Mahal, kumusta?

Mahal, kumusta?
Kay tagal na mula nang huli kitang nakita,
Huling nakita na nakatingin,
Nasasabik sa ngiti mong matagal ko nang hindi napapansin,
Marahil ay ilang ka,
Ilang ka magmula nung nalaman mong mahal kita,

Mahal, kumusta?

Naaalala ko pa, ‘yung piraso ng bulaklak kung paano tayo nagkakilala,
Naaalala ko pa, kung paano ka ngumingiti tuwing umiindak ka,
Naaalala ko pa, ‘yung may kulay mong buhok na bumabagay sa iyong mukha,
Naaalala ko pa, kung paano mo ko pinilit para sa litrato nating dalawa na hanggang ngayon ay nakatago pa,
Naaalala ko pa, kung gaano ako kasaya noong unang beses mong niyakap, Mahal.
Naaalala ko ang lahat.

Mahal, kumusta?

Gusto kita sa dahilang hindi ko rin alam.
Gusto kita hindi dahil gusto ko lang.
Gusto kita, sana balang araw ako naman.
Gusto kita alam kong may dahilan.
Puwede bang sabay nating malaman?

Mahal, kumusta?

Gusto kong magpasalamat.
Salamat sa hindi mo pagbabago,
Salamat dahil hindi pag iwas ang unang ginawa mo,
Salamat sa respetong binigay para sa damdamin ko, Mahal.
‘Wag mong intindihin ang sinasabi ng iba,
Ipagtatanggol kita hangga’t kaya,
Hangga’t kaya pa ng sarili kong tumindig pa,
Hangga’t kaya pa ng puso kong mahalin ka,
Nandito lang ako, Mahal.
‘Wag kang magalala.

Mahal, kumusta?

Hindi ko alam kung paano to tatapusin kasi ayokong matapos,
Pinalaya mo ang puso kong noon pa nakagapos,
Salamat sa piraso ng bulaklak kung saan kita nakilala,
Bulaklak na nagbibigay simbolo kung bakit ako maligaya.

Mahal, kumusta?

Sinulat ko ‘to para sabihin sa iyo na mag-ingat ka,
Mag-ingat ka dahil sa mahabang landas ka pa tatahak,
Malabo man ang araw mo ngayon lilinaw din ‘yan kinabukasan,
Tandaan mo na nandito lang ako sa tabi mo, Mahal.
Pilit mo mang ipagtabuyan, panghabang buhay na ngingitian ka lang,
Titindig hangga’t hindi nahihirapan,
Ngingiti hangga’t ikaw ay nandiyan lang,
Paalala lahat ay may hangganan,
Ngunit iyon ang hindi ko papayagan.

Mahal, kumusta?

Heto na tatapusin ko na,
Sa palagay ko ay sapat na ang mga paalala,
Basta sobrang ligaya kapag nakikitaka ng aking mga mata, Mahal.
Sa ‘yo patuloy ang aking suporta.
Sana sa susunod payagan mo na rin,
Payagan mo na rin na ang puso mo ay makinig,
Sa tinig kong nanlalamig na hinahanap ang iyong himig,
Minsan ay ‘di na mawari, tila ‘di sapat ang iyong mga ngiti.

Mahal, salamat.

Pinayagan mo ako,
Pinayagan mong maging kaibigan mo,
Laging asahan na nandito lang ako,
Laging sinisigaw buong pangalan mo.
Salamat sa bulaklak,
Lagi na sa puso kong nakatatak,
Gusto ko lang ipaalala na mag-ingat ka,
Kasi mahal,
Na mahal kita.

About Esang

Can read your mind and your mind's mind. 1 part loves writing, 1 part enjoying music, 2 parts being straightforward and 3 parts expressing my opinions. Too many parts?
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!