MAY FOREVER!!!!!

Dahil sa hirap ng buhay sa probinsiya kung kaya’t kinailangan ng tito ko na lumuwas ng Maynila para maibigay ang buhay na ipinangako niya sa kanyang asawa. Ang buhay na nararapat at gusto niyang tamasahin ng kanyang mga pamilya!

Kahit mahirap ang malayo sa mga ito ay ginawa niya pa rin. Dahil para sa kanya walang responsableng ama at asawa ang walang kayang gawin at isakripisyo para sa kanyang pamilya.

Kahit malayo siya sa mga ito walang araw na pumalya siya sa pagpaparamdam sa asawa at mga anak niya kung gaano niya sila kamahal. Ni minsan hindi siya nagkulang sa mga ito, lalong lalo na sa kanyang asawa. Ultimo isusubo niya na lang, ipadadala niya pa sa kanila sa probinsiya. Di bale nang magutom siya, ‘wag lang ang kanyang pamilya.

Kahit pagod na sa trabaho ay sinisigurado pa rin niya na napaglalaanan niya sila ng oras dahil naniniwala ang tito ko na ang oras ang pinakamagandang bagay na maaari mong maibigay sa mga taong mahal mo. Ni kahit kailan hindi siya nagkulang bilang isang ama at lalo na bilang isang asawa.

Hanggang isang araw nabalitaan niya na lang na may iba na palang kinakalantari ang asawa niya sa probinsiya.

Nung una, hindi agad siya naniwala dahil mahal niya raw ang asawa niya at naniniwala siya na mahal din siya nito at nagtitiwala siyang hindi siya nito lolokohin. Inisip niya na gawa-gawa lang ito ng mga taong gustong sirain ang kanilang pagsasama. Ngunit nung mismong mga anak na niya ang nagsabi, nakumpirma niyang totoo nga, at ang mas masakit pa dun, buntis na ito.

Iniwan niya ang kanyang trabaho at dali-daling umuwi ng probinsiya! Akala namin sasaktan niya ito, ngunit nagulat kami nung hindi man lang siya nagalit sa tita ko. Ni hindi niya ito sinumbatan. Hindi niya ito pinagbuhatan ng kamay.

Hindi niya tinanong kung saan ba siya nagkulang, kung bakit sa kabila ng lahat ng mga ginawa niya ay nagawa pa rin siyang lokohin at ipagpalit sa iba, at dun pa sa may asawa ring tao? Hindi siya humingi ng paliwanag, at isa lang ang sinabi niya. “Mahal na mahal kita, Ma, kaya please bumalik ka na sa akin. Iwanan mo na siya at gagawin ko ang lahat para manumbalik ang nawala mong pag-ibig sa akin kung sakali man na nawala na nga ito.”

Nung narinig ko ‘yon, nagalit ako sa tito ko. Sa isip-isip ko bakit siya ang kailangan magmakaawa gayong siya na nga itong napindeho, siya na nga itong nasaktan. Oo, alam kong mahal na mahal niya ang tita ko, pero sana man lang magkaroon siya ng kaunting respeto para sa sarili niya.

Alam ninyo kung ano ‘yung mas nakakainis? ‘Yong kapag dinadala ng tita ko ‘yung lalaki niya sa bahay ng tito ko, tapos tinatrato ng tito na parang importanteng bisita ‘yong lalaking ‘yon, pinagtitimpla pa niya ng kape, pinapakain.

Hindi ko maintindihan kung bakit kahit harap-harapan na siyang binabastos ay nagagawa niya pa rin magpasensiya! Ganun niya ba talaga kamahal ang tita ko at bakit kahit niyuyurakan na nito ang pagkatao niya ay hindi niya pa rin magawang magalit dito?

Alam ko, sobra-sobra siyang nasasaktan, sampal sa pagkalalaki niya ang ginawa ng tita ko, pero tiniis niya pa rin, ‘wag lang tuluyang mawala sa kanya ang tita ko. Ayos lang sa kanya na siya ‘yong makihati kahit siya ‘yong asawa, ‘wag lang siyang iiwan. Kapit pa rin siya nang kapit kahit alam niya na wala na siyang kinakapitan. Hindi ko nga alam kung martir ba siya o manhid na lang talaga.

Pero sa kabila ng lahat, nagawa pa rin siya nitong iwan. Tuluyan nang umalis ang tita ko at sumama sa kanyang lalaki. Kahit hindi sabihin ng tito ko, nararamdaman kong sobra-sobra siyang nasasaktan. Nakita ko kung paano nagdusa ang tito ko. ‘Yung araw-araw na naririnig niya sa mga kapitbahay at kaibigan niya kung paano siya pinindeho ng asawa niya, ‘yung araw-araw na maging laman siya ng tsismis ay isa ng parusa.

Idagdag pa ang katotohanang hindi na siya mahal ng tita ko. Pero hindi naging daan ‘yon para pabayaan niya ang kanyang anim na maliliit na anak. Pinagpatuloy niya ang buhay kahit ang totoo ay gustung-gusto na niyang bumitaw dahil sa sakit na nararamdaman.

Simula noon, nagalit na siya sa tita ko dahil inuna nito ang sarili niyang kaligayahan kapalit ng pamilya niya, pero kailanman ay hindi siya tumigil na mahalin ito.

Isang araw ay nabalitaan niya na umuwi na ‘yong asawa niya dahil hindi ito tinanggap ng pamilya ng lalaki sa kadahilanang may asawa rin ito. Dumiretso ang tita ko sa bahay ng kanyang mga magulang (biyenan ng tito ko).

Alam ninyo kung ano ang ginawa ng tito ko? Sinundo niya ang tita ko at nagmakaawa ulit na umuwi na sa kanila. Kahit hindi na raw para sa kanya, kahit para sa mga anak na lang nila. Ayaw pa ngang umuwi nung tita ko nung una, siguro, dahil na rin sa tsismis, pero pinaramdam ng tito ko na hindi siya nag-iisa! Na hanggang sa mga sandaling iyon ay magkaramay pa rin sila. Na sa kabila ng lahat ay hindi pa rin nawala ang pagmamahal niya dito at handa pa rin siyang hawakan ang kamay nito.

Sabi ng tito ko, napatawad na raw niya ito bago pa ito magkamali. At kahit ano raw ang mangyari ay hindi kukupas ang pagmamahal niya sa tita ko. Hindi ito kayang sirain ng kahit na ano pa mang pagsubok! Hindi kayang burahin ng panahon. Ang tunay na pagmamahal ay marunong magpatawad at magtiwalang muli.

Kinalimutan na nila ang nakaraan at nagsimula ulit ng panibago. Sa ngayon, masaya na silang nagsasama. Tinanggap ng tito ko ang anak ng tita ko sa pagkakasala. Minahal niya ito na parang tunay niyang anak.

MAY FOREVER!!!!!!!!!

 

 

 

About Mikaylla

Hindi ako magaling magsulat pero ito ang nagpapasaya sa akin.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!