Muling Buuin ang Base

Alam mo ba yung larong Boombase? Di ko alam kung nilalaro ito sa ibang probinsiya. Isa ito sa mga pinakapaborito kong laro nung bata ako bukod sa teks at holen.

Simple lang ang mechanics ng laro. Parang taguan lang na may elemento ng tumbang preso. Minimum of 3 dapat ang players. Pagsama-samahin ang mga tsinelas at yun ang base. May isang taya na magbabantay sa base dahil ang goal ng ibang player ay wasakin ang base. Yung taya naman, hahanapin niya yung iba na nakatago sa paligid. Pag may nakita siya, kailangang isigaw niya ang pangalan nung player, sabay padyak sa base. Example: “Boom Pedro, base!”

Kailangan maapakan ng taya yung base para counted at tanggal sa laro yung nakita niya. Diskarte na ng taya kung paano mahahanap yung iba dahil kung iiwan niya yung base, maaaring may malapit na player at tatakbuhin yung base. Kung nasira ito, back to zero at magtatago na naman yung mga nahuli niya. Kung nahanap naman niya lahat, magiging taya sa susunod yung unang nahuli niya.

Naglalaro kami nito ng mga pinsan at kapitbahay namin sa malawak na bakuran nila. Perfect yung lugar na yun sa ganong laro. Dalawang matayog at madahong mangga at isang acacia ang nagtatakip sa init ng araw. May irigasyon din na naghihiwalay sa bakuran at palayan. Sa gilid nito, maraming puno ng niyog ang nakahilera at sa kabilang banda ay may palikuran pa. Lahat ng yan ay pwedeng pagtaguan. May isa nga akong kalaro noon na ang paborito niyang pagtaguan ay ang puno ng mangga. Inaakyat niya ito at saka tatalon kapag nakalayo na ng bahagya ang taya.

Madalas kaming maglaro nito kapag alas tres hanggang alas singko ng hapon. Syempre kasunod nito ang panunuod ng anime sa hapon. Naging kompetisyon o payabangan nga ang laro kaya naman nagkakaroon ng mga stratehiya at teamwork upang mapaunlad ang husay sa laro. Tandang tanda ko pa kung paano namin nautakan ng pinsan ko yung kalaro naming taya noon.

Isang maalinsangang hapon ng sabado, walang pasok kaya syempre marami kaming naglalaro. Nagkumpulan kami sa bakuran at napagpasiyahang maglaro ng boombase. Masaya ang lahat. Tawanan dito, takbuhan doon. May asaran pero walang pikon. Sa mga unang round ay steady lang ang laro. Hanggang sa nakuha na namin yung “feel” at napressure na din. Siguro pang-limang round na namin yun nung naisipan namin ng pinsan kong magkubli sa banyo na nasa bakuran.

Imagine mo na lang, yung mga klase ng palikuran na napapanood mo sa mga Filipino movies sa MMFF, lalo na pag Indie o Action. Typical probinsiyano toilet. Masikip, sira-sirang bubong, walang faucet, isang balde na puno ng papel (alam mo na?), at di nabubuhusang toilet bowl. Medyo matagal na din kaming nakatago doon, napansin ng pinsan ko na may gumagalaw daw sa bowl. Nilapitan niya ito habang ako ay nakamasid sa labas. Nakarinig ako ng buntong-hininga na may halong pigil na hagikgik. Tinapik-tapik niya ako. Sabi niya may daga raw sa bowl, malaki at maitim. Nabigla ako at nanlisik ang mga mata. Takot na takot talaga ako sa mga daga noon. Ang unang pumasok sa isip ko ay tumakbo na lang palabas. Pero bago pa ako makakilos, tinulak na niya ako papalapit sa bowl. Nagtapang-tapangan na ako at sinilip ang laman.

Sa una ay nahirapan akong intindihin kung ano nga ang nakita ko. Parang hindi siya daga. Bumubula naman pero diretso at parang malambot. Hinayupak. Bumulaga sa akin ang isang napakaitim na dambuhalang (pasintabi na lang), tae. Maitim at dambuhalang tae – ang daga na nakita ng pinsan ko. Di ko alam kung maiinis ako o makakahinga na lang kasi wala namang daga. Pero ayokong huminga dahil sa sobrang baho ng banyong ito. Ano naman kaya nakain ng taong nagpakawala ng dambuhalang tae na ito. Anyway, nawala din kaba at napalitan ng katatawanan.

