Mapagsamantala (Ito Ang Aking Kuwento)

photo credit: www.greataupair.com
photo credit: www.greataupair.com
photo credit: www.greataupair.com

Wala na palang sasakit pa lalo na kung ang nanloko sa iyo ay walang iba kundi ang iyong kadugo. Ang tao na pinagkatiwalaan, minahal at ang akala mong nagmamalasakit sa iyo. Ako po si Loida at ito ang aking kuwento.

Labing isang taon pa lamang kaming nagsasama ng aking asawang si Lando ay nawalay na siya sa akin. Namatay siya sa atake sa puso habang nasa kainitan kami ng pagliliyag sa kama. Isa lamang ang naging bunga ng aming pagmamahalan, si Jasper na noon ay sampung taong gulang; nang mamatay ang kaniyang ama.

Akala ko kahit paano ay makakukuha kami ng pension sa SSS, pero nabigo ako. Hindi pala binayaran ng agency ni Lando ang kaniyang monthly contribution sa SSS. Noong panahon na iyon ay nananahi naman ako sa isang garment factory sa Bulacan, gamit ang Hi -Speed sewing machine. Mga export quality ang tinatahi namin.

Nagkasunod-sunod ang hirap namin, medyo kinapos ang ambagan kaya kami ay nagkautang pa sa punerarya. Mabuti na lamang at tinulungan kami ng aming mayor. Nagsara din ang aking pinagtatrabahuhan sa hindi malamang dahilan. Naiwan kami ng aking anak na hindi alam ang gagawin.

Gusto kong paghandaan ang bukas ni Jasper kaya nagpasya akong mangibang-bansa bilang Domestic Helper. Pinoproblema ko noon kung saan ihahabilin ang aking anak. Ayaw ko sana siyang dalhin sa mga biyenan ko, kasi naman ay hindi naging maganda ang relasyon ko sa kanila. Sinisisi kasi nila ako sa pagkamatay ng aking asawa.

Mabuti na lamang na nag-boluntaryo ang Ate Nita ko na siya munang titingin sa aking anak. May asawa na rin si Ate Nita, kabo ng Jueteng ang kaniyang asawa. Apat ang kaniyang anak at first year College na ang panganay.

Natuwa ako, mas kampante ako na iwan ang aking anak sa mismong kadugo ko. Umalis ako na napakabigat ng kalooban. Abot-abot pa ang bilin ko sa aking anak na magpapakabait.

Nagsimula akong manilbihan sa Lebanon, nasuwertehan ko na mabait ang amo ko; isang matandang babaeng Briton. Mabait siya sa akin at wala talaga akong problema. Tiniis ko ang homesickness. Balak ko kasi na kapag nakaipon ay magpapagawa ako ng maliit na patahian. Marami na kasing nagtitiwala sa akin;puwede akong tumanggap ng tahiin.

Salary deduction ako kaya sa mga naunang buwan ay tipid na tipid ako sa aking sarili para lamang maraming maipadala sa Pilipinas. Lagi akong tumatawag kay Ate, lagi niyang sinasabi na ayos lamang ang aking anak. Humihiling na rin siya sa akin ng mga bagay na pilit ko namang ibinibigay dahil nanunuyo na rin ako sa kaniya. Kapag nagpadala ako ng balikbayan box ay marami akong ibinibigay sa mga pamangkin ko.

Isa lamang ang aking pinagtatakhan, kapag kinakausap ko ang aking anak ay tila ba may gusto itong sabihin na hindi masabi.

Lumipas ang isang taon. Minsan ay tumawag si Ate.

“Langga(iyon ang tawag niya sa akin) Nahihiya sa iyo si Jasper, pero nagpapabili sana siya ng lap top. Kailangan daw sa mga project”.

“Ah ganoon ba, Ate, sige sabihin mo sa kaniya na huwag mag-alala at pag-iipunan ko,” sagot ko naman.

Malakas na ang loob ko dahil hindi na ako kinakaltasan sa suweldo, halos isang taon ko ring hinulugan ang placement fee ko. Nakabili ako ng laptop, subalit ewan ko ba, parang may pumipigil sa akin na ipadala iyon.

Gayunpaman ay tapat ako sa buwan-buwang pagpapadala nang walang palya. Nagtataka nga ako, laging sinasabi ni Ate na kinukulang sila, kaya nangungutang pa ako sa aking mga kaibigang Pinay dito. Minsan ay napayuhan ako ng isa kong kaibigan; admin siya ng isang page sa fb.

“ Bakit laging nangangailangan ng pera ang Ate mo, eh public naman ang pinag-aaralan ng iyong anak? Baka naman ikaw na ang bread winner ng pamilya ng ate mo,” sabi ng aking kaibigan. Parang pabiro iyon, pero napaisip ako.

Naipa-enroll na raw ang aking anak sa grade six. Inalam ko kung sino ang kaniyang guro. Miss Sanchez daw ang pangalan nito.

Nagsaliksik ako at ang adviser pala ng aking anak ay anak ng dati kong kaklase sa elementary. Una kasi itong nag-asawa kaya nagkaanak na pala ng Titser.

Minsan, habang nag fe-Facebook ako ay nag-appear sa screen ang picture ni Cecille Sanchez. Inisip ko na baka siya ang guro ng anak ko dahil may mga mutual friends kami. In-add ko siya at tinanggap naman niya. Nag-message ako sa kaniya at nagpakilala.

“Ma’am, ako po si Loida, Kayo po ba yung teacher ng aking anak na si Jasper?”

