Nagbalik na Ako (Pagtatapos)

Nagbalik-Na-Ako-256x260Sana, sana pala ay hindi nalang ako umalis.

Hindi ko alam kung ilang taon akong naglakad papalapit sa kanya at nagawa kong makita halos lahat ng pangyayaring nagdaan. Namalas kong muli ang sarili ko na nanlulumo sa pag-iwan sa akin ni Noel. Nakita ko ulit kung paano ako naging masaya muli dahil kay Leo. Kung paano ako nasaktan sa mga sandaling mas inuna niya si Althea. Kung paano ko napiling umalis. Kung paano ako naging matigas.

Ang mga mukha ng mga taong naging bahagi ng buhay ko — ang mga dumating, ang mga umalis, ang mga bumalik, ang mga nanatili, ang mga bagong kakila, pati na yata ang mga nakasalubong ko sa mga sanga-sangang daan ng pinakamabababang sandali ko sa mundong ito — ay nasilayan ko kahit na wala naman sila sa loob ng simbahan.

Ang kahoy na krus kung saan nakapako si Hesus at si San Gabriel ay hindi ko magawang tingnan ngayon. Sa maraming pagkakataon, alam ko na inilapit nila ako sa tamang daan pero pinipili kong umiba ng ruta.

Napakatanga ko.

“Leo!” sigaw ko habang umiiyak.

Narinig ko ang pagbagsak ng bitbit kong aklat.

Tumutugtog pa rin ang awit. Kanina pa ito pauli-ulit. Niloloko lamang ba ako ng aking pandinig?

Hindi ko na pinulot pa ang libro. Para saan pa?

Ngunit, itinuloy ko pa rin ang paglalakad — kahit alam kong huli na ako.

Hindi ako makapaniwala. Kanina lang sa biyahe ay nasisiguro kong mababawi ko pa siya pero nagkamali pala ako. Huli na pala ang lahat. Huli na ako. Huli na ang lahat.

“Umalis ka na, Almira.” Nanginginig ang tinig ni Althea.

Muli, binalewala ko ang narinig.

Sa wakas ay nagawa ko na siyang lapitan. Hindi ko na nagawang pigilin pa ang aking mga luha. Gusto ko siyang yakapin ng mahigpit. Alam ng langit na hindi ko kailanman hinangad na sa ganitong tagpo kami muling magkita. Alam ni San Gabriel na hindi ko ginusto ang mga nangyari — ang paglayo ko, ang ibigay sa iba ang puso ko, ang mahuli sa pagdating.

“N-nagbalik na ako, Leo.”

Pero, isang araw, magugulat ang lahat. Magugulat ang lahat na nagbalik na ako.

Ito pala ang huling pangungusap ko sa sulat ko kay Leo, ang liham na iniwan ko bago umalis. Bumalik na ako. Narito na ako. Nagbalik na ako. Nagbalik na ako at nagulat ang lahat.

“Hindi ako makapaniwala, Noel,” sabi ko sa kapatid ni Leo. “Akala ko may namamagitan sa kanila ni Althea bago ako umalis. Hindi ko naisip na kaya pala ganoon nalang niya tulungan si Althea ay dahil naaawa siya rito. Hindi ko rin inakala na kaya madalas siyang naoospital ay dahil sa nagdadalantao siya.”

“Nauna kasi ang emosyon mo,” mahinahon ngunit may panunumbat na wika niya. “Sana kinausap mo siya.”

“Binigyan ko siya ng pagkakataon pero hindi siya dumating. Hindi ko naman alam na nasagasaan siya ni Kuya ng motor niya. Hindi ko alam.” Tumulo ulit ang mga luha ko. “Hindi ko manlang siya naalagaan, naputol pala ang kanyang mga paa sa aksidenteng iyon.”

“Walang may gusto ng nangyari, Almira. Kaya nga hindi na niya piniling idemanda ang kapatid mo. Tutol kami noong una pero kung siya nga ay ayaw kasuhan ang kapatid mo, kung siya nga ay nagawang magpatawad–“

“Hindi manlang sinabi ni Kuya,” iiling-iling na sabi ko. “Sana hindi na ako umalis.”

“Wala sa sarili ang kapatid mo noon sabi ni Kuya. Dahil sa paghihiwalay nila ni Kara.”

Umiyak na lamang ako. Hindi ko na nagawa pang magsalita.

“Sa Friendster, sinubukan niyang sabihin ang lahat. Hindi pala sinubukan, sinabi niya ang lahat. Pero hindi ka sumagot. Hanggang sa Facebook nagpapadala siya ng mensahe. Halos araw-araw. Pero wala kang pinansin kahit isa sa mga iyon.” Natigilan siya. “Kaya kita tinawagan noong nakaraan.”

