May Hangganan rin pala ang Dulo

Sumulat na naman ako,
Sumulat ako dahil dito ko lang maipapakita kung gaano kita kagusto,
Sisimulan ko lang sa ganito,
Sa ganito na nanlalamig ang puso ko dahil sa nalalapit na paglisan mo,
At sana hindi sa ganito matapos.

Eto na,
Kasalukuyan akong nakatitig dito,
Sa dulo kung saan araw araw kong nais masilayan ang mga ngiti mo,
Sa dulo kung saan mo ninais umpisahan ang paglalakbay mo,
Dito kung saan mo rin tatapusin ang paghihirap mo,
At sisimulan muli sa panibago at makabagong yugto.

Hindi ko alam pero parang biglang tumigil ang orasan,
Bakit nga ba kung ano pa ang mga bagay na dapat nating kalimutan,
Ayun pa ang laging natatandaan,
Nang dumating ka sa buhay ko,
Hindi ko inasahan na magiging malaki ang parte mo sa istoryang ito,
Sinabi ko sa sarili ko na wala namang masamang umasa,
Na wala namang masamang maging masaya,
Iwan mo man bigla ang mahalaga ay nakasama,
Nakatawanan,
Nakabiruan,
Nayakap,
At ang importante sa lahat,
Ay nakilala kita.

Katapusan,
Akala ko sa exam lang may finals,
Akala ko sa prof ko lang may last meeting,
Akala ko sa korean novela lang ang may last episode,
Akala ko sa lesson lang may last chapter,
Akala ko sa kalendaryo lang may katapusan,
Tama nga siguro sila na maraming namamatay sa maling akala,
Kasi akala ko sa pag-ibig tuloy tuloy lang,
Walang hangganan.

Malapit mo nang matupad,
Ang matagal mo nang hinahangad,
Mahal lilisan ka na,
Malapit na,
Lilisan ka na,
Bakit nga ba naimbento ang salitang paglisan kung ang gusto lang naman ng tao ay puro kaligayahan?

Kaligayahan,
Ako lang yata ang masaya kasi lilisan ka na,
Kasi sa pag-alis mo ay matutupad mo na sila,
Sila na mga parangap mong matagal mong pinaghirapan,
Pinaglaanan ng oras,
Pinagpuyatan,
Pinagkagastusan,
Hiling ko lang sana ay iyong mapagtagumpayan.

Sa kabilang banda’y pumapatak na ang aking mga luha,
Kasi ikaw sa araw araw ang dahilan ko kaya ako masigla,
Wala nang kwenta ang pagtanaw ko sa dulo kapag ikaw ay nawala,
Hindi na lilingon sa kanan kapag nanggaling sa ikawalang palapag na pinagmulan,
Wala nang saysay ang pagsilip ko,
Doon,
Sa dulo,
Kung saan ko natagpuan ang kaligayahan ko.

Tatapusin ko na ulit to kasi mahaba na naman,
Ayokong hihingian mo na naman ako ng buod kasi ikaw ay nahabaan,
Tinatamad ka kasing basahin kasi ako sa ‘yo ay wala lang naman.

May hangganan rin pala ang dulo,
Akala ko kasi magtatagal to,
Itong kasiyahan ko na dulot mo,
Araw araw ikaw ang hinahanap ko,
Araw araw,
Pinapagod ko ang sarili kong mahanap ka at makita ko lang ang mga ngiti mo,
O kahit manlang anino mo.

Hindi mo man lingunin mahal,
Hindi mo man pansinin,
Ayos na ako,
Panatag na ako,
Masaya na ako.

Ngunit aalis ka na,
Iiwan mo na siya,
Kami,
Ako,
Malungkot,
Kasi susuungin ko ang panibagong yugto nang wala ka na,
Paano ko haharapin ang lahat,
Kung kulang ako kapag wala ka.

Ang punto ko rito ay hindi pagpapaalam,
Pinagiingat kita kung pasasaan ka man,
Hindi ko akalaing may hangganan rin pala maging ang kwentong to,
Kasi sa sobrang saya,
Akala ko ay walang dulo.

Mahal kita sa lahat ng paraang alam ko,
Walang dahilan ang pagmamahal na to dahil wala rin akong dahilan para tigilan to,
Napakalaking ala ala ang maiiwan mo,
Mahal ko mag ingat ka sa pag alis mo.

Sa puntong to wala na akong masabi dahil di ko akalain,
Hindi ko akalain,
Dahil bukod sa pagmamahal ko ay may hangganan pala talaga ang lahat,
Maging ito,
May hangganan din pala,
Ang pagsilay ko sa ‘yo,
May hangganan din pala,
Ang pagsilay ko sa kaligayahan ko,
Sa dulo.

About Esang

Can read your mind and your mind's mind. 1 part loves writing, 1 part enjoying music, 2 parts being straightforward and 3 parts expressing my opinions. Too many parts?
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!