Maid Lang ang Nanay ko

mexicomyspace.ning.com
mexicomyspace.ning.com
mexicomyspace.ning.com

Pag tinatanong ako sa school nung highschool ako kung ano ang trabaho ng nanay ko ang sagot ko, Negosyante. Pero ang totoo, maid ang nanay ko sa ibang bansa at ikinakahiya ko yun. I mean, come on sa sosyal kung ito nanay ko isang katulong lang? No way! Kaya pinanindigan ko ang pagsisinungaling sa mga kaibigan ko.

“Wow, ang ganda naman ng bahay n’yo Chesca, ang yaman n’yo!” sabi ng isa kong kabarkada ng minsan dalhin ko sila sa bahay namin.

“Siyempre, businesswoman ang nanay ko” pagmamalaki kong sagot sa kanila.

Hindi nila alam, galing sa pagkuskos ng banyo lang ang perang ginamit sa pagpatayo ng bahay na ito.

Pero hindi lahat ng sekreto pwedeng itago. Later on, nalaman din ng mga friends ko na maid lang ang nanay ko kaya sila lumayo sa akin.

Kaya nagalit ako sa kanila at nagalit ako sa nanay ko. Nung mag college na ako lumipat ako sa Manila. Yung walang makakakilala sa akin, kaya nabuhay akong malayo sa pamilya ko. Pero pinapadalhan ako siyempre ng nanay ko ng pera.

“Where’s your parents, Chesca?” tanong ng mga bago kong friends.

Ang sagot ko “Patay na sila”. Totoo naman na patay na ang tatay ko. Kaya ang alam nila sa akin ay ulilang lubos na. Ayoko ngang sabihin na anak ako ng katulong, cheap nun no!

Kaya hindi ako patatalo sa kanila pagdating sa lahat ng bagay especially sa pera. Nagshoshopping kami to the max na minsan wala na akong pangkain kinabukasan.

“I want 10K right now” salubong ko sa nanay ko ng tumawag siya sa akin.

“Di ba kapapadala ko lang nung linggo sa’yo?” sabi ng nanay ko.

“Naubos na, marami kasing project sa school”.

Narinig ko nalang ang buntong-hininga niya. “Sige, titingnan ko mamaya kung makakabale sa amo ko”.

“Anong titingnan? Siguraduhin mo!” napalakas ang pagkasabi ko. Sa isip ko, kailangan kong bilhin ang nakita naming damit ni Emily sa mall nung isang araw, baka maunahan pa akong bilhin nun.

Kaya ora-orada ay natanggap ko rin ang padala ng nanay ko. Napangiti ako. Nagtext siya akin.

“Natanggap mo ba ang pera anak?”

“Oo” lang ang reply ko. Dali-dali akong pumunta sa mall at binili ang damit na iyon.

Pero isang araw, habang palabas kami ng school may lumapit sa akin.

“Chesca!”.

Agad akong natigil ng mapagsino iyon. Namutla ako at nanlamig.

“Sino siya Chesca?” tanong ni Mildred na kaibigan ko.

Tiningnan ko ang babaeng nakatayo sa harapan ko. Payat at medyo marami ng puti ang buhok na hindi manlang naayos ng mabuti. Naka blouse na kulay pula at nakapantalon ng itim.

“Hindi ko kilala” na nagpagulat sa kanya. “Tara guys” yaya ko sa mga barkada ko. Iniwan naming nakatulala ang babae, ni hindi ako lumingon sa kanya. Nagulat talaga ako bakit nandito ang nanay ko sa Pilipinas, hindi naman nagsabi na uuwi siya.

“Kamusta ka na anak? Umuwi ka na dito sa bahay, namimis ka na ng mga kapatid mo” Yes, may mga kapatid ako, kasama nila ang Lola ko sa bahay. Araw-araw ‘yun ang text sa akin ng nanay ko. Ayoko ngang umuwi, makikita ko lang siya.

“Ate, umuwi ka muna dito sa atin may nangyari kay Junjun” text ng bunso naming si Mariel. Si Junjun ay bunso kong kapatid na lalaki, tatlo lang kami at ako ang panganay.

Kaya dali-dali akong umuwi para lamang malaman na hindi naman pala totoo ang tinext ng kapatid ko.

“Kung hindi ka pa sinabihan ng kapatid mo na may nangyari kay Junjun hindi ka pa uuwi. Ano bang nangyayari sa’yong bata ka?!” sermon ng lola ko sa akin. Nakatingin lang si nanay.

“Ano namang gagawin ko dito?” pabalang kong sabi.

“Chesca!” singit ni nanay. “Wag kang sumagot-sagot ng ganyan sa lola mo”.

Inismaran ko lang si nanay. Naglagi pa ako sa bahay ng tatlong araw, ni hindi ako lumalabas ng bahay kasi baka makita lang ako ng dati kong mga friends.

Bumalik ako sa Manila na hindi man lang kami nakapag-usap ng maayos ni nanay. Hell, I care!

Minsan, tumawag si nanay.

“Nandito pa rin kayo sa Pinas? Bakit hindi pa kayo nakabalik?”

“Eh kasi anak…”

“Paano na ang tuition ko? Ilang araw na akong pulubi, bwisit!” saka binabaan ng telepono.

Lumipas ang buwan, pinagkasya ko nalang ang baon ko. Hindi na muna ako sumasama sa mga friends ko na lumabas dahil nga wala akong pera. Ang dahilan ko nalang maraming projects na kailangang tapusin.