“Huli na ako. Huli na ang lahat.”

“Sana pala noon pa kita tinawagan.”

“Naging patapon ang buhay ni Lucio. Wala na siyang ibang ginawa noong nalaman niya na magiging tatay na siya kung hindi maglasing at magwala kapag umepekto na ang espiritu ng alak. Kahit kailan ay hindi siya naging ama, si Leo ang gumanap sa responsibilidad niya sa kambal.”

Hindi ako umiimik.

“Isang gabi umalis nalang siya at hindi na nagpakita pa. May tatlong taon na rin.”

Hindi pa rin ako nagsalita.

“Naging matalik na magkaibigan kami. Alam mo ba, araw-araw ay sinasamahan ko siya sa burol. Umuupo kami sa ilalim ng puno na tagpuan daw ninyo no’ng araw. Ang dami niyang kwento. Pakiramdam ko nga ay kilalang-kilala na kita. Bawat detalye sa’yo ay tandang-tanda niya.” Humikbi siya. “Hinintay ka niya, sabi mo kasi sa sulat e babalik ka. Kahit hirap na hirap sa pag-akyat sa burol ng nakasaklay ay pinipilit pa rin niya. Masaya raw kasi siya ro’n, sa paraiso ninyo noon.”

“Umalis ka na.” Matigas na sabi ko. “Lumabas ka na ngayon din dito sa kwarto ko.”

Ayaw ko ng marinig pa ang mga sasabihin niya.

“Eleven years. Nakakapagod din. Lalo na at nahulog sa kalaunan ang loob ko sa kanya. Araw-araw ay nagtiyaga akong alalayan siya. Pinakinggan ko ang mga kwento niya tungkol sa’yo kahit na nasasaktan ako.”

“Alis na,” parang nagmamakaawang sabi ko.

“Akala ko noong araw na iyon ay gusto lang niyang mapag-isa. Iniwan ko siya at sinabing mayamaya ay babalikan ko rin siya. Naglakad ako pababa ng burol pero alam mo–“

“Tama na,” tinulak ko siya. “Tumayo ka na, umalis ka na.”

Tumayo siya sa pagkakaupo sa kama ko.

“Bakit ba ganyan ka? Alam mo, kung magpapalit tayo ng posisyon, kung ikaw ‘yong naglalakad pababa no’ng hapong iyon tapos nagulat ka nalang na gumugulong na siya pababa, siguro maniniwala ka na na ikaw talaga ang mahal niya. Ang tanga-tanga niya! Hindi ko alam kung ano ba ang pinakain mo sa kanya at nagkagano’n siya. Nagpatihulog siya sa burol dahil sa’yo! Sana ikaw nalang ang nakakita ng duguan niyang katawan noon. Sana ikaw nalang para maaman mo kung gaano ka kaswerte na nakatagpo ka ng kagaya niya.”

“Tama na, Althea!”

“At kung gaano ka kamalas sa dahil naging ganyan ka kaduwag! Magdusa ka ngayon. Magdusa ka na tinakot mo lahat ng tao na kapag nagkwento sila ng tungkol sa aming dalawa ay puputulin mo na ang ugnayan mo sa kanila. Pare-pareho kayong tanga!”

“Kami lang ba?” Hindi ko na napigilan ang sarili ko. “Tanga pala lahat ng hindi nagkwento sa akin e bakit nagpakatanga ka rin para hindi ako kausapin at paliwanagan? Ang sabihin mo, sa mga taon na iyon ay sinubukan mo rin na mabawi siya pero–“

“Oo!” bulyaw niya. “Sinubukan ko. At alam mo kung ano ang kinaiinis ko, hindi ko nakita kung sino talaga siya noon. Karma siguro, sa dami ng sinaktan ko… sa paglalaro ko ng pag-ibig. Kung alam ko lang na gano’n siya, hindi ko sana siya pinakawalan noon.”

Tumalikod na siya at lumakad palabas.

Nakarinig ako ng katok.

“Ate?”

Hindi ako sumagot. Ayaw ko muna ng kausap sa ngayon, nasasaktan pa ako ng husto. Daig pa ng mga sinabi ni Althea ang sakit kapag hiniwa ka ng patalim. Ilang libo man nito ang iturok sa dibdib ko sa mga oras na ito ay hindi ko mararamdaman.

“Ate?”

“Pumasok ka.” Hindi ko rin siya natiis. “Bukas ‘yan.”

Lumitaw siya sa aking harapan.

“Ate, sorry po. N-nagluluksa rin po kasi ako.”

Tiningnan ko lang siya.

