Nagbalik na Ako (Kabanata XXII)

Nagbalik-Na-Ako-256x260Iniisip ko pa rin ang tungkol sa nalalapit na pagpapakasal ng kapatid ko.  Bakit nga kaya hindi pa rin sumasagi sa isip ko na lumagay sa tahimik? Ilang ulit na rin ako niyayaya ni James na magpakasal pero hindi ako pumapayag. Si Laila ay may tatlo ng anak. Si Lory naman ay natagpuan na rin ang lalaking nagturo saa kanyang magmahal ng totoo, sa susunod na taon ay ikakasal na rin siya.

 Dagdag pa nga pala rito ang nalalapit na kasal nina Katrina at Carlos sa Boracay,  beach wedding ang gusto ni Katrina. Sa Sabado na iyon. Pupunta ako, hindi naman daw makakasama si Leo.

 

Si Leo.

 “Almira, malapit nang matapos si Liza,” paalala ni Laila.

 “Okay.”

 Nagtatrabaho pa rin ako sa istasyon ng radyo kung saan ako nakilala kahit manunulat na ako.

 Pumunta na ako malapit kay Liza.

 “Susunod na po ang Sweet and Lonely ni April Rain,” sabi ni Liza bago ko siya tuluyang palitan.

 “Magandang gabi po sa lahat ng aking tagapakinig na hanggang ngayon ay nakaantabay pa rin sa akin! Narito po muli ang inyong lingkod na si April Rain para pakinggan ang inyong mga kwentong pag-ibig, mapa-sweet man iyan o lonely,” simula ko.

“Maaari na po kayong tumawag sa numerong *** at malay ninyo ay kayo na ang kausap ko sa aking pagbabalik pagkatapos ng isang awitin. Narito na po ang awiting Like a Rose na ni-request ni Justine Laurel ng Quezon City.”

 

Pagkalipas ng ilang sandali ay nakakuha na kami ng kakausapin ko. Nagpakilala siya bilang Edwin, dalawampu’t siyam na taong gulang.

 “Hello?” bungad ko sa tumawag.

 “Hello rin!” sagot niya. Medyo kaboses siya ni James, ganito rin ang boses ng kasintahan ko kapag nasa telepono.

 “Edwin, right?”

 “Ako nga.”

 “Anong maipaglilingkod sa ‘yo ng programang Sweet and Lonely?”

 “Ikaw!”

 Tumawa ako. “May pagkapalabiro ka pala.”

 “Ikaw nga!”

 Tumawa ako ulit. “Panindigan ba talaga?”

 “Ikaw nga talaga.”

 Bahagya na akong nairita. “Ngayon na lang kita tatanungin ulit, sayang ang oras kung gagawin mo lang katatawanan ang programang ito. Anong maipaglilingkod ko sa ‘yo?”

 “Si James ‘to!”

 Natigilan ako. Nagtawanan ang mga katrabaho ko.

 “What’s the meaning of this?”

 “Hindi namin alam!” natatawang sagot ni Laila.

 “Ako nga ito!”

 “Laila!”

 “Si James nga iyan.”

 “What–“

 “Kausapin mo lang ‘yong caller mo.”

 “Okay,” baling ko kay James kahit hindi ko naiintindihan ang nangyayari. “Anong maipaglilingkod ko sa ‘yo?”

 “Will you marry me?”

 Naghiyawan ang mga katrabaho ko. Hindi ako nakapagsalita.

 “Will you marry me, Maria Almira Rivera?”

“Mamaya na tayo mag-usap. Oras ng trabaho ko ngayon.”

 “Just answer me,” masayang wika niya.

 “James.”

 “Will you marry me?”

 “Sagot na!” sigawan ng mga kasama ko.

 “James, ‘wag dito, please.”

 “Please, April Rain.”

 Huminga ako nang malalim. “I can’t.”

 Tumahimik ang paligid.

 “You can’t answer me on air? Okay, I’m–“

 “I can’t marry you.”

 

 

“None of your business!” sinimulang basahin ni Ate ang nasa diyaryo. “Ito siguro ang gustong sabihin ngayon sa mga tao ng businessman na si James Roxas matapos–“

 Binato ko siya ng unan. “Ate!”

 “Ano ba kasi, Almira? Ano bang plano mo? Tumandang dalaga?”

 “Hindi pa ako ready!”

 “At the age of 28?

