Makabayang Kuwentong Pilosopo

Image by kriseldajocson wordpress

Kapag pilosopiya, pilosopo, pamimilosopo ang paksa na pag-uusapan, dito umuusbong ang maraming katanungan. Ang mga tanong na bakit?

Na maaring dugtungan ng ano? At paano?

Ngunit alas, ang salitang pilosopo sa mga pinoy ay matagal nang nabalahura o sinadyang ibinalahura upang mandi’y iligaw sa wastong kaalaman karunungan kamalayan ang lahing Pilipino….

Kung susuriin at babaybayin ang ang kasaysayan ng sangkatauhan lahat halos ng karununga’t kaalaman ay nag-ugat nagmula sa mga turo pangaral ng mga likas na tagapagturo o mga Pilosopo noong unang panahon, kagaya na lamang nina Socrates, Plato at Aristotle noong panahon ng mga Griyego. Sina Lao Tsu, Cofucius ng Tsina at napakarami pang iba na likas na mangangaral o kung tawagin ay mga “philosopher” o ‘natural born teachers’ .

Sa 1st World’ o mauunlad na bansa ang mga pangaral ng mga pambihirang bantayog na ito ang nagiging gabay nila sa pagbuo ng edukasyon na nagbibigay ng sapat na pundasyon at haligi upang ang mga mamayan nito ay mahubog sa mataas na antas ng karunungan kung kayat lubos na na pangangalagaan ang kapakanan interes ng bansa nito mapa-ekonomomiya o politikal man.

Isa sa mga katanungan ay ganito ?

Bakit sa kabila ng pagkakaroon natin ng maraming mga institusyon pangkarunungan o mga Unibersidad at napakarami nating matatawag na mga edukadong mamamayan ay tila patuloy na lugmok na wariy nakabaon sa kumunoy ang ekonomiya’t politikal na kalagayan ng napakayamang bansa ng Pilipinas kung likas yaman at yaman -tao din lamang ang pag-uusapan??

Ang simpleng kasagutan ay dahil nga sa matagal nang patuloy na umiiral na kakulangan at kamalian sa edukasyon o pilosopiya na itinuturo sa paghubog sa karunungan ng ating kabataan mamamayan at lahat lahat na !!!

Maaring sabihin…ikaw, (ako ‘yun) nasasabing hindi wasto’t may kakulangan ang edukasyon ng bayan natin ay dahil sa ikaw ay bulakbol at hindi nakapagtapos sa kolehiyo, na hindi isang propesyonal ay idinadahilan na lamang ang ganyan upang gawing alibi’ o paninising dahilan sa iyong personal na kabiguan sa buhay. ( LOLS)

Ngunit anupaman ang ating pananaw, tingnan at aminin natin ang patuloy na kahinaan sa kapangyarihan ng ating mga mamamayan o madlang pipol’ na patuloy mandi’y napaglalaruan naloloko’t nagogoyo lamang ng ating mga ganid sa kapangyarihan na mga beteranong Politiko na wala naman talagang ginawa kundi utuin ang marami sa ating mga kababayan.

Maski saang anggulo natin tingnan lubhang napakahalaga ng wastong kaalaman o edukasyon. ‘Yung kamalayan o ‘awareness’ na tinatawag. Kapag sablay na edukasyon ay parang ‘domino effect’ na yan, walang katapusan at patuloy na pagsablay ang kahahantungan niyan.

Tingnan natin ang patuloy na kawalan natin ng mga totoong responsable o maasahan na mga lider politiko natin.

Maski sino na lang p’wedeng mamulitika o pumasok sa politika.

Basta’t sikat, mahusay mambola, gumawa ng mga kasinungalingan at kuwentong Barberong Baliko puwede na lalo na kung mapera’t maraming koneksiyon, tuso’t mandaraya’t mandarambong… ‘yan po, mga kababayan, ang ilan lamang sa mga kuwalipikasyon sa pagpasok sa politika sa ating mahal na Bayang Magiliw .

Kung sa maunlad na bansa kaya gaya ng Taiwan, Japan o South Korea uubra ba ang mga kagaya sa mga politiko natin?…pihadong hindi! dahil ang mamamayan nila maski elementary o high school graduate lamang sa kanila ay nahubog nga sa wastong edukasyon na kung kaya’t nalalaman at nauunawaan kung sino ang mga dapat at karapatdapat makibahagi sa larangan ng politika.