“Magulo po kasi ang isip ko. Gusto kong umuwi ka rito para sa kanya. Alam kong matutuwa siya. Tinawagan ko na nga po si Ate Laila para kausapin ka, kaya lang ay nagkaroon ng emergency sa kanila.”

“Kaya pala.” Ito lang ang nasabi ko.

“Naging close po kasi kami ni Kuya, sobra po.” Napaluha siya.

“Halika nga rito,” sabi ko.

Lumapit siya sa akin at yumakap pagkatapos.

“Ate, mahal na mahal ka ni Kuya Leo. Alam mo ba, hindi manlang siya nagalit sa’yo? Noong umalis ka, nalungkot ako ng sobra. Nagtampo ako sa’yo. Pero pinaliwanagan niya ako. Sabi niya, may pangarap ka raw kasi at sinundan mo iyon. Para rin daw sa akin… na mahal na mahal mo raw.”

Pumatak na rin ang mga luha ko.

“Sabi niya, babantayan daw niya ako habang wala ka. Ituring ko na raw na kapatid ko siya. Naging totoong kuya siya para sa akin. Mas marami pa nga po akong nakukwento sa kanya kaysa kina Mama eh. Kaya no’ng nalaman ko na nagpaka–“

“Ate, sorry.”

“Okay lang.”

“Ito po ‘yong libro mo, hindi mo na kinuha sa simbahan.”

Ngumiti ako. “Hindi na niya nabasa, siya pa naman ang dahilan kung bakit hindi ko ito natapos.”

“Nabasa niya po. Lahat nabasa niya. Hindi mo po siguro napansin pero kasama niya ang mga iyon. Sa sulat na iniwan niya sa kwarto niya, ibinilin niya ito pati ang pagpapatugtog ng In My Life.”

Tahimik akong nanangis.

“San Gabriel, ano po ba ang dapat kong gawin. Hirap na hirap na ako. Ilang beses na akong nagpapabalik-balik sa simbahang ito pero wala pa rin po, hindi pa rin nababawasan ang lungkot ko. Sobra pa rin po akong nagsisisi.”

“Palayain mo na ang sarili mo.” Pamilyar ang tinig.

Hindi ko ito pinansin dahil nagdarasal ako.

“Hindi po ba Ninyo ako mapagbibigyan? Ibalik Mo po ako sa panahong iyon, kung kailan ko napagdesisyunang umalis. Isang pagkakataon pa po, hindi ko po sasayangin. Hindi ko na po sasayangin.”

“Alam mo na hindi iyan mangyayari kahit kailan. Kung pagbibigyan ka Niya, hindi ba mali na idamay mo ang buong mundo dahil lang sa mga maling desisyon mo? Kapag binalik ang oras, hindi lang ikaw ang babalik. Paano kung iba naman ang magkamali? Maaatim mo ba?”

“Bakit ka ba nakikialam?” sigaw ko.

Sa pagkakataong iyon ay hinarap ko na siya.

“Leo?”

Gulat na gulat ako. Si Leo, nakangiti sa akin. Ang Leo na kilala ko, kung ano ang itsura niya noon. Maaliwalas ang mukha niya. Hindi putol ang paa. Hindi ko alam kung paano binago ng panahon ang itsura niya ngunit sa ganito ko siya gustong maalala.

“Kagaya ka pa rin ng dati. Sinungitan mo rin ako noong una tayong magkita.”

Natawa ako. “Kasi naman pakialamero ka!”

Tumawa siya. Tinabihan niya ako sa pagkaluhod.

“Hindi ka ba natatakot sa akin?”

“Mahal kita, Leo.”

“Pero kailangan mo munang isantabi ‘yan.” Nawala ang kislap sa kanyang mga mata. Pawala na rin ang saya sa mukha niya. “Bata ka pa, magmahal ka ulit.”

“Hindi mo na ba ako mahal?”

“Mahal na mahal pa rin.”

“Bakit gusto mong magmahal ako ulit?”

“Dahil mahal kita.”

“Hindi ko maintindihan.”

“Ayaw mo lang intindihin. Sorry, hindi kita nahintay. Kung alam ko lang na babalik ka.” Tuluyan ng pumanaw ang ngiti sa labi niya.

“Sorry, umalis ako. Iniwan kita ng hindi ko manlang naririnig ang side mo. Masyado lang talagang masakit.”

“Alam ko, Almira. Masyadong masakit… a-ang biguin ka ng taong nagbigay sa’yo ng pag-asang sumaya ulit. Ang paiyakin ka ng taong pumahid sa mga luhang akala mo ay hindi na hihinto… N-naramdaman ko rin ‘yon, Almira. Kaya naiintindihan kita… dahil pinaramdam sa’kin iyon ng pagkawala mo.”

