Mga Halamang Gamot (Part 2)

 

herbsNagpapasalamat po ako sa mga nagbasa ng nauna kong blog tungkol sa mga halamang gamot. Naging inspirasyon ko po kayo, kaya heto po at ibabahagi kong naman ang iba pang mga halamang gamot na napatunayan kong mabisa. Maganda po kasi ang halamang gamot dahil ito ay natural, at makaaasa po kayo na wala itong side-effects. Hindi rin po ito magastos.

Nais ko lamang pong sabihin sa inyo na “ Prevention is better than Cure” o ang pag-iwas ay mas mabuti kaysa sa panggagamot. Kailangan po na huwag nating abusuhin ang ating katawan at huwag po nating gawin ang mga bagay na magiging sanhi ng pagkakasakit.

Gusto ko rin pong bigyang-pansin na sana, bago po tayo sumubok ng mga halamang gamot ay dapat sigurado tayo kung ano ang ating sakit. Halimbawa po, laging sumasakit ang ating ulo; dapat pong alam natin kung ano ang dahilan niyon. Ito po ay upang makaiwas tayo sa mga malalang karamdaman. Mahalaga pa rin po na matingnan ng Doktor.

Umpisahan na po natin

Kinchay o parsley, carrots at celery– Kung mayroon po kayong blender ay gawin itong juice; mabisa po ito sa bato sa bato o kidney stones. Subok po iyan. Sa kasalukuyan, kapag may Kidney stone kayo, maaari kayong magpaopera, laser at iba pang procedure na magastos.  Subukan ninyo po iyan at uminom na rin kayo ng maraming tubig at huwag magkakain ng maaalat.

Hilaw na repolyo, carrots at pipino– Kainin lamang po ang mga iyan nang hilaw; mabuti po iyan sa pinahihirapan ng hyperacidity o kung kayo ay may ulcer sa tiyan. Kasi alkaline po ang mga iyan at nainu-neutralize ang acid sa ating tiyan.  Babala: kapag may goiter huwag pong kumain ng repolyo.

Dahon ng bayabas– Maganda po ang dahon ng bayabas na panlanggas ng sugat dahil ito po ay antiseptic. Ilaga lamang po iyan. Naalala ko po na iyong bagong panganak, ipinanghuhugas nila iyan sa kanilang puwerta para hindi maimpeksiyon ang sugat o ang episiotomy. Maaari rin pong gamitin iyan sa mga sugat sa ating balat.

Puwede rin pong ipangmumog ang pinaglagaan ng dahon ng bayabas kung kayo ay may tonsillitis o masakit na lalamunan. Puwede rin kung may mga singaw sa inyong bibig.

Akapulko o pakayungkong– Gamot po iyan sa sakit sa balat gaya ng buni, an-an at iba pang sakit sa balat na sanhi ng fungus. Dikdikin po ang mga dahon niyan sa almires; wala po halos katas iyan kaya patakan po ng mga tatlong patak o droplets ng malinis na tubig. Iyong katas po ang ipahid ninyo sa inyong sakit sa balat.

Para sa rayuma– Ang totoo po ang rayuma ay dala na rin ng pagtanda. Ganito po, kung kayo ay may rayuma, huwag muna po kayong kumain ng mga may uric acid gaya ng mga buto o beans. Tapos huwag na rin po muna kayong kumain ng matatabang pagkain. Huwag ninyo pong pabayaan na malamigan kayo. Ang pansamantalang relief na masasabi ko po sa inyo ay ganito. Iyong langis ng niyog, ipainit ninyo iyan tapos lagyan ng bawang, luya at siling labuyo. Lutuin itong mabuti.  Palamigin po at ilagay sa isang botelya. Iyan po ang gawin ninyong pampahid sa bahagi na masasakit gaya ng kasu-kasuan o sa mga kalamnan. Epektibo po iyan, ginagamit po iyan ng lolo ko at nakabubuti po sa kaniya.

Anemia– Kung kayo po ay namumutla at nanghihina, baka kayo ay anemic na. Simple lamang po ang gamot diyan. Kumain po kayo ng maraming “madahong berdeng gulay” gaya ng malunggay, talbos ng kamote at dahon ng ampalaya.

Malunggay– Gamot din ang malunggay sa sugat.  Dikdikin ang dahon niyon at itapal sa sugat. Gamot din po ang katas ng puno ng malunggay sa dysmenorrhea o masakit na pagreregla.

Balat ng saging– Maganda po ang dahon ng saging sa mga kagat ng insekto.  Ipahid lamang po sa bahaging nakagat at gagaling na po iyon.

Para sa bulate sa tiyan, gaya ng tiwa– Kumain kayo ng pinya bago kumain ng kanin.

Hanggang dito na lamang po muna.  Sa uulitin po!  ^_^

Tandaan lamang po na mahalaga pa rin ang pagpapatingin sa doctor, lalo na kung severe ang inyong nararamdaman.  Lagi rin pong isaisip na ingatan ang ating kalusugan. Dahil ang malusog na pangangatawan ay maituturing na kayamanan.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!