May Forever

(Photo Credit: wallpapercave.com)
(Photo Credit: wallpapercave.com)

If two people are really meant for each other, no matter how long it takes, time and distance can never be a hindrance. Sa mga taong hindi naniniwala na may forever, heto ang kwento at basahin nyo.

Higit limang taon kaming hindi nagkita. Walang communication. Pero nung marinig ko sa pinsan niya na uuwi siya at magbabakasyon dito sa Pilipinas, hindi ko alam kong ano’ng mararamdaman ko. Parang na-excite ako bigla.

Kay tagal ng panahong hinintay ko para makapag move on. Para kalimutan siya. Ngunit bakit tila yata bumabalik sa alaala ko ang masasayang sandali na magkasama kami?

Hindi ko na maalala kong gaano kasakt ang naramdaman ko nung talikuran niya ako. He was my first love. The guy that I’ve been dreaming of. Gumising ka nga, Aina! Nananaginip ka lang. Tanggapin mo na na hinding-hindi magiging kayo ni Yell. Sabi ni Shane na malapit kong kaibigan. Ang dami-daming mga magaganda at mayayamang babae ang syota niya. Masyado siyang mapresko at playboy. Ngunit kahit ano’ng sabihin ng mga kaibigan ko ay tila yata hindi tumatalab sa ‘kin. (Manhid?) Umaasa pa rin ako na magugustuhan niya.

Mula elementarya ay gustong-gusto ko na si Yell. Anak siya ng isang abogada at doctor ang ama. Ngunit dahil sa magkaibang paniniwala ay naghiwalay ang kanyang mga magulang at naiwan siya sa pangangalaga ng kanyang lola.

Simula nang maghiwalay ang kanyang mga magulang ay umiba rin ang ikot ng daigdig ni Yell. Masyado siyang naging basagulero, nagkabisyo at nagkaroon ng iba’t ibang babae. Samantalang ako naman ay isang simpleng babae na nangangarap sa kanya. Anak ng isang tricycle driver, pangatlo sa limang magkakapatid.

Ngunit isang araw ay dumating sa buhay ko ang isang bagay na hindi ko akalaing maglulugmok sa ‘kin sa sobrang pangungulila. Halos gumuho ang mundo ko nang mawala ang pinakamahalagang tao sa buhay ko. Ang una kong naging guro. Ang taong nagturo sa akin kung paano lumaban sa buhay. Ang aming ilaw ng tahanan.

Sa edad na 15 ay nasa second year high school pa lamang ako. Hindi sa pagmamayabang ay matalino naman ako at pangarap kong maging isang magaling na nurse. Ngunit sa dumating na dagok sa aking buhay ay tila yata unti-unti akong nanghinaan ng loob. Nagsipag-asawa ang dalawa kong nakatatandang kapatid at ang aming ama ay gabi- gabing lasing na tila wala nang pakialam sa amin.

Iyak ako nang iyak sapagkat pinahihinto niya ako sa pag-aaral. Pinasan ko ang responsibilidad sa dalawa kong nakababatang kapatid. Halos madurog ang puso ko habang pinagmamasdan ang dalawa kong kapatid na iyak nang iyak sa sobrang gutom. Ginawa ko ang lahat para mapakain sila. Naglalaba ako sa mga kapitbahay namin nang walang bayad kapalit ng pagpapakain sa amin ng mga kapatid ko. Lahat ng hirap ay kinaya ko alang-alang sa mga kapatid ko.

Hanggang isang araw nalaman ko sa pinsan ni Yell na naghahanap sila ng kasambahay. Malapit lang naman ang bahay nila sa amin kung kaya’t dali-dali akong pumunta at nag-apply. Dahil sa maboka ako at kilala rin sa aming lugar ay tinanggap ako ng lola niya. Tuwang-tuwa ako dahil may trabaho na ako, pag-aaralin pa ako ng lola niya at makikita ko pa siya araw araw.

Ginagawa ko lahat ng gawaing bahay at inspired na inspired sa pagtatrabaho. Parang hindi ako nakararamdam ng pagod. Dumating ang pinakahihintay kong sandali. Ang magkakilala at magkalapit ang loob namin ng ultimate crush ko. Hanggang sa niligawan niya ako. Kahit alam ko na babaero siya ay hindi ako nag-atubiling sagutin siya. Sobrang saya ko nung araw na yon. Kahit pa lahat ng mga kaibigan ko ay ayaw sa kanya, hindi ako nakinig sa kanila; sinunod ko pa rin ang gusto ko.