“Sorry, hindi ko ginustong mangyari ang lahat. Hindi ko ginusto pero ginawa ko… ginawa kong iwanan ka.”

“Naiintindihan ko.”

“Kasalanan ko.”

“Kasalanan natin pareho.”

“Hindi ako nakipagtulungan sa’yo na itama ang mga kamalian ko, natin.”

“Tapos na ‘yon.”

“Pati ba tayo tapos na?”

“Para sa akin, hindi pa. Maghihintay ulit ako ng tamang panahon.”

“Ngunit walang tamang panahon. Hinintay ko rin ‘yan. Walang tamang panahon kung hindi ang kasalukuyan.”

“Sa mga katulad natin na wala ng pag-asa ang kasalukuyan, may tamang panahon sa hinaharap.”

“Hihintayin ko iyon.”

“‘Wag, gusto kong simulan mo muli ang mundo.”

“Kung wala ka, paano?”

“Hindi ako mawawala, lalayo lang. At sa ‘di kalayuan ay babantayan kita.”

“Hindi, hihintayin nalang kita.”

“Ako nalang ulit ang maghihintay. Ako nalang, at sa pagkakataong ito ay hindi na kita susukuan.”

“Paano kung magkaroon na ako ng iba? Kung hindi na ikaw ang mahal ko sa muli nating pagkikita.”

“Okay lang.”

“Kahit naghintay ka sa wala?”

“Mahal kita eh.”

Niyakap niya ako. “Mabuhay ka, Almira. Mabuhay ka, kung hindi mamatay ako.”

“Puro ka talaga kalokohan!”

Tumawa siya. Tumawa rin ako.

Masasabi mo pa ba na hindi kayo ang nakatadhana kung ikaw mismo ang gumawa ng paraan para hindi kayo maging para sa isa’t isa?

Narito ako ngayon sa burol, sa ilalim ng puno kung saan sumibol at lumago ang pag-ibig. Ilang dahon na kaya ang nalaglag dito simula noong umalis ako? Ilang dahon na kaya ang sumibol sa punong ito sa haba ng panahong hindi ko sinamahan si Leo sa ilalim nito?

Labing-isang taon, mahigit isang dekada na ang lumipas simula noong huli akong umupo rito. Sa tagal, bakit parang walang nagbago? Muli ay narito ako, lumuluhang mag-isa, inaasam na dumating siya. At kung noon ay posible itong mangyari, ngayon ay hindi na.

Sa kabila nito, hindi ko na nararamdaman ang bigat. Ang panaginip ko na iyon, kung saan nakausap ko siya ulit, ay itinuturing kong isang himala. Para sa akin, iyon ang ikalawang pagkakataon na ibinigay sa akin ni San Gabriel at ng Panginoon — ikalawang pagkakataon para huminga dahil sa wakas ay napakawalan ko na ang mga salitang kay tagal napiit sa aking puso. Alam kong hindi iyon panaginip. Naniniwala akong isa iyong himala.

Sumandal ako sa puno. Sana narito siya, sana kasama ko siya ngayon.

Papalubog na ang araw. Masaya ako. Masaya ako dahil madalas ko ng makikita ang napakagandang tanawing ito kasabay ng pagtingkad ng mga alaala.

Hindi ko na muling iiwan ang lugar na ito. Nakamit ko na ang pangarap ko, nagtagumpay na ako sa lungsod. Ngayon ay handa na akong iwanan ang Maynila — ang mga mabilis na mundo, ang magagandang pasyalan, ang magagarang sasakyan, ang mga tagahanga, ang magandang bahay, ang lahat. Panahon na para sa isang simpleng buhay — kung saan hindi ako palaging nagmamadali, kung saan ang nililibot ko ay ang mga pasyalang likha ng langit at hindi ng tao, at kung saan hindi ako mag-isang nakatira sa isang malaking bahay.

Ang plano ko ay tumulong sa lugar na ito — pagandahin ang simbahan ng San Gabriel at ang paaralan dito kung saan nagtuturo noon si Leo.

Mabubuhay ako gaya ng nais niya. Pero, mabubuhay ako hindi para sa sarili ko kung hindi para sa kanya at sa iba. Sa mahabang panahon ay naging makasarili ako, isinentro ko ang lahat sa pait at lungkot na nadarama ko — dinamay ko pati ang ang mga taong nagmamahal sa akin ng totoo.

Tapos na ang mga sandaling iyon. Bayan ng San Gabriel, narito na ang dating ako. Nagbalik na ako.
***

WAKAS

[March 2013 – July 23, 2013]

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a journalist by profession and a literary writer by passion. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page (http://facebook.com/minsanokaylangmatraffic2016) and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!