“Magkapatawaran, Magkalimutan”

 

Hindi lang ang panahon ang nagbabago. Pati nararamdaman ng puso, nagbabago. Pag nawala na lahat ng pagmamahal, pagpapahalaga at respeto nito para sa isang tao, wala nang dahilan para ipagpatuloy anuman ang naumpisan ninyo. Dahil ang lahat ay may hangganan.

Sabi nga sa isang kanta “Hanggang dito na lang…” –  Kahit kumaliwa ka pa o kumanan, o bumalik ka pa kung saan ka nanggaling, doon ka pa rin papunta sa “wala nang patutunguhan…”

Bakit ganun? Sa unang pagtatagpo, masaya, pero sa huling pagkikita ay may laging magmamarka? Dahil sa huling pagkikita na ‘yun, doon ang simula ng pagkawala ng lahat – ang lahat ng dahilan kumbakit mo siya pinahalagahan, minahal, inilagak sa pedestal, pero ang ending ay daig pa ang resulta na dala ng lindol na intensity 10? Guguho ang lahat. Pupulbosin. Tatangayin ng hangin. Hanggang wala ka nang makita kundi ang pagpatak ng huling luha mo – para sa kung sino man siya at kung sa anuman ang leksyong dala niya sa buhay mo.

Masakit masaktan, lalo na sa mababaw na dahilan. Yung tipong sa kahit anong angulo mo tingnan, “ang gulo”. Dahil hindi mo maisip, matanto, saan ka nagkamali? Bakit kailangang magkasakitan? Ang mga pang-iinsulto. tumatagos sa puso. Ang masasakit na salita, sumasagad sa kaluluwa. At ang malaking katanungan; “Deserve mo ba?” Para sa akin, hindi. Dahil walang hidwaan o hindi pagkakaunawaan na hindi nare-resolba sa mabuting usapan. Yung usapang matino, may pinag-aralan ka man o wala. Hindi dapat galit ang pinapairal dahil pag ang galit na ‘yan ay wala nang sinasanto, malaking sakripisyo ang kapalit nito.

Puwede kang mawalan ng isang  minamahal, kaibigan o taong pinagkakatiwalaan. At ang pinakamasaklap, puwedeng mawala sa’yo ang lahat – dahil hindi ka karapat-dapat mahalin, maging kaibigan o taong dapat pagkatiwalaan. “Attitude is everything”. Kung masama ang ugali mo, walang kaluluwang magiging masaya dahil sa’yo. Kaya sa mga taong sinaktan ako, pasensiya na. Saktan niyo na lahat, huwag na huwag lang ang puso ko, dahil kaya nitong kalimutan na minsan naging masaya ‘to dahil sa’yo. Pero natapos na ang minsan. Ang ngayon ay hindi na sumasang-ayon na maging bahagi ka nito.

“Magkapatawaran, magkalimutan.” Huwag na tayong magkasakitan ng paulit-ulit. Sinasayang lang natin ang panahon na dapat tayo ay masaya. Malayo sa kung anuman meron sa ating pagitan ngayon. Dahil hindi na masaya. Hindi na nakakatawa. Tuldokan na.

Tanggapin na lang natin na may mga tao talagang itinadhana para saktan tayo. Pero walang nasasaktan na hindi natututo. Lahat tayo natuto, aminin man natin o hindi. At dapat natin silang pasalamatan dahil kung ‘di rin dahil sa kanila hindi natin malalaman ang mga bagay na kaya nating gawin, gaya ng pagpapatawad at paglimot.

 

Nag-iisa lang ang buhay, hindi pa natin mamahalin o pahahalagahan ‘to?

Para saan? Para sa mga maling tao?

Hindi ba sumagi  sa isip mo minsan, kung ano ang kaya mong gawin, para sa sarili mo?

(Photo credit: Pose and Pinterest)

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!