My Husband’s Confession

(Photo Credit: lifesitenews)
(Photo Credit:  lifesitenews)
(Photo Credit: lifesitenews)

Walong taon na kaming kasal ng mister ko at biniyayaan ng tatlong supling. Isang lalake at dalawang babae na edad walo, anim at apat.

Sa walong taon naming pagsasama bilang mag-asawa, masasabi kong iilan pa lamang ang mga dumating na grabeng away sa aming mag-asawa. Kung hindi dahil sa problema sa pera, problema din sa pamilya ng mister ko na laging siya ang umaako, at madalas ay siyang ugat ng aming pagtatalo at pag-aaway. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin maganda ang pakikitungo sa akin ng mga biyenan ko na madalas pang ipagtanggol ng mister ko. Palibhasa,’y mama at papa’s boy.

Bagama’t responsableng asawa’t ama ang aking mister, hindi rin maiiwasang magkaroon ito ng bisyo na gaya ng alak at barkada; Kaya naman lagi kaming nagtatalo pagdating sa pagiging palabarkada nito. Lagi nitong ikinakatwiran na sadyang friendly lamang daw siya kaya maraming kaibigan. Pinipilit ko na lamang unawain nang hindi na lalong grumabe ang aming pagtatalo.

Oo. Aminado ako na sa walong taon naming bilang mag-asawa, masasabi kong lalo pang sumidhi ang pagmamahal ko sa aking mister. Sa kabila ng mga pagtatalo at away sa aming pagitan. Normal lang iyon sa mag-asawa na sa huli ay naaayos din naman. Ang kinahahangaan ko sa aking mister ay ang pagmamahal niya sa tatlo naming mga anak. Ang pagpupursige niyang kumayod para mabigyan ang mga ito ng magandang buhay at ni minsan, hindi ito napagbuhatan ng kamay ng aking mister. Kahit pa gaano katitigas ang mga ulo. Puro pangaral at pagsuway ang ginagawa nito. Masasabi kong isang huwaran na ama sa aming mga anak ang aking mister.

At bilang mister naman, wala akong nakikitang problema para mabawasan ang respeto at pagmamahal ko sa kanya. Bagama’t may katigasan din ang ulo, alam din nitong makinig sa akin na pinagpapasalamat ko. May mga mister kasi na kung ano ang gusto ay iyon ang dapat masunod. Na kailangan ay batas ang bawat sabihin at hindi na binibigyan ng pagkakataon ang misis na magsalita o magdesisyon man lang para sa pamilya. Na dapat, siya lang ang may karapatang masunod sa lahat ng gusto nito. Masasabi kong isang respetado at mabuting asawa ang aking mister. Kaya naman wala na akong ibang mahihiling pa sa Diyos. Sapat na sa akin na binigyan Niya ako ng mga malulusog at mababait na anak. At siyempre isang mister na hindi man perpekto, ay mas uunahin pa rin ang pamilya at ang ikabubuti ng aming pagsasama bilang mag-asawa.

Ngunit nagbago ang aking paniniwala nang dumating ang isang malaking dagok sa pagsasama naming mag-asawa. Hindi ko inakalang magagawa sa akin ng aking mister ang kataksilan na sisira sa akala ko ay halos perpektong pagsasama namin bilang mag-asawa.

Siya mismo ang umamin sa akin ng kataksilan nito na halos magpaguho ng mundo ko.

“‘Ma, p-patawarin mo ako….” umpisa ni Gerry. Nasa loob kami ng aming silid. Magkatabing nakaupo sa kama.

Mataman kong tinitigan sa mukha ang aking mister. “Bakit, Pa? May nagawa ka bang ‘di maganda?” takang-tanong ko.

“Nagkaroon ako ng ibang…k-karelasyon. Si Jane. Kasamahan ko sa trabaho. P-patawarin mo ako…”

Mag-asawang sampal ang natanggap ni Gerrry mula sa akin. Nang marinig ko ang pag-amin nito ay nagdilim ang aking paningin. Kung anu-anong mura ang sinambit ko. Habang walang patid ang pagsampal at pagsuntok na ginawa ko rito. Na hindi nito ininda. Kulang pa iyon at parang gusto kong pumatay ng mga oras na iyon.

Lalong sumidhi ang naramdaman kong galit nang aminin pa sa akin ni Gerry na buntis ang kabit nito at nagbantang guguluhin daw kaming mag-asawa. Doon ko na rin ‘di napigilang maiyak. Bakit sa akin pa nangyari ito? At bakit si Gerry pa?

“P-Patawarin mo ako, ‘Ma. Patawarin mo ako….” sunod-sunod na sambit ni Gerry sa pagitan ng aking paghikbi.

Tinangka nitong yakapin ako. Pero pumalag ako. Nagpumilit itong pakalmahin ako, pero lalo lang akong nagsisisigaw sa tindi ng galit ko rito sa kataksilan nito. Walang pinagkaiba si Gerry sa mga lalakeng hindi marunong makuntento sa kanilang misis.

Nilisan ko ang silid naming mag-asawa at doon ako sa isang bakanteng silid nagkulong. Walang patid ang aking pagluha. Masakit para sa akin ang pag-amin ni Gerry. Hindi ko lubos-maisip na magagawa nitong pagtaksilan ako at ganoon pala siya kahina pagdating sa tukso.

Biglang nagbalik sa aking alaala ang mga panahon na magkasintahan pa lang kami ni Gerry. Ang mga matatamis na pangakong binitawan nito. Ang mga masasayang sandali naming dalawa. Hanggang sa ikasal kami at magbunga ng tatlong supling ang aming pagmamahalan. Natanong ko rin ang aking sarili kung ano ba ang mga naging pagkukulang ko bilang asawa. Para gawin sa akin ni Gerry ang kataksilang ito. Ang masakit, sumagi sa isip ko na kung totoong mahal pa ba ako ni Gerry? Wala kasing malinaw na sagot kung bakit sa kabila ng mga pinakikita kong pagmamahal at kabutihan sa aking mister ay nagawa pa rin nitong maghanap ng iba. Bumaba tuloy ang tingin ko sa aking sarili. Pakiramdam ko, hindi na ako kaaya-aya sa paningin ng aking mister. Na kaya ito naghanap ng iba ay dahil mas naibibigay ng kabet nito ang pangangailangan nito bilang lalake na hindi ko kayang ibigay.

Pero sa kabilang banda, hindi iyon excuse para maghanap ito ng ibang putahe. Na kung talagang mahal ako ng aking mister at nirerespeto, hindi ito gagawa ng ganoong kalokohan. Kaya paano ko siya patatawarin? Umamin man ito  ay huli na. At hindi ako magpapakamartir at basta na lamang patatawarin ito.

Nang sumunod na araw, nagpasya akong umuwi muna ng probinsiya sa aking mga magulang kasama ang tatlo naming anak ni Gerry. Doon muna kami pansamantala. Malayo sa piling ng taksil kong mister. Magsisi man ito’y huli na. At anuman ang problema nito sa babaeng nabuntis ay mag-isa nitong haharapin. Kailangang matuto itong magbayad sa kasalanang nagawa. At kung dumating ang araw na magbago ito, baka may pagkakataon pang maisalba ang aming pagsasama bilang mag-asawa at ang pamilyang pareho naming binuo. Sa ngayon, utak muna ang paiiralin ko at hindi ang aking puso!

W A K A S

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!