My Overseas University Love – Part 3

ulove“Ay sorry. Sige, okay lang kung hindi puwede. Sorry ulit.”

 Biglang nawala ‘yung ngiti sa mukha niya habang napakamot sa ulo at ibinalik sa dating puwesto ‘yung upuan kung saan niya balak umupo kanina. Hindi kasi ako ngumiti sa kanya at napatingin lang ako. Hindi ko rin kasi alam kung anung “tamang” sabihin.

 “Hindi..” sabi ko agad ‘nung akmang aalis na sana siya. “Sabi mo nga ‘di ba, wala namang nakaupo?”

 “Sigurado ka?”

 “B-bakit naman hindi? Rapist ka ba?”

 Natawa siya sa sinabi ko, samantalang ako, nagpapanggap na seryoso lang ang mukha. Para talaga akong tanga. Pero maya-maya natawa rin naman ako kaya naman naupo na siya at saka humigop ng kape. Pero wala siyang sinasabi, kahit ako. Siguro mga isang minuto bago may magsalita.

“Hindi ko alam kung nasaan ‘yung wallet ko. Lagot ako nito.”

 “Saan ka ba huling naupo?”

 “Sa puno?”

 “Sa The Bowl?”

 “Oo yata?”

 “Eh bakit hindi mo balikan ‘dun?”

 “Gusto ko lang sana subukan ‘yung ‘Lost and Found Department’ dito kung may pakinabang sila.”

“Kung hindi naman honest ‘yung makakakuha ng wallet mo, ano naman magiging pakinabang nila?”

 “Sa bagay.”

 Tapos nagngitian na lang kami. Hindi ko naman maitatanggi na na-cute-an ako sa ngiti niya. Ang simple lang din naman pala niyang kausap, kala ko kumplikado siyang tao. Hindi ko rin naman maitatanggi na hindi ako makapaniwalang nakakausap ko na siya. Kahit nahihiwagaan pa rin ako kung bakit siya nakikipag-usap sa akin, ayos lang. Hindi na mahalaga ‘yun. Ang mahalaga ‘nung mga oras na ‘yun – kausap ko na ‘yung “kakilala” kong Pinoy sa university na ‘to.

 Pero, hindi ko pa rin alam ‘nun kung paano ko itatanong ‘yung pangalan niya. Since madaldal naman akong tao, dinaldal ko lang din siya. Ano pa ba? Hehe.

 “Alam mo, nakakatakot ka.”

 Napatingin siya sa’kin bigla habang humihigop ng kape.

 “Ha? Bakit naman?”

 “Wala lang. Kasi hindi mo man lang ako pinansin ‘nung nag-hello ako sa’yo ‘nung first day ng klase natin sa Marketing, tapos nakita mo na ko sa puno, pero parang hindi mo pa rin ako kinausap nang matino?”

 “Talaga?”

“Ay hindi. Kathang isip ko lang lahat ‘yung sinabi ko. Bet ko lang mag-imbento ng kwento,” sabay lipat ng page ng “binabasa” kong libro sa Commerce.

 “Haha. Ang kulit mo talaga. Nagkataon lang ‘yun.”

 “Nagkataon na ano?”

 “Na nag-iisip ako ‘nung mga panahong inaapproach mo ko.”

 “Nag-iisip?” Curious na talaga ako nang sobra.

 “Oo. Kung tama ba ‘yung course na pinasok ko. Hindi kasi ko masyadong interesado.”

 “Bakit? Saan ka ba interesado?”

 “Mm.. Ewan. Basta gusto ko maging CEO.”

 “Ha? Eh ‘di ba about business naman ‘yung Commerce at pagiging CEO? Eh ‘di tama lang na Commerce ang kinuha mo.”

“Siguro nga.”

“‘Wag ka na masyadong mag-isip, imaginin mo na lang ‘yung sarili mo na naka-coat and tie at binabati ng ‘Good morning Sir’ ng mga tao sa paligid mo.”

 “Mm. Corny ha?”

 Tapos nagtawanan na lang din ulit kami. Maya-maya nagpaalam na rin kami sa isa’t-isa dahil may klase pa kami. Magkaiba nga lang dahil Thursday ‘nung araw na ‘yun, kaya wala kaming klase kung saan kami magkaklase.

 Kinabukasan, Friday (malamang). Hindi ko alam kung bakit ako nauna sa classroom. Biruin mo, out of 225 na estudyante, ako ang nauna ‘nung araw na ‘yun. Pano, wala kasi akong assignment ‘nun eh, nakatulog ako habang nagmamarathon ng Angelito: Ang Batang Ama sa TFC. Haha. Buti multiple choice lang naman at madaling sagutan.

 Tapos, maya-maya may pumasok sa classroom, si Tom pala, kaklase ko.

