Nagbalik na Ako (Kabanata XXVI)

Nagbalik-Na-Ako-256x260Hindi ko alam kung matatapos ko bang basahin ang mga mensaheng ito ngayong gabi. Halos araw-araw yata ay may mensahe siya sa akin. Mga masasayang bagay, mga karanasang itinatangi niya. Ginawa niya akong talaarawan, isang talaarawan na patuloy niyang kinakausap ng walang hinihintay na tugon.

Nakakatuwang isipin na naging maayos ang lahat sa kanya. Naging isang guro siya at, base sa mga salaysay niya, ay marami siyang nabibigyan ng inspirasyon at pag-asa. Gayunman, para sa kanya ay mas marami pa rin akong nagawang tulungan. Inulit-ulit niya ito. Palagi pala siyang nakikinig sa programa ko.

Masaya ang buhay ni Leo, masasabi ko. Puro masasayang alaala ang naipon sa mga hindi nabasang mensahe na ito. May kaunting kirot akong nararamdaman. Naiisip ko na sana ay kaming dalawa ang magkasamang sumasayaw sa tugtog ng buhay sa mga lumipas na taon.

Pero, bakit ako manghihinayang? Kasalanan niya ang lahat. Alam ko na hindi niya pinagsisisihan ang mga iyon, ang mga pagkakamaling nagawa niya. Kahit kailan ay hindi siya humingi ng patawad sa akin. Paano nga naman? E, tila naging perpekto naman ang buhay niya — simula ng mawala ako.

Hihinto na sana ako sa pagbabasa, nasasaktan lang naman ako, ngunit bigla kong nakita ang pangalan ni James.

Muli akong nagbasa.

Napaluha ako.

Kasama ko pala siya sa mga panahong iyon. Pinalalakas niya ang loob ko. Umaasa siya na sa gitna ng kalungkutan ay hahanapin kong muli ang simple pagsasama naming dalawa. Inaasam niya na babalikan ko na lugar na iniwan ko — kung saan ang lahat ay simple lamang, malayo sa mga taong mapanghusga, at sirain man ng isang pagkakamali ang kinang ng tagumpay ay hindi pa rin ako mawawalan ng kislap sapagkat naroon ang lahat ng taong sa akin ay tunay ng nagmamahal kahit wala pa man akong napapatunayan.

Kring… Kring…

Biglang may tumawag sa telepono ko. Sino naman kaya ang tatawag sa akin ng ganitong oras? Malapit na ang ika-10 ng gabi. Marahil ay napaka-importante ng tawag na iyon. Isa siguro ito sa mga tumatawag noong mga nakaraang araw na hindi ko sinasagot.

“Hello?”

“Ate Almira,” walang buhay na tugon ng nasa kabilang linya.

“Lira?”

“Umuwi ka na rito.” Hindi pa rin nagbabago ang tono niya.

“Bak–”

“Sa simbahan ng San Gabriel. Bago mahuli ang lahat.”

“Hindi kita maintindihan.”

“Si Kuya Leo.”

“Si Leo? Sa simbahan?”

“Aabot ka pa sa Biyernes.”

“Teka–”

“2 PM.”

“Ano ba… Si Leo… Hindi ko… Ikakasal na ba siya.”

Binabaan niya ako ng telepono.
(Itutuloy)

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a journalist by profession and a literary writer by passion. She had her first novel published at Balita Newspaper, 2013 to 2014. She is Manila Bulletin's health and tourism reporter. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!