Mahirap ang Pilipinas at ang mga Pilipino

Pagkagising sa umaga, pinoproblema ni Juan Dela Cruz kung paano palilipasin ang isa na namang araw sa kabanata ng kanyang buhay. Isama mo pa dito kung paano niya bubusugin ang kumakalam niyang sikmura.

Habang nag-iisip si Juan, wala siyang magawa kundi ang bumuntong hininga na lamang at sambiting: “Haay.. Ang hirap ng buhay..!”

Makikita natin sila sa ating kapaligiran. Mga iskwater o mga informal settlers na bigla na lamang nagsulputan na parang mga kabute at patuloy ang pagdami sa bilang. Buti pa nga yung iba, may istruktura o “bahay” na matatawag, kahit barung-barong. Basta may apat na pader kahit gawa lamang sa plywood at saka bubong. Yung iba nga, sa ilalim
ng mga tulay o kaya mga kariton, dito lamang sila nakatira at ito na ang kanilang tahanan.

Tunay namang kalunos-lunos ang kanilang mga kalagayan. Tunay na nakakaawa kung sila ay titingnan.

Nakalulungkot isipin na ang ating inang bayan, tinataguringang “Perlas ng Silangan” ay minsang naging isa sa pinakamayayamang bansa sa ating rehiyon at kontinente. Ngunit sa kasamaang palad ay tila napapagiwanan na ang ating bayan ng mga progresibong bansa sa Asya.

Bagamat nababasa at napapakinggan sa mga balita ang umano’y patuloy na pag-ganda ng takbo ng ekonomiya ng ating bansa, marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagsasabing hindi naman nila maramdaman ang epekto nito. Siguro nga dahil nariyan pa rin ang mataas na presyo ng mga bilihin, ang mataas na singil sa mga pangunahing serbisyo tulad ng kuryente, tubig, pati na ang gasolina at pamasahe. Isama mo pa ang walang kamatayang balita tungkol sa bangayan at pag-aaway ng mga namumuno sa ating bansa kung kaya’t hindi tayo tuluyang umasenso,
kaya nga masasabi na nga lang natin na ang hirap ng buhay (sa Pilipinas).

Maaaring ang iba sa inyo ay nagtatanong kung bakit ganoon na lamang ang napili kong pamagat ng sanaysay na ito.

Ang paghingi ko po ng paumanhin kung sa tingin ninyo ay masyadong judgmental o biased ang aking opinyon o palagay. Sa abot po ng makakaya ng inyong lingkod ay sinubukang maging patas o walang anumang pinapaboran o kinikilingan ang mga mababanggit. Sinusubukan din ng inyong lingkod na walang pangalanan na sinumang tao o ahensya. Hindi ko rin po nilalahat o gine-generalize, dahil sadyang hindi naman lahat, may mangilan-ilan. Ngunit aminin naman po natin sa ating mga sarili na nangyayari din naman ang mga bagay na mababanggit. Tandaan din lamang po sana na ang mga nasusulat ay base na rin sa obserbasyon at karanasan ng inyong lingkod.

Ang mga bata mula sa mga mayayaman at may kayang mga pamilya, o kahit hindi mga bata, kung makipagusap sila sa kanilang mga kasamahan, kadalasan wikang ingles ang ginagamit. Gayundin, ang mga pasosyal na mga user sa social media, hindi ba kadalasan wikang ingles ang ginagamit nila sa pakikipagusap sa ibang mga user? Hindi naman masama ang mag-aral o gumamit ng lenggwaheng ingles dahil malaki rin naman ang kapapakinabangan natin dito, ngunit bakit nga ba natin pinipilit na gumamit ng ingles sa pakikipagusap kahit na sa mga kapwa Pilipino natin sa social media? Para ba magmukhang mga edukado tayo?