 “Hey Angelo, I knew it. You’re hiding there again.”

 Nagulat talaga ako kasi kumakanta-kanta pa naman ako ng “Call Me Maybe” tapos may tao pala ‘nun sa classroom. Nasa pang-17th row ako yata ‘nun, so nasa may bandang itaas ako. Tapos si Tom pumunta doon lang malapit sa teacher’s table. At doon ko nakita, may nagbabasa pala ng dyaryo ‘dun. Grabe talaga! Hindi man lang niya ko pinansin. At hindi ko man lang siya napansin.

 At Angelo pala ang pangalan niya.

 “Hey Flora, how are you?” Biglang sigaw ni Tom mula sa baba.

 “Not too bad, yourself?”

 “Doin’ good, thanks!”

 Tapos ni hindi man lang ako tinignan ‘nun ni Angelo. Inisip ko na lang, baka nag-iisip na naman siya.

 Nagbasa na lang ako sa book namin sa Marketing kasi wala na rin akong magawa. Pero maya-maya, nakita ko na lang siyang umaakyat papunta sa direksyon kung saan ako nakaupo. Hindi ko muna siya pinansin dahil ayoko naman isipin niya na ina-assume ko na sa akin siya pupunta. Pero, ganoon nga ang nangyari.

 Umupo siya sa tabi ko, tapos tinigan ‘yung binabasa ko.

 “Bakit pala ang aga mo?”

 Nagulat ako sa tanong niya. Pangalawang beses palang kasi niya ko kinausap kaya naninibago pa rin ako.

“Hindi kasi ako nakagawa ng assignment eh, nakalimutan ko.”

 “Ah.. Kala ko para mag-concert..”

 “Che! Eh ikaw, bakit ang aga mo? Mas maaga ka pa nga sakin. Kung hindi ka pa tinawag ni Tom, hindi ko pa malalaman na–“

 “Nag-iisip kasi ko. Sorry ha, hindi kita napansin.”

 Biglang lumakas ‘yung tibok ng puso ko tapos umiwas ako ng tingin. Ang tipid niya talaga sumagot kahit kelan at medyo weird pa. Hay. Hanggang ngayon, lumalakas pa rin ‘yung tibok ng puso ko kapag naaalala ko ‘yun.

Mula ‘nung araw na ‘yun, nagpapansinan na kami kapag magkikita kami kung saan-saan sa university. Tapos tuwing M-W-F na klase sa Marketing at Commerce 201, magkatabi na kami sa upuan. At sabay pa kaming kumakain ng lunch pagkatapos ng klase sa Marketing. Hindi ko alam kung paano nangyari ‘yun, pero basta, nangyari na lang. Nahihiya nga ako minsan, kasi ang gwapo niya tapos ako, mukha akong ewan.

 Hanggang sa ‘nung isang araw ‘nung November, hindi siya pumasok. Kala ko nga isang araw lang.. pero tumagal ‘yun hanggang sa matapos ang first sem ‘nung second week ng December. Sobrang nalungkot ako pero pinilit ko mag-aral pa rin nang mabuti kasi ang mahal-mahal kaya ng tuition fee.

 Nalungkot talaga ako kasi ni hindi ko man lang nasabi sa kanya kung anong pangalan ko. Alam ko alam na niya, pero ibig kong sabihin, hindi man lang niya ko natawag sa pangalan ko.

 First week ng January. Winter. Umpisa ng second sem. Nangingisay na ‘yung buong internal organs ko sa tindi ng lamig. Pumunta muna ko sa buliding ng Student Union dahil ‘dun na ‘yung pinakamalapit na pwede kong puntahan na may heater. Pagkaupo ko sa isa sa mga bench, nakita ko si Angelo na nasa tapat lang ng kinauupuan ko. May kasama siyang babae, Pinoy din. Maganda.

 Alam ko hindi niya ako napansin, kaya aalis na lang sana ako kasi hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kanya at hindi ko rin alam kung anong nararamdaman ko, kung nagtatampo ba ako o ano, kaso.. hinila niya ‘yung braso kong malaki. Bad trip.

 Note: Please read parts 1 and 2 first para po masaya. Salamat po. 🙂

“Flora.. ahm.. kamusta?”

 Hindi ako nakatingin sa kanya. Pero sigurado akong medyo hindi siya sigurado sa sinabi niya sa tono ng pananalita niya. Pagkatapos kong sabihing, “ayos lang, sige, may gagawin pa ko,” umalis ako agad sa crime scene. Naluluha talaga ko ‘nun, dyahe.

 Pagkasilip ko mula sa labas, nakita ko na lang.. nakaakbay siya doon sa babae.

Hindi ko maipaliwanag ‘yung naramdaman ko. Inisip ko na lang, hindi na dapat ako umasa.

(to be continued)

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!