Magdamag

Photo credit : Thought Catalog

Ilang buwan na rin. Taon na nga eh. Pero parang kailan lang. Kausap pa kita magdamag. Magdamag mo pa nga akong dinala sa alapaap, magdamag na nagniniig sa pag-uusap. Kahit nga sa totoo lang, magdamag lang naman kitang inaasar.

Parang kailan lang no?  Nami-miss kita, mahal. Sobra.

Biruin mo, sa lahat ng tao sa mundong ibabaw, ikaw lang ang nakaka-gets sa kung gaano ako kalalim, kalabo at kalinaw. Sino bang mag-aakala. ‘di ba? E sa dating site lang naman kita unang nakita?

Ayokong maging korni. Ayokong sa ‘kin manggaling. Ayokong malaman mo ‘to. Ayokong malaman mong nadurog ako nung bigla ka na lang naglaho. Marami akong ayaw mong malaman, dahil sino ba naman ako sa iyo? Ni minsan ba e minahal mo rin ako?

Kaso nga lang, imbes na mag-move on ako, bes, saka ka naman nag-hi at hello, na parang walang nangyari. Eto naman ako, mabilis pa sa alas kwatro kung mag reply. Kaso bigla ka na lang ulit nawala. Badtrip.

Naiintindihan ko naman na hindi ako dapat umasa. Wala ka namang sinasabi eh. Kaso hindi ko napigilan, mahal. Asadong-asado na ako sa ‘yo. Hinihintay ko lagi ang message mo. Lagi akong nag-aabang na isang araw, babalik ka at ipaglaban mo naman ako.  Pero hanggang kailan ganito?

Nasan ka na ba ngayon? Natupad mo na ba ang mga pangarap mo? Hindi ka ba nag-iibang tao mula nang iwan mo ‘ko? Masakit, mahal. Kasi hanggang ngayon, nandito pa rin ako. Ako pa rin ito. Broken pa rin kagaya nung unang usap natin.

Wala namang nagbago talaga sa ‘kin eh. Mataas pa rin ako mangarap. Echosera pa rin. Madrama. Tahimik. Sa ‘yo lang naman ako naging madaldal. Kung tutuusin, sa ‘yo lang ako naging ako. Sa ‘yo ko lang pinagkakatiwala ang puso ko.

Kung isang araw, mabasa mo to, huwag mo naman akong pagtawanan. Makaka-move on din ako sa ‘yo, hintay ka lang. Salamat nga pala sa napakaraming magdamag na pinakinggan mo ang mga hikbi ko, mga reklamo ko sa buhay, mga tawanan at maging katahimikan. ‘Di kita malimot, mahal.

Paramdam ka na please.

Photo credit : Thought Catalog

 

About killingthedemons

Killing the demons consuming my mind.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!