“Oh c’mon Chesca, pwede mo namang ipagawa ‘yan sa iba at bayaran lang sila” sabi ni Mildred.

“Eh kasi.. kasi.. ano.. mas gusto kong ako ang gagawa nito” saka ngumiti lang sa kanila. Alangan namang sabihin ko na kasi hindi na bumalik ang nanay ko sa ibang bansa para maging katulong.

Hindi ko naman naitanong kung bakit hindi na bumalik si nanay sa abroad. Hayaan mo na siya.

Isang araw, tawag ng tawag ang kapatid ko na babae sa akin. Busy ako dahil mag fifinals na kaya hindi ko nasagot. Text rin siya ng text na tatawagan ko siya pero wala talaga akong time. Bakit kasi hindi nalang niya itext kung anong problema niya.

Hay salamat at tapos na rin ang finals, makakahinga na ako.

“Ches, tara mag malling tayo total tapos na yung finals natin” yaya ni Mildred.

“Ahmm.. pahinga muna ako guys. I’m so stress dahil nga katatapos lang ng exam” alibi ko pero ang totoo wala na akong pera.

Umuwi ako para lang makita na naghihintay ang kapatid ko sa boarding house.

“Ate…” umiiyak ito at agad akong niyakap.

“Oh bakit?” nag-alalang tanong ko. For the first time in my life, ngayon lang ako kinabahan ng ganito.

“Si nanay…” at umiyak.

“Bakit anong nangyari?” pinatingin ko siya sa akin.

“Ate… wala na si nanay” nagulat ako sa sinabi niyang iyon. Para akong binuhusan ng malamig na tubig at hinambalos ng matigas na kahoy.

Umuwi ako at bumulaga sa akin ang kabaong ni nanay. Hindi ko maintindihan ang naramdaman ko.

Sari-sari ang emosyon ko ng mga oras na ‘yun.

Galit sa sarili..

Pagkaawa kay nanay..

Paghihinayang…

Pagsisisi…

Pero wala na. Hindi na gumagalaw si nanay. Hindi ko na masasabi sa kanya na “Patawarin mo ako nanay”. Bakit ganun? Bakit ang sakit? Hindi ko man lang siya nasabihan na mahal ko siya, kahit minsan hindi niya iyon narinig sa akin. Hindi ko man lang siya nayakap ng mahigpit at nahagkan sa pisngi. Kahit minsan maliban nung maliit ako ay hindi ko manlang siya nakatabi sa pagtulog.

Bumalong ang luha sa mga mata ko at walang humpay na pumatak iyon. Ang sakit na nararamdaman ko ay walang katumbas.

“Nanayyyyyyyyyy!” iyak ko.

May cancer pala si nanay kaya siya umuwi, nagpagamot siya pero stage 4 na pala iyon. Ni hindi ko manlang nalaman ang ganoong bagay.

Hindi ko pa rin maubos maisip ang lahat ng nangyari. Hindi pa rin matanggap ng sistema ko ang nangyari. Naging napakadamot ko sa lahat ng bagay. Naging mapagmataas ako mapangmata sa sarili kong ina. Ikinahihiya ko ang bagay na alam kong dahilan kung bakit nabubuhay ako ngayon, kung bakit humihinga ako ngayon.

Talaga nga palang sa huli ang pagsisisi. At kahit magsisi man ako, huli na, hindi na maibabalik ang panahong pwede ko pang itama ang pagkakamaling iyon. Kung ‘di sana ay nakahingi ako ng tawad.

Isang taon nalang sana at gagraduate na ako sa college. Pero tinuloy ko pa rin. Nag working student ako at lahat ng hirap ay naranasan ko para lamang mapagtapos ko ang sarili ko. Gusto kong makapagtapos dahil kahit doon manlang maipakita ko na hindi nasayang ang paghihirap na ginawa ng nanay ko noon. At dahil gusto ko ring pag-aralin ang mga kapatid ko. Matanda na si Lola hindi na niya kayang magtrabaho. Kaya nakaatang sa akin ang responsibilidad bilang nakakatandang kapatid. Mahirap pala, at doon ka naramdaman ang hirap na naramdaman din siguro noon ni Nanay.

Kaya ngayon, malaki na ang respeto ko sa mga katulong. Mataas na ang tingin ko sa kanila dahil sila ang mga bayani ng bansa. Nagtatrabaho sila ng marangal para sa pamilya nila. Hindi natin sila dapat ikahiya at maliitin. Dapat bigyan sila ng respeto na hindi ko ibinigay sa nanay ko. At pinagsisihan ko iyon.

Hindi lang naman nasusukat ang pagkatao ng isang tao sa estado sa buhay, ang mahalaga nabubuhay tayo ng may pagmamahal sa bawat isa sa ating pamilya at kapwa. At maging aral sa buhay natin na lahat ay pantay-pantay.

 The price of discipline is always less than the pain of regret.

 

About WHITEANGEL

Isulat ang nagliliparang ideya sa loob ng munting utak ko. At gawing inspirasyon sa bawat taong nakakabasa nito. Isang Narsesa na nalihis ng landas at nagsulat dahil sa kaibigan niya ang lapis at papel. Nagsayaw sa loob ng isang titik at umindayog sa saliw ng isang tula. Isang magandang anghel na bumaba sa lupa upang ibahagi ang magandang balita(inshort BALIW lang po ako :)Beri much SINGLE pala at magiging old maid dahil babantayan ko pa ang mga baby angel na nagliliparan din sa loob ng sinusulat ko. 😀 http://wytniangel.blogspot.sg/
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!