Tandaan, ang lenggwahe ay isang sangkap o pamamaraan lamang upang iparating ang ating mensahe. Ang mahalaga ay ang nilalaman nito. Ingles ka nga ng ingles, wala namang katuturan ang sinasabi mo, o hindi kaya mali-mali naman ang pagbuo mo ng pangungusap. Hindi ba’t sinasabi rin na ang hindi magmahal sa sariling wika ay masahol pa sa hayop at malansang isda?

Ang mga Pilipino ay likas na matiisin at mapag-pasensya. Ika nga nila, patience is a virtue. Ang mga maimpluwensya, ang mga makapangyarihan, ang mga elite, hindi ba’t gagamitin nila ang
kanilang mga koneksyon, mga backer, mga kakilala sa mga ahensya at mga opisina ng ating pamahalaan upang mapabilis ang proseso ng kanilang mga hinihingi. Hindi na kailangang maghintay sa mahabang pila sa labas, diretso na agad sa loob. Samantalang si ordinaryong Juan Dela Cruz, nagtitiis ng init at mahabang pila sa labas. Parang sasakyan lamang ang “serbisyo”, kelangan ng “panggasolina” upang mapabilis ang hinihingi. Ayos ano? Kahit na ang pinakatuwid na mga sistema ay bumabaluktot kapag pera na ang pinaguusapan.

Ang mga kababayan natin na nais makaranas ng kaginhawaan sa buhay, tinitiis ang mapahiwalay sa pamilya upang bigyang katuparan ang mga pangarap. Nangingibang bansa sila at doon nagtatrabaho, dahil sa mas malaki ang sweldo doon ay mas mabilis din nilang matutupad ang kanilang mga pangarap. Dahil nakatamasa na ng kaginhawaan bunga ng pagtatrabaho sa ibang bayan, nabibili na ang mga gusto, nag-iiba na ang porma, nag-iiba na rin ang tabas ng dila. Kung minsan pa nga, dahil may katagalan na rin ang kanilang pamamalagi sa bansang
pinagtatrabahuhan, nag-a-apply na ng citizenship o alien residence. Dahil daw sa mas mabuti ang mga benepisyo doon, na may katotohanan din naman, pero tila kinakalimutan na at tinatalikuran ang pagiging Pilipino.

Ang mga nakagiginhawa sa buhay, dahil mas malaki ang budget nila, hindi ba’t mas nanaisin nilang bilhin ang mga branded kaysa mga gawang lokal o sariling atin? Hindi ba’t ibinabalandra pa nila ang kanilang mga damit, sapatos at bag na ang mga brand o pangalan ay yung tipong gawa ng at galing sa Europa o kaya sa Amerika? Sa mga gadget tulad ng mga cellphone at table, makakaasa siguro tayo na ang gamit nila ay yung mga may mansanas na logo o hindi kaya ay yung isang tanyag na brand na gawang Koreano. Ang mga nagtitipid o kaya kulang sa budget, ay magtitiyaga na lamang sa kung ano ang kayang bilhin, na kadalasan ay yung mga gawang lokal.

Siguro nga, pagdating sa kalidad, tibay at features, mas nakasisiguro ka sa mga mamahalin at branded. Pero matanong ko lang, hindi ba’t ang ikatatagal ng buhay ng isang kagamitan ay nakasalalay hindi lamang sa tibay ng piyesang ginamit kundi pati na rin sa pamamaraan ng paggamit? At saka, kaya rin naman makipagsabayan ng mga gawang lokal sa mga branded pag dating sa kalidad at tibay, sa mas mababang halaga, hindi ba?

Dahil na rin siguro, kapag gawang lokal ang mga kagamitan, nasa isip agad natin ay CHEAP. Ganun ba ang ating layunin sa pag dating sa mga kagamitan? Literal na nagiging accessory lamang at hindi iniisip ang functionality nito? Para ba may maipagmalaki at maipagmayabang tayo sa ating mga kakilala at mga kaibigan at sabihin na: Kaya kong bumili ng mga ganito kamahal na mga kagamitan?