Kay bilis ng panahon. Hindi ko namalayan ang paglipas ng mga araw. Umabot na ng anim na buwan ang aming relasyon. May mga pagkakataon na nagkakatampuhan kami pero hindi ko na ito pinatatagal. Gumagawa agad ako ng paraan para magkabati kami. (Sa sobra palang pagmamahal hindi mo namamalayan na nagiging tanga ka na).

Sobrang mahal ko si Yell at nasabi ko sa sarili ko na hindi ko kakayaning mawala siya sa akin. Kaya kahit anong sakit na makitang may nililigawan siyang iba ay tinitiis ko na lang at inilalabas ang sama ng loob sa mga kaibigan ko. Siyempre, sesermunan na naman nila ako. Ngunit sa huli, hindi ko pa rin pala siya maiwan.

Sa paglipas ng panahon, umabot na ng taon ang aming relasyon ngunit tila yata lumalala ang situasyon. Halos araw araw nang nagdadala ng iba’t ibang babae sa bahay nila si Yell at ipinapakita pa niya talaga sa ‘kin. Sinusukat nga ba niya talaga kong gaano ko siya kamahal? O pinamumukha na niya sa ‘kin na hindi niya na talaga ako mahal?

Tinitiis ko ang lahat hanggang sa makatapos ako ng high school. After graduation saka ako naglakas loob magtanong sa kanya kung mahal ba niya talaga ako. Ngumiti lang siya at umiling.

Shocks! Sobrang sakit na tila yata dinurog nang pinong-pino ang puso ko. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Sabi pa niya sa kin “maganda ka, matalino, maraming nagkakagusto sa iyo. Unfortunately, hindi ako ‘yon. Minahal din kita ngunit hindi ang pagmamahal na inaasahan mo”.

Tumakbo na ako palayo dahil ayouko nang marinig kung ano pa ang sasabihin niya. Noong mga oras na yon, parang doon ko naramdaman ang sobrang sakit na marinig mismo sa taong mahal na mahal mo kung paano niya ipamukha sa iyo na hindi niya kaya kahit pantayan lamang ang pagmamahal na ibinigay sa kanya. (Sa wakas! Natauhan rin ako).

Hindi ko na alam ang gagawin ko noong mga oras na yon. Naisip ko na tapusin na lamang ang buhay ko dahil para yatang napaka-unfair ng mundo sa akin. Naisip ko na tila yata nasa akin na lahat ng problema sa daigdig. Ngunit nang makita ko ang dalawa kong kapatid ay naisip ko na mas kailangan nila ako. Kaya nagdesisyon akong magpakalayo-layo para hanapin ang sarili ko at para makalimutan ang alaala ng taong dumurog sa aking puso. Ang taong nagturo sa king magmahal nang higit pa sa sarili kong buhay.

At my young age, naranasan ko na halos lahat ng uri ng sakit. Kasabay ng pagpakalayo-layo ko ang pag-alis din ni Yell papuntang America. Nakahanap ako ng trabaho sa isang mall at nakapagpapadala  ng pera sa mga kapatid ko. Unti-unti kong kinalimutan si Yell at ang pait ng nakaraan. Nagkaroon din ako ng boyfriend ngunit natuto na ako. Kahit gaano pa kabait at ramdam ko na mahal na mahal ako ng bago kong kasintahan ay may mga pagkakataong bumabalik pa rin si Yell sa alaala ko. Bakit nga kaya? Pilit ko naman siyang kinakalimutan.

Ngunit sadyang mapagbiro ang tadhana. Makalipas ang limang taon ay umuwi ako ng probinsya dahil nagkasakit ang ama ko at mahinang-mahina na siya. Tatlong araw pa lamang akong nakakauwi nang magkta kami ng pinsan ni Yell at nasabi niya sa ‘kin na uuwi si Yell para magbakasyon.

