Nagbalik na Ako (Kabanata XXV)

Nagbalik-Na-Ako-256x260Wala akong magawa kung hindi ang mag-isip. Tatlong araw na akong nagkukulong dito sa bahay ko. Mali, apat na pala. O, Lima? Parang isang taon na nga kung pagsasama-samahin ko ang mga segundo ng lungkot at pagkainip. Hindi ko maintindihan ang sarili ko. Ano ba ang totoong nagpapahirap sa akin?

Ang mga nangyari ba bago ako maiwan muli ng nag-iisa rito? Ang misteryosong dahilan kung bakit pinauuwi ako ni Kuya sa probinsya? Ang pag-alis ni Lira ng hindi manlang yumakap sa akin? Ang sinabi mga sinabi ni Ate? Ang kasal ni Leo?

O, ang hindi pagsagot ni Jelyn sa cellphone niya? Ang pinutol kong tawag ko kay Ate? Ang panandalian kong paglayo sa mundo?

O, ang hindi ko pagpapaalam na liliban ako sa trabaho?

Hindi ko alam. Hindi ko maintindihan. Ang nasisiguro ko lang, may kulang. May hindi tama. Magulo. Tapusin ko nalang kaya ang buhay kong ito?

Umiling ako. Alam ko na hindi ako seryoso sa sinabi ko.

“Hay, San Gabriel,” usal ko. “Sana naman makita ko na ang liwanag. Ano ba talaga ang dapat kong gawin? Sana ihatid mo sa akin ang mensaheng nais Niyang iparating.”

Papasok na akong muli sa trabaho. Bagamat hindi pa rin naiibsan ang kirot na hindi ko alam kung saan ba nanggagaling ay minabuti ko ng ipagpatuloy ang buhay kong ilang araw din na huminto.

Sinalubong ako ni Sally, ang babaeng guwardya sa kumpanyang pinapasukan ko.

“Magandang umaga!” bati niya.

“Good morning, Sally!” tugon ko.

Napansin kong pamilyar ang hawak niyang libro. Tama, ito nga.

“Ngayon mo pa lang ba ‘yan mababasa?” tanong ko habang hawak niya ang kopya ng Gabi na, Alexa.

“Hindi po, inuulit ko lang. Nabasa ko na ito noon, humiram ako sa anak ng amo ko. Wala kasi akong pambili dati.” Tumawa siya. “Binigay lang ito ni Ma’am, nabanggit ko kasi na iniidolo kita kaya ako nag-apply dito pagluwas na pagluwas ko sa Maynila.”

“Binola mo pa ako,” natatawang sabi ko.

“Totoo ‘yon, Ma’am. Palagi akong nakikinig sa’yo sa radyo.”

Ngumiti ako. “Salamat, Sally, kung gano’n.”

“Kumusta na si Alexa?” tanong niya.

“A-Alexa?” tanong ko.

“Oo, ‘yong–“

“Paano?”

“Hiniram ko ‘yong libro mo noong isang araw, ‘di ba?”

“Pakialamero,” naiinis na sabi ko.

“Iniipit mo kasi kung saan-saan e. Bakit sa yellow paper ka nagsusulat? P’wede naman sa isang notebook mo isulat ‘yon.”

Hindi ako umimik.

“Sorry.”

Napabuntong-hininga ako.

Ngumiti siya. “Ang ganda.”

“Hindi pa tapos iyon. Hindi ko rin alam kung isusulat ko pa ang nasa isip ko.”

“Bakit naman?”

“Sa tingin mo ba may babasa? At paano ko ipapabasa sa iba?”

“Ituloy mo tapos itago mo muna. Maipa-publish ‘yon pagdating ng araw, maniwala ka.”

Tumawa ako. “Bolero.”

“Basta ipagpatuloy mo pa rin,” sabi niya. “Ako muna ang babasa.”

“Ewan ko sa’yo!”

Napailing ako, pero alam ko na bahagya akong nangiti habang inaalala ko ang sandaling iyon. Kung hindi niya sinabing ituloy ko, hindi ko na marahil tinapos ang nobelang iyon.

Kinuha ko ng kopya ng librong iyon sa aking mesa. Hanggang ngayon ay itinatago ko pa rin dito. Sabi ko noon, darating ang araw na babalikan ko siya para bigyan siya ng kopya nito. Sa mga saglit na iyon palang ay tila sigurado na ako sa hinaharap ng nobelang ito, hindi ko nga lang alam kung paano at kailan matutupad ang propesiya kong iyon.

Nakakatawang isipin na ang taong dahilan kung bakit ipinagpatuloy ko ang pagsusulat ng istoryang ito ay hindi manlang naglaan ng panahon para tapusin ang pagbabasa nito. Sabi niya, siya na muna ang magbabasa pero nasaan siya nang matapos ko ito? Nasa piling ni Althea. Pinuntahan ko siya sa bahay nila para sorpresahin ngunit ako ang nasorpresa. Magaling! Ang gagaling nila.

“Almira!” humahangos na tawag ni Laila.

“Laila!” bati ko. “Ang tagal mo.”

“Pasensya na, hindi ako puwedeng magtagal dahil isinugod sa ospital ang biyenan ko.”

“Ano? Naku naman, bakit ka pa pumunta rito? Tumawag ka nalang dapat sa akin. Dalian mo na!”

Niyakap niya ako.

“Malalagpasan ninyo ‘yan.”

“Magpakatatag ka, Almira.” Nagtaka ako sa tugon niya.

Inalis niya ang pagkakayakap niya sa akin.

“Sandali, ako?”

May pinahid siya sa kanyang mga mata gamit ang dalawa niyang kamay.

“Aalis na ako,” paalam niya.

Pagdating ko sa bahay ay naalala ko biglang buksan ang cellphone ko. Wala naman kahit isang mensahe pagbukas ko nito.

Biglang may tumawag, mayamaya. Sinagot ko ang tawag na iyon, na mula sa isang hindi nakarehistrong numero. Nagsalita ang tao sa kabilang linya, isang pamilyar na tinig ngunit hindi ko mawari kung saan ko ba narinig.

“Kanina pa ako tumatawag, ngayon lang kita–“

“Sino ka?”

“Magbukas ka ng Facebook.”

“Ano? Sino ka ba?”

“Marami kang mensaheng hindi nababasa.”

“Sino ka ba talaga?”

Naputol ang tawag.

Kinabahan ako. Agad kong ginawa ang sinabi niya. Ngunit, ang nakapagtataka ay wala namang bagong mensahe na dumating sa akin. Nagkamali lang marahil ito ng tinawagan.

In my life, I love you more…

Isang pamilyar na kanta ang narinig ko mula sa kung saan. Naalala ko si Leo. Aaminin ko, nangulila ako sa kanya nang marinig ko ang awit na iyon. Napalingon ako sa larawan ni San Gabriel.

“Panahon na po ba? P-para magkaroon ako ng balita tungkol sa kanya?”

Naalala ko bigla ang sinabi ng tumawag:

Marami kang mensaheng hindi nababasa.

Si Leo, marami siyang mensahe sa akin na hindi ko iniintindi. Hindi ako nagbukas ng kahit isa sa mga iyon. Tama, ang mga mensahe ni Leo ang tinutukoy ng tumawag. Marahil ay ang mga iyon nga dahil pamilyar ang tinig ng tumawag. Hindi ko lang talaga maalala kung kaninong boses iyon.
(Itutuloy)

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a journalist by profession and a literary writer by passion. She had her first novel published at Balita Newspaper, 2013 to 2014. She is Manila Bulletin's health and tourism reporter. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!