

Lahat ng tao ay maraming katanungan sa sarili na hindi minsan nabibigyan ng sagot, o kung marahil, kung mayroon mang sagot, siguro hindi pa ito ‘yung tamang panahon para masagot lahat ng katanungan na iyon.
Kagaya ko, sa dami na yata ng hindi masyadong magandang nangyayari sa akin minsan nagtatanong ako, ano bang mali? Ano bang kulang na hindi ko pa nabibigay? O di kaya, masyado ba akong naghahangad ng isang bagay na hindi ko naman kaya? Lahat naman kasi tayo gusto natin ng maayos na buhay para sa sarili natin. Iyong may magawang maganda para sa ikauunlad pa ng mga sarili natin, pero minsan dahil sa pagahahangad o mas magandang sabihin ay dahil sa pagmamdali natin minsan hindi na natin naiisip kung ano ‘yung mga dapat muna nating gawin..
Dumadating sa puntong nawawalan na tayo ng tiwala sa sarili natin dahil sa mga kabiguang natatamo na rin. Marami tayong sinisisi at minsan sumusuko na tayo dahil doon, dumadating din sa puntong kinukwestyon natin ang diyos sa mga nangyayari sa buhay natin. Akala na rin natin tayo na ang pinakamalas na taong isinilang sa mundo dahil sa mga kabiguang iyon. Pero kung sisilip lang pala tayo sa bintana ng ating buhay, masasabi mo na lang na maswerte pala ako dahil kahit na sa dinami-rami na ngyayaring kamalasan o kamalian sa buhay mo masasabi mo pa na higit na mas masuwerte ako kaysa sa ibang tao.
Bakit?
Kasi simula pa lang na magising tayo sa umaga ay nakatanggap na tayo agad ng unang blessing. Ang magising tayo; hindi ba’t biyaya nang matatawag yun?! Dahil hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataon na magising sa umaga at ipagpatuloy ang mga bagay na hindi mo natapos sa nagdaang araw. Isang pagkakataon para itama ang mga kamailan ng kahapon. Pagkakataon para makahingi ng tawad sa mga taong nasaktan natin. Pagkakataon para abutin muli ang mga pangarap na nasimulan na. Sabi ko nga hindi, hindi lahat nabibigyan ng ganyang pagkakataon sa buhay. Maraming nakaratay dahil sa mga sakit na pilit nilang nilalabanan, hindi nila alam kung bukas gigising pa silang muli. Walang kasiguraduhan sa kanila ang lahat kung makakaligtas pa ba sila o hindi na.
Madalas din tayong magreklamo sa ibang mga bagay. Katulad ng hindi pagkakaroon ng mga mamahaling gamit, ang akala ng iba sila na ang pinakamahirap dahil hindi sila sunod sa kung ano ang uso. Pero kung lilibot ka sa iba at titingin sa kapaligiran, makikita mong mas marami ang kulang ang kinakain sa hapag kainan. Maraming hindi nakakapag-aral ng dahil sa kahirapan, ang iba walang tirahang matutuluyan. Hindi ko sinasabing masama ang maghangad ng mga bagay na luho lang naman ang dahilan o para makasunod sa uso. Walang masama roon, pero hindi rin naman malaking kawalan sa atin kung wala tayong ganun. Maraming pangit na mukha ang buhay pero kung titignan lang natin ang parte na iyon, hindi natin makikita ang magagandang parte ng buhay natin. Yung parte na hindi kailangan ng mamahaling gamit para mabuhay, o hindi kailangan magmadali para makasabay sa iba. Lahat ng nangyayari ay may katapat na tamang dahilan kung bakit nararanasan natin. Lahat ng padlock na ginagawa ay may nakalaan na tamang susi para dito. Lahat ng problema na nararanasan natin, may nakalaan na tamang solusyon. Hindi naman tayo bibigyan ng pagsubok na hindi natin makakaya. Lahat ng tanong may karampatang sagot. Kung hindi man nabibigay ngayon, marahil may tamang panahon para makuha ang mga sagot na iyon. Ang buhay ay hindi lang naayon sa swerte at malas. Dahil tayo mismo ang gumagawa n gating kapalaran.
Hindi rin dapat hinahanap ang kung ano ang wala, dapat lang nating i-appreciate ang kung ano ang meron tayo at pahalagaan ito ng tama. Maswerte tayo kumpara sa iba kong nabanggit, hindi lang nating marahil nakikita iyon kasi tinitignan natin ang kung ano ang wala sa atin.
Pamilya ang siyang una nating puwedeng takbuhan sa oras na tayo ay mangailangan, sila rin ang tatanggap sa lahat ng kabiguang natatamasa natin. Sila ang gagabay, poproteksyon at aalalay sa oras na na kailangan natin ng masasandalan. Ang mga taong nakakalimutan natin ng dahil lamang sa problema na sinosolo na rin antin. Hindi na natin nakikita na nandyan lang sila at hinihintay tayong bumalik muli sa kanila. Ang mga kaibigan na kasama sa lungkot at ligaya at kung minsan ay saksi sa tagumpay na nakukuha natin. Tulad ng pamilya kung minsan nakakalimutan din natin sila. Naiisantabi dahil sa makasarili nating ugali. Masuwerte tayo dahil mayroon pa tayong nakakasama na katulad nila, higit sa mamahaling bagay ang halaga nila. Kung papahalagahan lang natin sana ang ganitong mga bagay sa buhay natin, hindi na natin maiisip na may kulang o may nawawala. Maswerte tayo hindi lang natin alam.

- Balikbayan Box - June 16, 2013
- ‘Tay, Bakla po Ako! - March 9, 2013
- Masuwerte Ako, Ikaw at Siya - February 28, 2013
- Pinoy kasi - December 31, 2012
- Third Sex - December 29, 2012
- Lapis - December 26, 2012
- Resume - December 22, 2012