 “Basta, hindi pa.”

 “‘Wag mo sana pagsisihan iyan.”

 “Bahala na.”

 “Baka naman si Le–“

 “Ate!”

 “Maybe, it’s about time para makarinig ka ng balita tungkol sa kanya.”

 “Hindi ko kailangan!”

 “Pero kaya ka yata nagkakaganyan dahil wala kayong closure, hindi kayo nagbreak o nag-usap man lang bago ka umalis.”

 “Gumawa na ako ng closure. Matagal ko nang tinapos.”

 “Pinutol mo lang ang ugnayan.”

 “Ate, please, ‘wag ngayon.”

 Napailing na lang siya.

 

 

“Matapos ng halos isang buwan na pananahimik, April Rain, magsasalita na! Live bukas sa Talk TV!” Ito ang bumungad sa akin pagbukas ko ng telebisyon.

 Napailing ako.

 Naisipan kong tawagan ang mga kaibigan ko.

 “Lory?”

 “Almira? Kumusta?”

 “Babe, halika na!” Narinig ko ang boses ng mapapangasawa niya sa kabilang linya.

 “Naku, Almira, pasensya na. Nagkaproblema kasi kami sa mga imbitasyon kaya–“

 “Sige, okay lang.”

 “Hello?” sunod kong tinawagan si Laila.

“Almira!”

 “P’wede ka ba ngayon? Alis tayo!”

 “Naku, may sakit si Joy.”

“May sakit na naman?”

“Oo, nag-aalala na nga ako sa batang ‘to e, mula nang iniuwi galing sa mga lola niya palagi nang nagkakasakit.”

 “Ganoon ba? Sige.”

 “Pumunta ka na lang dito kung gusto mo.”

 “Hindi na, sa susunod na lang. Sabihin mo magpagaling siya, sabi ng ninang niya.”

 “I will. Thank you. Pasensya na talaga.”

 Inilapag ko ang cellphone ko at humiga sa kama. Walang anu-ano ay bigla itong tumunog. Sinagot ko ang tawag.

 “Hello?”

 “Almira?”

 “Jelyn,” sabi ko sa mababang tinig.

 “Gusto mong magkita tayo?”

 “Magkita?”

 “Narito na ako sa dati. Hintayin kita.”

 

Sa Bank X nagtatrabaho si Jelyn, malapit iyon sa Mall X kung saan madalas kaming nagkikita kapag may bakante kaming oras. Siya lamang ang kaibigan ko sa probinsya na naipakilala ko kay James, iyon ay noong dumating siya rito sa Maynila, ikatlo ng Pebrero ngayong taon.

 “Hindi ba may trabaho ka pa? 1 PM pa lang.”

 “Ang kulit mo talaga. Narito na nga ako. Umalis ako nang maaga, nakita ko ‘yong patalastas ng Talk TV. Baka… Baka lang kailangan mo ng kausap, magsasalita ka na bukas.”

 “Jelyn!” bulalas ko. “Nakababasa ka ba ng isip?”

 “Nakababasa ako ng puso! Hay naku, Almira, hindi na tayo teenager para magdramahan nang ganito. Alam mo kung bakit alam ko ang nararamdaman mo ngayon.”

 “Salamat!”

 “Pumunta ka na rito! Ang ma-late manlilibre!”

 “Akala ko ba hindi na tayo teenager?”

 “Ay ewan! Basta halika na! Bye!”


Sa isang iglap ay ikalima na ng hapon. Napasarap ang kuwentuhan namin ni Jelyn. Pakiramdam ko ay mga bata kami ulit. Parang nasa kantina lamang kami ng paaralan namin noon o nasa harap ng tindahan ni Aling Pilar habang nagmemeryenda. Habang kausap ko si Jelyn ay tila simple lamang ang lahat — maliban na lamang sa mga taong sumusulyap sa amin, sa ilang kabataan na nagpapakuha ng larawan at sa dalawang taong nag-uusap sa kabilang mesa tungkol sa magiging panayam sa akin bukas.

 “Sikat ka na talaga,” sabi ni Jelyn habang nakataas ang isang kilay. “Ewan ko ba sa ‘yo, Maria Almira. Nananahimik ka sa atin, aalis-alis ka nang sa sulat lang nagpaalam sa lahat. Pumunta-punta ka pa rito. Sana masaya kayo ni… Sorry, bawal nga pala.”

