Makikita mo rin…

Minsan mapapaisip ka, “Asan na nga ba sila?”.

Karaniwan ay ‘yan ang tanong sa akin ng mga taong lumalapit sa akin para humingi ng payo o maglabas lang ng sama ng loob ke ka-close ko o hindi, personal na kakilala o hindi, dahil pakiramdam daw nila ay makakatulong ako sa kanila o ako ang tamang tao para kausapin nila. Isa na rin sa advantage ng pagiging bipolar ko ay kaya ko nang magpalit-palit ng kahit ilan pang emosyon at hindi ko na-aabsorb ang problema ng iba.

Sabi ko nga sa kanila, tanong ko din iyan sa sarili ko. Iyong iba alam ko ang sagot kung bakit nawala sila. Iyong mga taong nilayuan na ako dahil wala na akong pakinabang o wala pala akong magiging pakinabang sa kanila. At iyong iba naman, lumayo na sa akin dahil nasaktan ko sila nang hindi sadya at naidamay sa mga problema ko sa buhay at iyon ay maluwag kong tinatanggap at nirerespeto ang nagging desisyon nila at patuloy na ginagawan ng paraan na muli, kami ay magkakaayos pa at nasa puso ko pa rin ang mga pinagsamahan naming.

Sa pagbibigay din kasi ng payo, minsan, iyong humihingi ng payo ay hindi nagkukuwento nang buo o nagsasabi ng totoo. O maaaring gusto lang nilang marinig ang mga bagay na gusto nilang marinig o maaari din na matigas lang ang ulo kaya kahit hindi naman nila talaga kailangan ng payo ay nagpupumilit pa rin.

Mahalaga ang maging laging totoo sa sarili at sa kapwa. Isipin mo na lang na ano pa ba ang mapapala mo kung niloloko mo na nga ang sarili mo eh idinadamay mo pa ang ibang tao. Sayang din naman ang oras at panahon na inilalaan nila sa iyo para lang makinig o magpayo sayo o magpagaan ng loob mo.

Malungkot nga lang din talaga ang katotohanan na kung wala kang silbi, bilang o pakinabang sa iba ay lalayuan ka talaga nila o sa salitang bata eh hindi ka kasali. Hindi ka kabilang. Sa mga kanta ay nasasaad iyan sa mga liriko, mapapaisp ka, matitinag ka…

Pero ano pa man, ang lahat nang pangyayari sa mga buhay natin ay magsisilbing aral o inspirasyon sa bawat panibagong araw sa mga buhay natin.

Kung hindi pa para sa atin, pasasaan ba at para sa atin na rin o baka nga mas higit pa.

Kung mali pa, saka na siguro kapag ito ay tama na.

At higit sa lahat, may dahilan ang lahat, ano man iyon, makikita mo rin…

 

About hellraiser1117

Sabi nga nila may sarili akong mundo. Malalim depende sa tumitingin pero madalas hindi nila ako masakyan o maarok. Ang katahimikan ng gabi ang pinaka gusto ko sa lahat, pakiramdam ko andoon ako sa mundo kong ako lang yata ang mayroong ganoon. Hindi naman sa lahat ng oras ay dapat bumabase ang pakiramdam at pananaw natin sa klase ng basehan ng mga tao sa paligid natin sa kung ano ang tama o kaaya-aya sa paningin nila. Dahil pag dumating na ang dilim, ikaw lang mag-isa ang andyan. Maaaring ang mga bagay na hindi mo naiintindihan pero tinatanggap mo na lang ang maging karamay mo pero tuloy-tuloy ka lang hanggang may liwanag na ulit at pag bayad na ang kuryente niyo. Malamang naputulan lang kayo. But wait, there's more! Ah oo ganyan ako, 'yung madadala ka sa lalim ko tapos biglang magiging gago. 'Yung paiyak ka na sana eh kaso naudlot pa. Kaya nga kung tawagin nila ako eh baliw, bipolar, topak, gaga o siraulo. Kahit alin doon ok lang, ganoon din naman ang tingin ko sa kanila kaya quits lang hehe! Tara! Yosi at kape muna...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!