Sumagot siya “Kayo po pala, Auntie, opo, ako nga po.”

“Ay nakatutuwa naman, alam mo, anak ka pala ng dati kong classmate, paki-regards mo na lang ako sa Nanay mo,” hirit ko pa.

“Opo, makararating po,” sagot naman nito.

Sa isip-isip ko, ang suwerte ng anak ko, parang napakabait ng Teacher niya.

Pinilit ko na mapalapit sa teacher ng aking anak sa pamamagitan ng chat. Salamat at hindi ko pa naipapadala ang laptop at may nagagamit pa ako.

Noong minsan ay kinumusta ko ang aking anak.

“Ma’am, puwede po bang kumustahin ang aking anak?”

Medyo matagal bago siya nag-reply.

”Auntie, may sasabihin po sana ako sa inyo, pero baka makasama sa inyo.”

“Naku! Maam, huwag ninyo akong intindihin kaya ko po ang aking sarili. Sige lang po, sabihin n’yo lang po kung ano ang performance ng aking anak.

Para akong sinaksak sa mga nalaman ko kay Miss Sanchez.

Noong nakaraang taon pala ay napakababa ng grades ng aking anak . Ang remarks ng kaniyang dating adviser ay parating late, absent o dili kaya ay walang project. Kahit daw sa kaniya ay parati pa rin itong nahuhuli sa klase. Hindi raw ito pinasali sa Boy Scout dahil wala raw pambili ng uniform at registration.

Nasaktan ako, bakit? Lagi naman akong nagpapadala ng pera kay Ate. Akala ko ba ay ok ang lahat?

Nasaktan ako at naramdaman ko na napapabayaan ang aking anak. Kinausap kong mabuti si Miss Sanchez na kung maaari ay kausapin si Jasper para malaman ang problema ng aking anak. Sinabi ko lamang sa guro niya na ipaglilihim ko ang aming pinag-uusapan.

Tama ang aking hinala. Inamin ni Jasper na kaya pala lagi siyang late dahil naging parang utusan ito ni Ate. Pinaglalako raw siya ng puto sa umaga kaya pala nahuhuli sa eskwela.  Hindi raw puwedeng umuwi kapag hindi naubos ang paninda.

Kaya daw hindi nakapapasok minsan ay dahil inuutusan na pumutol ng kawayan, project daw ng pamangkin kong nasa kolehiyo. At ang laptop daw na hinihingi ay para rin sa pamangkin ko.

Parang masisiraan ako ng bait. Bakit nagkaganoon? Tinitiis ko ang pangungulila ko sa aking anak para bigyan siya ng magandang bukas. Iyon pala naman ay binubuhay ko ang ibang pamilya; pamilya ni Ate.

Hindi ko malaman ang aking gagawin. Sobra ang pananalangin ko. Hindi ko kinumpronta si Ate dahil baka kung ano ang gawin sa aking anak at baka awayin pa ang guro ni Jasper.

Hanggang sa naisip ko ang aking biyenan. Noon din ay nag-long distance call ako at kinausap ang aking biyenan. Nakiusap ako na kuhanin si Jasper.

Salamat naman at iyon lamang pala ang hinihintay ng aking biyenan. Doon ko rin nalaman na hindi naman pala nila ako sinisisi sa pagkamatay ni Lando; nasaktan lang daw sila. Pero, parang buhay na rin daw si Lando sa katauhan ni Jasper. Masaya daw sila na sila na ang kukupkop sa kanilang apo.

Ayaw pang ibigay ni Ate ang aking anak. Nagagalit ito, subalit tinawagan ko siya at sinabi kong ibigay na si Jasper sa biyenan ko. Bakit daw may plano na pala ako ay hindi ko pa sinasabi sa kaniya? Bakit ko raw aalisin ang bata sa kaniya? Hindi ko lang masabi na buking ko na ang mga ginagawa nila.

Nang nasa poder na ng mga biyenan ko ang aking anak ay saka pa lamang niya nai-open sa akin ang pinagdaanan sa mahigit isang taon sa piling ni Ate at ng mga pinsan niya. Napakasakit noon sa akin. Ako na nagtitiis ay nagawa pang pagsamantalahan. Minsan daw ay sinasaktan pa ng mga pamangkin ko ang anak ko.

Ayos lang naman sa akin na kahit paano ay kumuha si Ate sa padala ko, pero sana naman ay ibinigay niya ang pangangailangan ni Jasper. Hindi iyong sila ang nagpasasa.

Mag-aanim na taon na ako ngayon dito sa Lebanon, sa dating amo pa rin. Minsan nga ay binibiro ako ng amo ko na isama na lamang sa England kapag nag- for -good na siya. Fourth year High School na rin si Jasper at marami-rami na rin akong naiipon. Minahal ng aking biyenan si Jasper at nagkaroon siya ng parang pangalawang ama sa katauhan ng lolo niya. Lumaking responsable, magalang at napakabait ng aking anak.

Si Ate, galit pa rin sa akin. Walastik ano? Siya pa ang galit; wala kasi siyang ideya na alam ko na ang pinaggagawa niya sa anak ko. Pinatawad ko na rin siya, bagama;t hindi na ako nagtitiwala. Isa kasi siyang mapagsamantala.

Mabuti na lamang at may nagmalasakit, salamat kay Miss Sanchez na nagsabi sa akin ng totoo at salamat na rin sa mga biyenan ko.

Sa aking mga kababayan, sana po ay makita ninyo kaagad ang mapagsamantala para hindi kayo patuloy na maloko. Trust your instinct.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.