Bilang isang may katagalan nang naglilingkod sa Simbahan at sa Parokyang kinabibilangan ng inyong lingkod, may ilang pagkakataon na rin po akong nakakasaksi sa mga kasalan. Kung ang isang ikakasal ay nagmula sa mayaman at prominenteng pamilya, kadalasan ang suot ng ikakasal na lalaki at ng kanyang mga abay na kalalakihan ay coat-and-tie, suit o americana. Kung galing sa hindi-kayamanang pamilya, simpleng barong tagalog ang kanilang suot. Sa mga medyo may edad ko na rin lamang nakikita ang pagsusuot ng barong tagalog sa mga okasyon tulad ng kasal, partikular sa mga ninong at ninang pati na ang mga ama ng ikakasal. Bibihira lamang at ika nga ay mabibilang sa mga daliri ang mga pagkakataon na nakakita ako ng nagsuot ng barong tagalog sa ganitong okasyon.

May ilang mga okasyon tulad ng mga kapistahan na rin pong nadaluhan ang inyong lingkod at hindi rin maiwasan na magkaroon ng ilang paghahambing. Sa kapistahan sa mga siyudad o kaya sa mga subdibisyon, kadalasan magpapa-catering services na lamang para makaiwas sa pagod. Kapag nariyan ang mga bisitang big-time, may sarili silang pwesto o table. Samantalang sa mga pa-piyesta sa mga linang, yung mga pistang bukid ika nga, boodle-fight ang set-up. May isang lamesang nilatagan ng dahon ng saging at doon nakahain ang mga ulam, kanin at mga kakanin at panghimagas at doon nagsasalu-salo ang lang ng mga nakikipista.

Eto pa, pag dating sa paglalaro. Ang mga bata mula sa mga mayayaman at can-afford na mga pamilya, ang laruan at kalaro ng mga iyan, kadalasan ay mga laptop, tablet at smartphone. Nakababad sa harap ng telebisyon o kaya ng computer at laging naka-log-in sa kanilang mga social media accounts. Dahil na nga rin siguro sa teknolohiya tulad ng libreng wi-fi, pisonet at iba pa kung kaya’t pati na rin ang ordinaryong batang juan ay may pagkakataon nang makapag-laro ng DOTA, computer games at magkaroon ng social media account. Sa aking lugar na kinatitirhan at kinalakihan, bibihira kong makita ang mga bata mula sa mga mayayamang pamilya na naglalaro sa kalsada. Ang mga nakikita kong naglalaro, kadalasan ay mula sa mga mahihirap na pamilya. Siguro nga dahil wala naman silang kaukulang budget para pambili ng mga modernong gadget.

Ang pamagat ng sanaysay ay literal at patalinghaga. Mahirap ang ating bansa. Dahil na rin sa hindi maramdamang pag-unlad, sa mataas na presyo ng bilihin at lahat na. Patalinghaga dahil sa ang ilang mga kultura o pamamaraan ng pamumuhay na nagpapakita ng ating pagka-Pilipino ay mas nakikita ng inyong lingkod sa mahihirap kaysa mga nakaluluwag sa buhay. Hindi ko naman po sinasabing hindi ka na Pilipino kung ang iyong mga gadget ay branded, kung ikaw ay nagsasalita ng ingles, kung ikaw ay nagsuot ng coat-and-tie, kaliwa’t-kanan ang social media accounts at lahat na ng mga nabanggit na halimbawa. Ang nais ko lamang po sigurong bigyan ng diin ay ang kasimplehan – sa pananalita, sa pananamit, sa kilos, sa paraan ng pamumuhay ay minsan ding naging tatak ng ating pagka-Pilipino. Ang ating mga ninuno, lolo at lola, at mga magulang, hindi ba’t naging ehemplo sila ng pagka-Pilipino dahil sa kasimplehan ng kanilang paraan ng pamumuhay noon?

Sabi nga sa isang awitin, tatanda at lilipas din ako – yan marahil ang sinasabi na sa atin ngayon ng mga nakatatanda sa atin; Tayo ang kasalukuyang henerasyon. Sa paglipas ng panahon, nagbago na ri

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!