Luhong Wala Sa Lugar

Image courtesy: http://4.bp.blogspot.com/-BhaxS_23Ja8/Uj9nnAXbljI/AAAAAAAABeg/Wwm4NzpHveo/s1600/Untitled.png
Image courtesy: http://4.bp.blogspot.com/-BhaxS_23Ja8/Uj9nnAXbljI/AAAAAAAABeg/Wwm4NzpHveo/s1600/Untitled.png
(Image courtesy: Pinterest)

Hindi masama ang magkaroon ng material possessions, basta “nasa tama” at kung kaya ba ng budget.

Ewan nga ba kung bakit may makakati ang mga kamay (hindi pagnanakaw ha?) na kapag may nakitang gusto, kahit kakarampot na ang pera ay ipagpipilitan pa ding bilhin ang nagustuhan nila.

Naaalala ko nang minsan ay narinig ko mula sa isang nakakwentuhan, aniya hindi na bale daw na magsikip ang kanilang bahay basta’t ito ay napapaligiran ng mga kasangkapan. Matanong ko lang, bakit nga ba may mga pagkakataon na panay ang pagbili natin ng mga kasangkapan? Ito ba ay bilang testamento ng ating kakayahan na makabili? Upang ipangalandakan sa mga bumibisita sa ating tahanan na May-K tayo?

Mabuti sana kung ang mga bagay na ito ay para sa kapakinabangan ng mga nasa tahanan, pero kung para ipang-display lamang ay marahil ibang usapan na iyan. Binili mo, tapos hindi mo gagamitin, aba, ay ano kaya iyon?

Ang minsang mga bagay na pinangangalandakan mo na nabili mo, ay siyang mga bagay na ipagbebenta mo kapag naggipit ka na, o kaya dahil na rin sa sobrang pagsisikip ng iyong tahanan na parang naaalibadbaran ka na at kelangan nang mag-free-up ng space para sa extra cash.

Sa aking palagay, ang luho at yabang ay closely associated na ika nga. Kung simpleng tao ka lang naman, makukuntento ka na sa kung anuman ang meron ka hindi ba? Pero kapag medyo may kayabangan ka, ayaw mo ng mga chipipay na mga kagamitan at pananamit, kelangan branded o kaya state-side. At sa oras na makamit mo na ang bagay na ito, siyempre dapat ilabas, ipangalandakan at ipagmalaki.

Tuwing sasapit ang kinsenas o ang katapusan, ang araw ng sweldo, ano ba ang madalas mong ginagawa sa iyong sahod? Binibili mo ba ang iyong mga pangangailangan o mas ninanais mong bilhin ang nakita mong gadget, cellphone, damit, sapatos o ano pa man para masabing mayroon na namang bago sa iyo na katas ng iyong pinaghirapan?

Ewan nga rin ba kung bakit may mga tao na tila nakikipagkumpitensya sa kapwa nila, maging kasamahan sa katrabaho o kapit-bahay. Nahihiya ka bang bansagan nila na walang nabibili sa iyong sweldo na kung tutuusin ay sapat lang naman para sa iyong mga pangangailangan? Kaya ba panay ang bili mo ng kung anu-ano para masunod lamang ang iyong luho ay dahil sa “image” na kailangan mong i-maintain?

Sabi nga dito sa amin sa probinsya, matalo na sa yaman, huwag lamang sa yabang. – Isang kaisipan na sa aking palagay ay maling pinaniniwalaan natin.

Kaya panay na rin ang reklamo mo na maliit ang sweldo mo. Hindi ka masaya sa trabaho mo dahil palagay mo maliit ang iyong sweldo at ikinukumpara mo ang iyong sarili sa mga katrabaho mo. Kung tutuusin, hindi ka pa rin naman ganun katagal sa kumpanyang pinagtatrabahuhan mo, kaya wag mong ipagpilitang i-level ang iyong sarili sa mga may katagalan na sa inyong pinagtatrabahuhan.

May isang okasyon sa inyong kumpanya, pinoproblema mo na naman ang iyong isusuot na damit kung kaya’t pinaplano mo na naman na paglaanan ng bahagi ng iyong sweldo ang damit na nakita mo noong minsan sa department store. Kung tutuusin, ang dami mo pa namang maaayos na mga damit sa iyong cabinet, pero ang dahilan mo eh ayaw mong mag-ulit ng isusuot na damit para sa mga ganoong okasyon. Ganun din ang prinsipyo mo pag dating sa mga isinusuot mong mga sapatos.

Dahil sa iyong luho, hindi mo mapagkasya kung ano ang sadyang meron ka at hindi ka nakukuntento. Hinahangad mo na magkaroon ng bagong trabaho na may mas mataas na sweldo. Pero ang lifestyle mo, hindi mo naman binabago. Laki sa luho at sunod ang layaw. Sige, ipagpalagay natin na mas tumaas ang sweldo mo, pero hindi mo nga mabago ang lifestyle mo. Makakaipon ka na ba? Palagay ko hindi pa rin dahil sa paglaki ng iyong sweldo ay palagay mo mas May-K ka nang bumili ng higit na mamahaling mga kagamitan.

Oo tunay naman na tumataas ang presyo ng bilihin ngayon. Pero isang problema lamang yan. Dinadagdagan pa natin ito ng isang problemang may patungkol sa Financial Management. Gayundin sa hindi tamang pagtukoy sa kung ano ba ang ating mga pangangailangan kaysa mga kagustuhan (needs vs. wants).

May mga tao namang nagkamit ng tagumpay at karangyaan na nagsimula sa maliit na mga bagay. Sadyang naging masinop lamang sila sa kanilang paggasta. Sinakripisyo muna nila pansamantala ang kanilang luho, para sa higit na mahalagang mga bagay. Sa halip na gastahin kung saan ang kanilang naiipon, nagiimpok sila o hindi kaya ginagamit na puhunan, partikular ang pagtatayo ng isang negosyo. Dinaan nila sa simpleng prinsipyo ng pagtitiyaga at pagsasakripisyo pansamantala, at hindi rin nadaan sa mga mabilisang pagunlad o yung mga “get rich quick schemes”. Dahil dito, ninanamnam na nila ngayon ang bunga ng kanilang mga pinaghirapan.

Ang mga aral: Gumastos nang naayon sa suweldo. Isakripisyo ang luho para sa pangangailangan at makapagimpok, hindi the other way around. Lahat ng bagay ay kailangang paglaanan ng kaukulang panahon at pagsisikap. Hindi darating ang pag-unlad sa napakaiksing panahon. Matutong mag-impok o mag-invest – isang sugal kung maituturing ngunit kung pagpapalain ay siyang magiging dahilan ng pag-unlad mo.

Muli, maraming salamat at mabuhay po tayo. Kung may VOTE WISELY, meron ding SPEND WISELY.

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!