Magdamagang Sarap, Kapalit ay Hirap (Based on a True Story)

Photo Credit : Photobucket.com
Photo Credit : Photobucket.com
Photo Credit : Photobucket.com

“Pare Kumusta ka na!” bati sa akin ng aking dating kaklaseng si Greg, isa siyang doktor.

“Heto, awa ng Diyos ay mabuti naman” tugon ko sa kaniya

Nagkamay kami sa isa’t-isa at nagpaalaman na para batiin din ang iba pa naming kaklase. Hayskul Reunion namin noon at ako ay dumalo para makitang muli ang aking mga kaibigan at dating kamag-aral. Nakatutuwa dahil marami sa kanila ay naging matagumpay sa buhay. Tatlo ang naging doktor sa Batch namin.

Muli ay naramdaman kong sumisirit ang sakit ng aking loob. Nadama kong muli ang lalim ng aking pagkabigo lalo na nang makita ko si Greg at marinig ang matimyas na tawag sa kaniyang “Doktor Greg”ng aming mga dating kaeskwela. Sayang Doktor din sana akong katulad niya, pero ako ay bigo. Bumagsak ako dahil sa magdamagang sarap na nauwi sa hirap.

Matalas ang aking ulo maging sa elementarya at Hayskul. Popular din ako noon sa paaralan dahil sa ako ay may leadership at pinagkakatiwalaan ng mga Estudyante. Third year hayskul ako nang hawakan ko ang pagiging Bise Presidente ng Student Body Organization. Nang fourth year na kami ay naging Corpse Commander naman ako ng CAT.Iginagalang ako ng mga estudyante at sinusunod ang aking mga utos.

Sa akin rin napunta ang Best in Math at Science, hinakot ko rin ang Leadership award at ako rin ang tinanghal na Valedictorian noong graduation Day. Nangarap akong maging Doctor at alam kong maabot ko iyon dahil handa akong pag-aralin ng aking Lola na nasa Amerika.

Ngunit, nangyari ang isang bagay na bumago sa aking pagkatao. Naging dahilan para gumuho ang aking mga pangarap. Bagay na pinagsisisihan ko hanggang sa mga oras na ito.

Gabi noon ng Graduation, matapos ang handaan sa bahay namin ay nagkita-kita kaming magkakaibigan sa isang kubo sa gitna ng bukid.Ang kubong iyon ay pag-aari nina Joel na kasama rin namin nang gabing iyon. Magkukuwentuhan lamang naman kami at iinom ng kaunting alak. Kilala ng mga magulang ko ang aking mga kaibigan, isa pa’y malaki na ako noon kaya ako ay pinayagan. Nagsabi na rin ako na doon na magpapalipas ng gabi. Lima kaming magkakaibigan na puro lalaki na naroon.

Maliwanag ang buwan at talagang amoy na amoy namin ang amoy-pinipig na sumasama sa hangin; katatapos lamang kasi ng anihan noon. Maganda ang pagkakagawa ng kubong iyon, maayos na pahingahan. May isang kuwarto ito sa itaas na maaring pagtulugan. Kumpleto din ito ng gamit sa sinumang gustong magluto. Mayroon ding mga gamit sa pagtulog, talagang bahay na nga ito kung tutuusin, pero malaki kasi ang bahay na bato nina Joel kaya rest house na lamang ang kubo.

Nagsaya kami sa saliw ng gitara, nag-ihaw kami ng pabo at nag-inuman.

“Pare, proud ako sa iyo na naging Valedictorian ka” sabi sa akin ni Lando ang aking best friend

“Salamat Pare, natiyempuhan lang” sagot ko naman

“Kaya lang wala kaming regalo sa iyo” sabi naman ni Ramil, isa ko ring ka –brod. Bahagya pa nitong pinalamlam ang mga mata.

“Ok lang iyon mga Pare ko, tama na itong magandang samahan” nasisiyahang sagot ko

Pamaya-maya ay nakita ko silang nagngitian at nagkindatan sa isa’t-isa kaya ako ay nagtaka. Nakumpirma ang pagtataka ko nang magsabi sa akin si Gerson ang joker sa aming lahat.

“Pare, actually may kaunti kaming nakayanan. Nasa itaas, puntahan mo na” sabi nito sa akin na may pilyong ngiti. Itinuro pa nito ang kuwarto.

Nakaramdam ako ng pananabik. Ano kaya ang kanilang regalo? Iyong shot gun kaya na matagal ko nang gustong makamit? Imposible! bata pa kami at hindi pa puwedeng humawak ng baril.

Pumanhik ako at nagtungo sa kuwarto na nananabik. Binuksan ko ang pinto, pamaya-maya ay narinig kong nagsalita si Lando.

