Munting Paglalakbay

Umagang-umaga. Huminto ang dyip sa Malinta Exit, napansin ko ang isang ina na may kalong-kalong na bata sa tabi ng kalsada, pulang-pula ang baby sa pagkakabilad nito sa araw, halatang mga ilang araw o ilang linggo pa lamang siya sa mundong ito. Batang-bata pa ang ina, mga nasa pagitan ng labingsiyam hanggang dalawampung-limang taon pa lamang ito.

Nagpaandar ulit ng dyip si manong tsuper at itinuloy ang biyahe sa NLEX. Sabi ko sa sarili, sana palarin ang batang ‘yun sa kanyang paglalakbay sa mundong puno ng pasakit at pakikipaglaban sa buhay. Sa may likod ng kinatatayuan kasi ng ina ay ang kumpol ng mga bahay. Dikit-dikit ngunit ‘di naman barong-barong.

Mabilis ang takbo ng mga sasakyan. Sana ganito na lang kabilis matapos ang mga problema na kung gusto mong matapos agad; dumaan lang sa skyway o sa mga expressway ay matatapos agad pero hindi. Ito’y parang EDSA na puno ng kuwento habang ika’y naglalakbay.

‘Di na huminto ang dyip sa Camatsile kaya dire-diretso na ang biyahe. ‘Di naman masyadong trapik pagkat walang pasok ang mga estudyante dahil sa ASEAN Summit na nagaganap noon sa Metro Manila.

‘Kuya, patabi na lang po’.

Bumaba ako ng dyip at tumingin-tingin sa kapaligiran. Parang kailan lang, nang araw na may isang binibini na muntikan pang manakawan ng cellphone sa kahabaan ng EDSA; kasama ko sa dyip pauwi. Tuloy-tuloy ako sa isang footbridge sa Balintawak. Habang naglalakad, may napansin akong matandang mag-asawa sa tabi, halatang kakagising lang at nag-aalok ng kanilang mga paninda. Napayuko ako.

‘Bakit ganito ang nararamdaman ko?’ Marami akong reklamo sa buhay pero sila’y tila ‘di masyadong iniinda ang sakit na dulot nito. Napapansin ko naman sila bawat daan ko sa footbridge, sa mga kalsada at tabi-tabi pero ngayon ko lang ulit napagtanto ang mga nangyayari.

Nakababa na ng footbridge at nag-aantay ng bus na daraan sa Cubao ngunit pabalik-balik lang sa aking isip ang dalawang matanda. Napunta ng Cubao, napunta ng Pasig, napunta ng Quiapo at nilakad papuntang Recto.

Makikita ang kahirapan sa bawat sulok, ang pakikipaglaban ng mga kapwa natin sa buhay. Mula kay tsuper na todo kayod sa araw-araw para may madalang pagkain sa kanyang pamilya hanggang sa nanlilimos na umaasang matuluan ng ambon ng biyayang galing sa ibang tao na medyo pinalad na magkaroon ng kahit kaunti.

Lahat tayo may pangarap. Lahat tayo may gustong maabot, lahat tayo lumalaban ngunit hindi lahat ay nananalo. Hindi lahat ay sinusuwerte.

Intindihin na lang natin ang mga nangyayari at ang ibang tao imbes na kutyain sila at husgahan.

Sino ba’ng gustong magnakaw?

Sino ba’ng gustong mamalimos sa daan?

Sino ba’ng gustong ibenta ang puri sa kakarampot na halaga?

Sino ba’ng gustong mahirapan at masaktan?

Kung mayaman ka, intindihin mo ang mahirap. At kung mahirap ka, ‘di ka nag-iisa. Magigising tayo araw-araw at lalaban sa mapait na buhay. Babangon, hindi lang para sa sarili, kundi para rin sa iba. Ipinanganak para mahalin ang Diyos at ang kapwa.

About Jiro Magiting

I'm one of a kind of a person who is simple and weird.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!