Mangingisda

(Photo credit: Flickriver)
(Photo credit:  Flickriver)
(Photo credit: Flickriver)

Magsasalubong na ang araw at gabi, hudyat na isang araw na naman ang patapos, isang araw na naman ang nasaksihan ng mga tao.

Makabuluhan man o hindi ang pangyayari, wala tayong magagawa kundi ang salubungin ang susunod na kabanata kinabukasan.

Kanya-kanyang istorya ang nasimulan,
kanya-kanyang istorya ang nagwakas.
Pagsapit ng gabi’y umaasang pagkabukas ay maaaring maipagpatuloy ang buhay.

Kung kailan ang lahat ay tulog,
kung kailan ang lahat ay tahimik,
kung kailan ang lahat ay nagpapahinga sa kanilang mga higaan.
Kung kailan si haring Araw ay wala at tuluyan nang inagawan at tinabunan ng gabi ang sinag, saka naman ako at ang aking mga kasamahan ay kumakayod at naghahanap buhay.

Sinisimulan ang lahat sa pagkarga ng kinakailangang dalhin:
ice bucket, lambat, lampara at mga kasama [depende sa laki ng bangka ang pinagkakasyang ice bucket at mga kasamahan].
Sisimulan na namin ang paglisan papuntang dagat.

Madilim, nakatatakot, mahihina at malalakas na alon ang aming nakasasalubong.
Papalayo na kami, at unti-unting lumiliit ang mga naglalakihang ilaw at bahay sa aming bayan, hudyat na kung gaano kalalim ang nasa aming paanan.

Sa lawak ng dagat,
sinong may alam kung ano ang aming makukuha?
Sinong may alam kung makababalik pa kami?
Maituturing na buwis buhay at sugal ang aming trabaho.

Sugal nga.  Paano kung aabutan kami ng panahon na ipagdadamot ni kaibigang dagat ang kanyang kayamanan?
Ano’ng maiuuwi namin? Tangkeng ubos na ang gasolina? Walang lamang ice bucket? at minsan ay nagkasira sira pa ang lambat?
At mga katawang pinagdamutan ng init ng araw? at katawang walang paglagyan dahil sa sobrang ginaw?

Ilang oras din kaming nakatunganga sa dagat, minamasdan kung saan magandang lugar pagkuhanan ng isda.

“Dito, dito” may sumigaw.  Ako at ang aking kasamahan ay pumunta sa kinaroroonan ng isa pa naming kasamahan.
Tapon ng lambat dito, tapon ng lambat doon. May sisisid para iayos ang lambat.

Hindi na alintana ang ginaw, hindi na alintana ang panganib, isdang nagsama-sama, hahakwatin na parang kami ay nag-iigib.

Isa, dalawa, tatlo; tatlo sa apat na ice bucket ang puno.
Hindi na masama?   Siguro nga, buti na kaysa sa wala.

Ilang oras ang nagdaan at kanya-kanya nang pag-uwi ang ibang grupo, kaya pala ay dahil paparating na si Haring Araw.
Kailangang magmadali, bakit kamo?   Magmumura ang isda pag  naabutan ka ng alas 6:30 o alas 7:00 ng umaga.
Marami din kasi kami, kanya-kanyang diskarte kung paano mabebenta ang aming mga huli.

Habang sa kasagsagan ng pagbebenta, isang grupo ang nangungulila, naghihinagpis.
Nawala ang isa nilang kasamahan. Sinong may alam kung ano ang nangyari?  Wala.   At ipinauubaya na lang namin sa dasal.

Nakalulungkot, pero ito ang aming hanapbuhay, kadakilaan kung maituturing ng iba, ngunit balewala sa mata nila.

Isdang aming pinagbubuwisan,
ng aming buhay gabi-gabi,
biyayang aming hinuli
ay itinatapon lang sa tabi-tabi.

About animelover_manga

just a nobody, wanted to be somebody. through my writing and imagination. visit my poem site.. http://levikarl.blogspot.com/