“Pare, sensya ka na napundi ang ilaw diyan, bahala ka nang mangapa” pahabol nito sa akin.

Tahimik ang loob ng kuwarto. Wala ngang ilaw subalit nakikita ko rin ang loob dahil sa liwanag ng buwan. Napatingin ako sa kama at nakita ko ang isang babaeng nakahubad sa aking paningin. Napaurong ako

“Hep, hep, hep, Ikaw ba ang ipinagmamalaking Corpse Commander. Gusto kong makita kung tigasin ka nga!” nakaaakit at naghahamon ang tinig ng babae.

Lumapit ako rito, kitang-kita ko ang alindog nito, sa liwanag ng buwan. Mahaba ang buhok niya at napakaganda ng hubog ng katawan. First time kong makakita ng hubad na katawan kaya tila tambol sa sasal ang aking dibdib at naramdaman kong nagpupuyos ang aking pang-ibaba. Tila may nais kumawala.

Alam kong mali ito, gusto kong pagalitan ang aking mga kaibigan sa kanilang ginawa pero nadadarang na akong unti-unti sa tila ba masarap na putaheng nasa aking paningin.

“Magtititigan na lamang ba tayo o baka naman bakla ka” naghahamong tinig ng babae

Ginanti ko ang kaniyang hamon, agad akong sumampa sa papag at niyapos siya ng yakap. Narinig ko pang natawa ito nang malakas. Hindi talaga ako marunong kaya ako ay naasiwa ngunit tila inuutusan ako ng aking katawan sa kung ano ang gagawin. Mahusay din sa kama ang babae. Magdamag kaming naglaro ng apoy, nakatulog na lamang kami sa pagod.

Kinaumagahan ay nagising ako sa malakas na kantahan ng aking mga kaibigan, binabati ako ng Happy Birthday, bagong binyag na raw ako.

“Pare lalaking- lalaki ka na” bati sa akin ni Greg.

Bahagya akong nahihiya, itinanong ko kung nasaan ang babaeng nakaniig ko.

“Huwag mong intindihin iyon Pare, pokpok iyon galing Maynila. Estudyante rin, ganoon talaga iyon, baka bumalik na sa Maynila.” Sabi nila sa akin

Hindi ko na malimutan ang karanasang iyon, may pagkakataon na nakukunsensiya ako.Ngunit hindi ako handa sa biglang nangyari sa akin.

Tatlong buwan makalipas ang karanasang iyon ay nagkasakit ako. Lagi akong naduduwal at nahihilo, nakararamdam rin ako ng pananakit ng aking tiyan sa may tagiliran. Ganoon pa man ay hindi naman ako ipinadoktor dahil gumaling din ako ng kusa. Akala ko ay ayos na ang lahat.

Nag-enroll ako sa College of Nursing, iyon sana ang preparatory ko sa Medical School. Requirement sa enrollment na magpa-medical. Aba at natuklasan na ako pala ay may Hepa B. Anak ng Lintik! Ang Hepa B pala ay blood -borne disease at sa kasalukuyan ay wala pang natutuklasang gamut dito. Bagaman ang tao na mayroon nito ay maari pa ring mamuhay ng normal subalit carrier na ng sakit na ito. Maaring nahawa ako sa magdamagang paglalaro namin ng apoy ng babaeng pokpok.

Hindi ako pinayagang mag-enroll dahil ako pala ay may sakit. Bigong-bigo ako, pinagsisihan ko nang labis-labis. Hiyang-hiya ako sa aking mga magulang at sa Lola ko, ngayon ay hindi ko na naipaglihim ang aking ginawang kalokohan.

Gayunpaman ay pinilit ko pa ring magtagumpay sa buhay. Nag-aral ako ng Accounting at sa kasalukuyan ay isa akong accountant. May opisina ako sa aming bayan. Ngunit, ang pangarap ko sanang pagdo-doktor ay hindi ko na nakamit. Sayang! Dahil sa Magdamagang sarap ay nauwi lamang ito sa hirap na daranasin ko habang-buhay.

Noong minsan ay nag-apply ako papuntang abroad. May kumpanya na nagpetisyon sa akin ngunit bumagsak na naman dahil sa Medical ko. Hindi rin ako makapag-asawa dahil natatakot akong mahawahan ko rin ang magiging asawa at mga anak ko. Tila ako may AIDS dahil sa aking kalagayan.

Sayang! Nakinig sana ako sa sinasabi ng aking kunsensiya, doktor na sana ako ngayon. Nawala ang aking pangarap at nasira ang aking buhay.

Sa mga kabataan, huwag nating ipagpalit ang ating kinabukasan sa pansamantalang kaligayahan. Huwag magpaalipin sa libog. Ang minsang pagkakamali ay maaring pagdusahan ng habambuhay.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!