyang nakatulugan ng kanyang nanay ang paghihintay at hindi na nai-on ang mga ilaw. Kumatok siya nang kumatok ngunit hindi nagigising ang kanyang ina. Naiinis siyang umupo sa may hagdan ng bahay. Mukhang hihintayin niya ang pag-uumaga o ang paggising ng kanyang nanay. Nag-earphones siya at nakinig na lang ng musika hanggang sa nakatulog siya sa ganoong puwesto sa may hagdan. Tinabihan pa siya ng kanilang aso.

Sa ‘di kalayuan ay may babaing nakahandusay sa gilid ng madilim na kalye; yapos sa kanyang dibdib ang tangan na cellphone.

Wala nang buhay.

 

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!