 “‘Wag mo na ako pagalitan!”

 “Whatever. Maiba ako, nagpaparamdam pa rin ba si Noel?”

 “Oo. Hindi ko na nga binabasa mga messages niya sa Facebook. Ewan ko ba sa kanya, nakikisabay pa parang si Le–“

 “Sino?” natatawang tanong ni Jelyn.

 “Basta! Naiinis ako kay Noel!”

 “Sino ba ang mag-aakalang magagawa mo ‘yan kay Noel? Ikaw, tatanggi kay Noel?” Humalakhak siya.

 “Anong nakakatawa ro’n?”

 “Wala lang.” Tumawa siya ulit.

 “Ikaw din naman, nakapag-move on kay Diego.”

 “Sa bagay, dahil kay June.” Ngumiti siya.

 “O, bawal malungkot!”

 Si June ang asawa ni Jelyn. Magpapakasal na sila noong biglang maaksidente si June.

Sa kabila nito, kahit nakaratay sa ospital, ay itinuloy pa rin nila ang kasal. Ilang linggo pagkalipas noon ay tuluyan nang bumigay ang katawan ng kanyang minamahal. Limang taon na ang lumipas, hindi na nagkaroon pa ng seryosong relasyon si Jelyn.

 “Hindi naman ako nalulungkot. Teka, nakakachat mo ba si Diego?”

 “Hindi. Hindi ko nga siya mahanap.”

 “Hindi mo talaga siya mahahanap, ibang pangalan na ang gamit niya.”

“Iba?”

 “Oo, Angelica Castro.” Humalakhak siya.

 “Ano ulit?”

 “Nagulat ka ano? Angelica na nga!”

 “Niloloko mo ba ako?”

 “Hay naku, hindi na ako magtataka. Ewan ko ba kay Diego, ako lang ang kinausap.

Isa-isa ko tuloy kayo pinaliliwanagan.”

 “Hindi kita maintindihan.”

 “Okay. Simulan natin sa inyong dalawa ni Noel.”

 “Sa amin talaga?”

 “Naaalala mo ba noon? Ayaw na ayaw niyang pinag-uusapan ang pakikipaghiwalay sa ‘yo ni Noel? Paano ba naman, kung hindi raw magiging sila ni Noel e mas gugustuhin niya na sa iyo na lang siya–“

 “Jelyn! Totoo ba ‘yan?”

 “Actually, hindi rin ako makapaniwala, pero noong nagkita kami… Mamaya. Ipapakita ko ‘yong picture namin. Siya ang tumulong sa akin pumasok sa Bank X, sa kanya nagpapagawa ng gown iyong may-ari. Iyon ang negosyo niya.”

 “You mean? Ibig sabihin ay–“

 Nakatawa akong tiningnan ni Jelyn.

 “Hindi nga?”

 Tumango siya. “Ako nga ang dahilan kung bakit siya umalis e. Itong si Lucio, sinabi sa kanya ‘yong nabasa niya na in love ako sa kanya. Hindi raw niya matanggap kaya tinanggap niya ‘yong offer na pag-aralin siya sa Maynila. Matagal na palang alam ni Lucio ang sikreto niya. Ang galing ni Lucio, ano? Parang may pang-magnet sa katotohanan.”

 “Sana ako rin,” biro ko.

 “Nagkataon lang iyon.”

 “Sayang talaga, nilapitan na siya ng mga pagkakataon. Nalaman na niya ‘yong kay Diego, natakot pa rin siya.”

 “Duwag talaga.” Napailing siya.

 “Pero nagawa naman niyang magtapat, hindi ba?”

 “Oo.”

 “Hindi mo lang tinanggap.”

“Magulo na ang lahat. Hininntay niya kasi na maging magulo ang lahat.”

 “Paano bang magulo?”

 “Kung p’wede ko lang ikuwento, pero ayaw mong makarinig ng anumang tungkol kina Leo at Althea, ‘di ba?”

 “‘Wag na nga lang.”

 “Basta nahuli siya. Tapos.”

 “Kung naging maaga ba siya posibleng–“

 “Bakit hindi? Ibig kong sabihin, baka. Malay natin.”

(Itutuloy)

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a journalist by profession and a literary writer by passion. She had her first novel published at Balita Newspaper, 2013 to 2014. She is Manila Bulletin's health and tourism reporter. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!