Ewan ko kong bakit parang na excite ako bigla. Limang taon kaming hindi nagkita. At hindi ko maiwasang itanong sa sarili ko kung hanggang ngayon ba ay mahal ko pa rin sya?  Bakit ba hindi siya mawala sa isipan ko? Ano kaya ang meron siya at minahal ko siya nang ganito? Ako na nga kaya ang pinakatangang tao sa mundo?

Hanggang sa hindi inaasahang pagkakataon habang nasa waiting shed ako at naghihintay ng masasakyan papunta sa botika para bumili ng gamot ng tatay ko ay may humintong sasakyan sa tapat ng kinatatayuan ko. Bumukas ang bintana at nanlaki ang mga mata ko. Hindi ako nakapagsalita. Ngumiti siya sabay sabing “come in”.

Wala akong atubiling sumakay. ” Gumanda ka lalo ah,” sabi niya.

“Di naman. Ikaw nga eh. Para ka nang artista,” sagot ko. Natawa lang siya.

“May asawa ka na ba?” tanong niya.

“Ha? Wala!” gulat na gulat kong sagot. Iniliko niya ang kotse papuntang park at doon kami nagkwentuhan. Hanggang sa inihatid niya ako sa bahay. Hindi ako makapaniwala na nag-usap kami nang maayos, nagkuwentuhan, at tila yata ang laki ng ipinagbago ni Yell. Para akong nanaginip. ( at ayoko nang gumising). Muli kong naramdaman ang pagmamahal na limang taon kong pilit inilibing. Dali-dali kong tinext ang mga kaibigan ko at kinuwento ang lahat.

“Ayan ka na naman. Akala ko ba naghilom na ‘yang sugat sa puso mo? Punong-puno na ‘yan ng band aid. Kung saan scar na lang yan, kakamutin mo na naman ba ulit?” reply ni Mica.

Hindi ko alam kong paano ko pa ipaliliwanag sa kanila. Wala nga siguro akong kadala dala. Kinaumagahan ay maaga akong nagising at gulat na gulat ako nang makitang nakangiti si Yell habang nagpeprepare ng breakfast. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Bigla niya akong niyakap sabay sabi ng “I’m sorry kung hindi ko naiparamdam sa iyo noon kung gaano kita kamahal. Pinagsisisihan ko lahat ng nagawa ko sa iyong kasalanan. Takot kasi akong masaktan noon kaya hindi ako nagseryoso. Ang totoo mahal na mahal kita noon, ngunit ayokong iparamdam iyon pagkat ayokong masaktan. “

Hindi ako nakapagsalita. Pinunasan ko ang luha sa kanyang mga mata.

“Tama na, hindi mo kailangang magpaliwanag dahil minahal kita nang higit pa sa buhay ko at hindi ako humingi ng kahit anong kapalit sa iyo. Pinapatawad na kita.” Parang napakadali kong nasabi ang salitang pinapatawad na kita kahit walang kapantay na sakit ang naramdaman ko nang mga oras na talikuran niya ako.

Masayang masaya ako dahil nagkabalikan kami ni Yell at ipinaramdam niya sa ‘kin kung gaano niya ako kamahal.

“Kahit nung nasa USA ako ay lagi kitang naalala,” nakangiting sabi ni Yell.

“Ako rin. Ni minsan ay hindi ka nawaglit sa isipan ko kahit anong gawin ko para kalimutan ka. Siguro naalala mo lang ako kasi lagi kitang iniisip,” pabiro kong sagot sa kanya. Nagtawanan kami. Matapos ang bakasyon ni Yell ay bumalik siya ng USA at naiwan ako. Makalipas ang tatlong buwan ay sumunod na ako kay Yell sa USA at doon ay nagpakasal kami.

Matapos ang napakahabang panahon, sa dami ng mga bagay na nangyari sa buhay ni Yell at sa buhay ko na hindi kami magkasama, hindi ko inaakalang siya pa rin pala ang makakatuluyan ko. Hindi naman pala masama ang magmahal ka ng isang tao, ngunit kailangan mo lang magtira para sa sarili mo. Sa amin ni Yell, I’ve learned a lot. At na prove ko sa self ko na ganito pala ako magmahal. At least ngayon, alam ko na mahal na mahal na ako ni Yell. Masaya kami ngayon na namumuhay kasama ang aming munting anghel. Sana, happily ever after na to.:)

About azurelady

writing gives me happiness and fulfillment.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!