Kaunting kapalpakan lang sa kanila kailangang baba ka na sa puwesto agad at napakalaking kahihiyan na sa kanila ang ganun.

Kabaliktaran sa ating mahal na bayan.

Maski isinuka na ng lipunan dahil sa pandarambong, pagnanakaw sa kaban ng bayan at sangkaterbang katiwalian patuloy pa ring tinatangkilik at nakababalik sa pamumulitika at nakikipagsabwatan alyansa pa sa mga kapwa ganid at ilang dekada nang nagsasamantala sa kahinaan ng ating mga pobreng mamamayan na karamihan nga mga kulang kulang sa kaalamang POLITICAL.

Minsan totoong masakit pakinggan at tanggapin subalit ‘yan ang realidad sa LuzViMinda nating mahal.

Pilosopiya, mga kababayan ko, ang ang malaking kakulangan sa ating Bayan.

At ano nga ba ang pilosopiya?

Bakit hindi itinuturo ito noong nasa elementarya’t high school tayo?

Ang pilosopiya ay binubuo ng dalawang sangay — Lohika at Etika.

Logic — tama o wastong pag-iisip
Ethics– wastong gawain.

Isipin na lamang kung dito nahubog ang karamihan sa ating mga Pilipino, uubra ba ang mga politikong pulpol??

At bakit kailangan naman natin ang maayos na politika na maggigiya sa ekonomiyang pambansa.

Maaari naman talaga at marami ding umuunlad na tao maski walang pakialam sa politika lalo’t mahusay ito sa pangangalaga sa pansariling interes kagaya sa mga maabilidad na mga negosyante natin. Subalit karamihan sa atin ay nahahanay sa uring manggagawa. Ngayon, ano nga ba ang saysay ng isang gobyerno o ‘kapangyarihang politikal’ kung hindi nito napapangalagaan nang husto ang kapakanan at nabibigyan ng mga oportunidad ang nakararaming mamamayan nito.

Hindi natin sinasabi na iaasa o umasa na lamang at sisihin ang gobyerno.

Ang tanong ay kung ano ang silbi kung inutil din lang ang gobyerno na siyang ‘may kapangyarihan’ na linangin ang likas yaman, yaman-tao at isaayos, magsagawa mga programang pangkabuhayan upang maiahon at tuluyang maging ganap na maunlad, may kakayahang industriyal, matatag at independiyenteng ekonomiya ang bansa.

Mayroon nga bang mga ganitong hakbang na pinapairal? na kung saan patungo ang bansa sa pagkakaroon ng sariling industriya o patuloy pa rin kagaya sa mga nakaraang dekada ng politikal-ekonomiyang pamamaraan kung saan patuloy na umaasa sa mga makinaryat kapital ng mga mauunlad at industriyalisadong bansa.

Na kung saan ang lubos na nakikinabang lamang nang husto’t nagpapayaman ay mga kapamilya’t kaalyado ng mga mapanlinlang, maDrama, mapangGoyo na mga beteranong politiko at mga kaalyado nito…at sa mga negosyanteng balimbing na natural lamang umayon parati sa indayog ng tugtog at makisama sunod sa takbo ng panahon ayon sa kulay ng politika.

At panghuli, anong saysay ng pagiging tao natin kung lilimitahan natin ang kaisipan natin?

At bilang Pilipino, bakit nga ba nagagawa, mas maunlad, mas mahusay, mapayapa at mas napapangalagaan (kapakanan/interes) ng ibang lahi ang kani-kanilang mga likas yaman maski dito na lamang sa kalakhang Asya.

“Huwag kang pilosopo !” sabi pa.

‘Ang hindi naituro sa atin, dapat pala maging pilosopo tayo.’

Pilosopiya o wastong edukasyon ang tanging daan tungo sa matuwid, masagana, maunlad at mapayapang bansa ng lupang hinirang — Ang Pilipinas.

 

About awtomatik

An ordinary OFW struggling to write trying to share the thoughts that keeps boggling the mind seeking freedom from its cage. http://pilosopongpinoy.blogspot.com/ hakaco.blogspot.com
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!