Halos namumula na pinsan ko sa pagpipigil ng tawa niya. Nakikitawa na rin ako dahil naiimagine ko ang hitsura ng mga kalaro naming pagpapakitaan namin nung daga. Pero syempre dahil nga competitive kami, kailangan muna naming manalo sa laro. Tila subconscious na naghanap kami ng resource sa banyo. At sa sulok tila may kumislap na item. Dalawang maliit na sako. Biglang may umilaw na imaginary bumbilya sa tabi ng ulo namin. Ting! Isinuot namin yung sako, pababa. Natatakpan dapat yung mukha namin para hindi matukoy kung sino ang nasa sako. May problema nga lang. Kita ang shorts namin at panigurado kabisado na nilang lahat kung ano suot namin. Nakakataranta dahil isa-isa nang nahuhuli mga kasama namin. Naririnig namin silang pinepressure yung taya habang chinecheer kami. Aatake na sana ako. Sabi ko sa sarili ko, bahala na, suicide attack na to. Pero biglang naghubad ng shorts pinsan ko.

“Dalian mo, palit tayo ng shorts.”

Tama siya! Kung nasabi niya ang maling pangalan, hindi counted. Nagpalit kammi ng shorts. May isa pang problema, walang butas yung sako sa bandang mata namin. Pero bahala na, dedepende na lang kami sa nakikita naming lupa sa baba tsaka mga hiyawan ng friends. At yun nga, sinunggaban na namin ang big moment. Una akong lumabas, pakita lang.

Narinig namin yung tawanan na may kasamang palakpakan. Tuwang tuwa ako sa oras na iyon. Epektib nga, pangalan ng pinsan ko ang nasabi. Kaya sumugod na ako. Dire-diretso. Parang slow motion ang dating na may pagtalon talon na tila ayaw kong umapak sa lupa. Sigawan. Mali pa rin yung pangalan na nababanggit. Nagrereklamo ang taya kung bakit di ako tumitigil. Nakakapressure. Tinuloy-tuloy ko hanggang nasipa ko yung hinayupak na base.

Nagbunyi ang lahat! At lumabas na din ang pinsan kong halos nakadapa na sa lupa at di mapigil ang tawa. Literal na ROFL. Yun na nga. Nanalo kami dahil sa instant spark of bizarre brilliance. At sa wakas, naipakita din namin yung dambuhalang daga sa mga kalaro namin na bwisit na bwisit pero tawang tawa naman na may halong tulakan at murahan.he                                                                              Tumbang Preso (No ad intended)

download

       Luksong Tinik

Kay sarap talagang gunitain ang nakaraan. Noon, kahit anong init ng paligid o lakas ng ulan, nagagawa naming magtakbuhan sa lilim ng mangga, umakyat sa bayabas, o magtampisaw sa ilog. Noon, hindi basehan ng pagiging cool o astig ang brand new cellphone o PSP, dahil sa mga simpleng laruan lang gaya ng trumpo, teks, holen, lastiko, at sasakyang pandigma na inukit mula sa sanga ng niyog, cool na ang mga bata. Sa pakiramdam ko, sobra akong nabiyayaan ng pagkakataon na maranasan ang mga ito.

‘Di bale nang madumihan kami sa kakalaro ng tumbang preso o kahit mabalian ng buto sa luksong baka, natuto naman kami sa tunay na kasiyahang nananalaytay sa kulturang Pilipino. Ang mga alaalang ito ng aming paglalaro ay hindi matutumbasan ng kahit anong level sa COC o DotA na mayroon ang mga kabataan ngayon. Sana’y muli nating buhayin, hindi lang ang Boombase, kundi lahat ng larong kalye natin, upang hindi sila tuluyang maglaho bilang alaala na lang…

About DanteColoma

I love writing. It became a hobby eversince I am in grade school. I always tend to combine philosophy and humor in my works.