Merry Christmas, Ma

“Uggggh…masakit, masakit talaga..Diyos ko, kaawaan mo ako, hanggang kailan pa ang mga daing kong ito, huhuhu…”

Nalusaw na uli ang bisa ng tramadol sa kanyang katawan, apat na oras mula nung nasaksakan siya ng pampakalma sa kirot, ramdam ko pa rin sa ekspresyon ng kanyang mukha ang hindi maihalimbawang sakit. Wala pa siyang tulog, nag-aagaw sa halusinasyon na epekto ng gamot at pagpikit-pikit ng kanyang mata ang nangyayari sa kanya. Buong magdamag siyang nasa estado ng matinding kirot.

Mag-uumaga na ng bisperas ng Pasko, naririnig ko sa labas ang mga masasayang boses ng mga nakapagsimbang gabi, naglalakad pauwi sa kani-kanilang tahanan. Nasa tabi niya ako, pinupunasan ang mga luha ng kirot, pinapainom sa straw ng tubig kapag siya ay nauuhaw at kinukumutan kapag nalilis sa kanyang katawan ang telang panlaban sa lamig ng Disyembre.

“Ma, Christmas na, anong gusto mong ihanda natin?” wala sa hinagap kong natanong sa kanya, nakatingin siya sa bukas na bintana, papaahon ang tapon ng sikat ng araw sa silid. Tumingin siya sa akin, hinawakan niya ako sa kamay, mahinang pagpisil ng kanyang nangungulubot na kamay ang isinagot niya sa akin. Nangiti siya mula sa dami ng sakit na kanyang iniinda at nangilid uli ang mga luha niya sa mata.

Ang hirap labanan ng emosyong maluluha na rin ako sa harapan niya dahil ayaw kong ipakita sa kanya na suko na kami, na bibigay na kami, na mahina ako at ‘di ko magagampanan ang posibleng responsibilidad na iiwanan niya. Pinisil ko rin at hinawakang mahigpit ang kanyang kamay, inilapit sa aking pisngi na sa gaya ng mahigpit na yakap. Hindi ko alam kung napansin niyang nanubig ang aking mga puyat na mata na hindi ko hinayaang patuluin pa.

“Gisingin mo na ang mga kapatid mo, matulog ka muna,” masuyo niyang sinabi sa akin. “Dito muna ako, Ma,” saad ko sa kanya. Itinuro niya sa akin ang bibliya sa taas ng tokador, kinuha ko iyon at inilagay sa likod ng kanyang unan. Para siyang naginhawaan pagkatapos. Gusto niya iyong katabi niya ang bibliya, napapanatag daw ang loob niya.

“Hindi na talaga ako magtatagal, nararamdaman ko na,” nakapikit niyang sambit sa akin. Malaki na nga ang ipinayat niya mula sa singkwenta kilos hanggang natapyas sa kalahati. Lubog na ang kanyang pisngi, masakit na sa kanyang tadyang at likod ang laging nakahiga. Nakakaawa ang kanyang hitsura.

“Ma, next year maabutan mo pa ang Christmas, lalakas ka pa!” tiwala kong binanggit sa kanya.

Ano pa nga bang magagawa namin kapag pinayuhan ka na ng doktor na hindi na magagamot pa ang kanyang karamdaman kundi sumandal sa pagkakataong kanlungin ng milagro ang kanyang kalagayan. Milagro na hindi ko alam kung magkakatotoo. Milagro na siyang kinakapitan ng mga walang lakas ng loob na tanggapin ang katotohanang masaklap at masakit.

“Sige na, gisingin mo na sila, ayokong pati ikaw nagkakasakit, inaasahan ka ng mga kapatid mo,” nakapikit pa rin siya, napapangiwi sa sakit dulot ng pagkalat ng kanser sa kanyang katawan. Tumayo na ako sa aking kinauupuan, kailangan ko na nga rin silang gisingin, panibagong umaga ulit.

Nasa labas na ako ng pinto nang tinawag niya uli ako. “Nak, maghanda kayo macaroni salad mamaya kahit hindi ako makakain.” Sa bisa ng dextrose at supplement na lang siya umaasa ng sustansya.

Nangiti ako at hinalikan siya sa noo bago ako ganap na lumabas, “Merry Christmas, Ma!”

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...